Lunes, Setyembre 8, 2025

September 8, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria

Sa pagsilang ng Mahal na Birhen, nakikita natin na dumating na sa huling yugto ang plano ng Ama para sa kaligtasan ng mundo. Habang siya ay nasa ating tabi, manalangin tayo sa Diyos na lumalang sa kanya na “lubos na pinagpala.”

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ni Maria, pagpalain mo kami, O Ama.

Ang Simbahan nawa’y walang takot na ipahayag ang Ebanghelyo na ipinagkatiwala sa kanya ng Anak ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga walang pananampalataya nawa’y lumapit sa Panginoon na Nagkatawang-tao upang iligtas ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating mga ina nawa’y ibigay natin ang nararapat na pagmamahal at paggalang na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa tulong ng mga panalangin ni Maria, nawa’y maibalik sa kawan ang mga tumalikod sa pagtupad ng kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang tanggapin si Jesus sa Eukaristiya bilang Diyos na kapiling natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, sa Eukaristiyang ito, nagdiriwang ang iyong pamilya na kasama ang Pinagpalang Birheng Maria at sina Joaquin at Ana na kanyang mga magulang. Ipagkaloob mo ang hinihiling namin bunga ng pananampalataya sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 27, 2021 at 10:22 pm

PAGNINILAY: Espesyal ang ating pagdiriwang ngayong ikawalong araw ng Setyembre sapagkat ipinagdriwiang natin ang Pista ng Kaarawan ng ating Mahal na Birheng Maria. Ang Kapistahang ito ay bahagi sa tatlong iba pang pagdiriwang ng kaarawan sa buong Taong Pangliturhiya ng Simbahan, ang iba pang dalawa ay sina San Juan Bautista (Hunyo 24) at ang ating Panginoong Hesukristo sa Araw ng Pasko (Disyembre 25). Ang Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria ay isang natatanging grasya ng Panginoong Diyos sapagkat si Maria ay magiging Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesukristo, ang Araw ng Katarungan. Ito’y sumasapit siyam na buwan matapos ang Dakilang pagdiriwang ng Inmaculada Konsepsiyon (Disyembre 8 ).

Bagamat ngayon ay ang kaarawan ng Mahal na Ina, ang ating Ebanghelyo ay patungkol sa katuparan ng planong pangkaligtasan sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus sa sanlibutan. Ito’y sapagkat hindi maaaring hiwalayan ang diwa ng natatanging okasyong ito na dumating si Maria sa ating mundo, kaya’t nariyan din ang Panginoong Hesukristo. Nang ipasya ni San Jose na ipaglihim ang paghihiwalay sa dalaga dahil ayaw niya itong ipahiya at ipahatol ng kamatayan, biglang dumating ang anghel ng Diyos sa panaginip at ibinalita na ang sanggol na isisilang ni Maria ay ang Tagapagligtas ng mga makasalanan. Kaya nga makikita natin na mula sa 42 na henerasyon mula kay Abraham hanggang sa nakatakdang panahon, natupad ang plano ng Diyos na dumating sa ating piling ang Kaligtasan ng buong sangkatauhan. Kaya nga mahalaga ang naging papel ng Mahal na Birheng Maria sapagkat siya’y naging masunurin at mababang-loob sa mensahe ng Panginoon nang ito’y ibinalita sa kanya ni San Gabriel. Ikinasal siya kay San Jose at sila’y namuhay nang simple at may katapatan sa dakilang kalooban ng Ama, ganun rin sa pagsilang hanggang sa paglaki ni Hesus. Sa Kasal sa Kana, siya ang namagitan sa paggawa ni Kristo ng kanyang unang himala na gawing alak ang tubig. Sapagkat si Maria ang nag-utos sa mga lingkod na sundin ang bawat utos ng kanyang Anak. At sa paanan ng Krus, siya’y nakatayo nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako para matupad ang kaligtasang aako sa pagkakasala ng sangkatauhan. Ang Mahal na Birhen ay nagdusa nang may katapatan na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa ikabubuti ng marami upang patatagin nila ang pananampalataya. At iniatas ni Kristo na siya’y Ina natin, at tayo’y mga anak niya.

Kaya nawa’y sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Pagsilang ni Maria, tularan natin siya sa pagiging matapat at masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. Hilingin natin sa kanya na tayo’y kanyang ipamagitan sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo.

MALIGAYANG KAARAWAN PO, INANG MARIA!

Reply

Angelou Magboo September 8, 2021 at 8:44 am

“Maglilihi ang isang dalaga’t manganganak ng isang lalaki. At tatawagin itong Emmanuel.” Ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.”

Ang babaeng nagluwal sa Anak ng Diyos ay walang iba kung’di si Maria. Siya ang tanging nilalang na kinalugdan ng Diyos at ng Banal na Espiritu Santo upang tanggapin ang isang supling na magiging Tagapagligtas nitong sanlibutan.

Kung gayon, ang araw na ito ay hindi lamang nakalaan upang gunitain ang kaniyang dakilang kaarawan. Ito ay isang ispesyal na araw upang alalahanin kung paano nagsimula ang kaniyang mahabang paglalakbay dito sa lupa. Gayundin, magbigay tayo ng taus-pusong pasasalamat sa kaniya bilang mabuting halimbawa ng isang inang handang magmahal ng buo sa kaniyang anak.

Ito ay araw din para sa lahat ng magulang na nakakasama at karamay natin sa araw-araw. Nawa’y makita rin natin sa kanila at sa ating sarili na handa nating tanggapin si Hesus anumang bigat ang ipapapasan Niyang misyon. At sabi nga: An image of “God as our loving parent” helps us know how deeply we are loved. Kung kaya, araw-araw natin piliin ang Diyos bilang biyaya ng totoong pagmamahal.

Manalig tayo na Kasama natin ang Diyos. Gaya ng kung paano tayo iniingatan ng ating mga magulang, sapat na itong basehan kung gaano kagusto ng Diyos na tayo’y mahalin at alagaan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 8, 2021 at 9:55 am

Ang hamon ng ebanghelyo sa atin ngayon ay ang tularan ang mahal na ina, ang Birheng Maria. Hindi na natin kayang gawin na maging katulad tayo ni Maria na walang bahid kasalanan pero hindi pa huli ang lahat para umpisahan natin ngayon. Tularan natin sya sa pagiging masunurin sa loob ng Diyos, sa ganitong gawa ay kailanma’y hindi tayo mapapahamak. Tularan natin sya sa pagiging matiisin, tanggapin natin ang hamon ng buhay, ang mga pagsubok at paghihirap at makakaasa ka na hindi tayo iiwanan ng Diyos sa pagdaraanan natin basta wag ka ding bibitaw sa Diyos. Tularan natin si Maria na naging ina ng mga apostol at ng lahat, mahalin natin ang ating kapwa at patawarin ang ating mga kaaway.

Maligayang kaarawan Mahal na Ina, We love you Mama Mary! Maraming salamat po sa pagdarasal para sa amin at sa mga mahal namin sa buhay. HAPPY BIRTHDAY ??

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 8, 2021 at 9:56 am

Ang hamon ng ebanghelyo sa atin ngayon ay ang tularan ang mahal na ina, ang Birheng Maria. Hindi na natin kayang gawin na maging katulad tayo ni Maria na walang bahid kasalanan pero hindi pa huli ang lahat para umpisahan natin ngayon. Tularan natin sya sa pagiging masunurin sa loob ng Diyos, sa ganitong gawa ay kailanma’y hindi tayo mapapahamak. Tularan natin sya sa pagiging matiisin, tanggapin natin ang hamon ng buhay, ang mga pagsubok at paghihirap at makakaasa ka na hindi tayo iiwanan ng Diyos sa pagdaraanan natin basta wag ka ding bibitaw sa Diyos. Tularan natin si Maria na naging ina ng mga apostol at ng lahat, mahalin natin ang ating kapwa at patawarin ang ating mga kaaway.

Maligayang kaarawan Mahal na Ina, We love you Mama Mary! Maraming salamat po sa pagdarasal para sa amin at sa mga mahal namin sa buhay. HAPPY BIRTHDAY ??

Reply

Analyn campaner September 8, 2025 at 5:50 am

Maligayang kaarawan Mahal na Ina, We love you Mama Mary! Maraming salamat po sa pagdarasal para sa amin at sa mga mahal namin sa buhay. HAPPY BIRTHDAY ?

Reply

Lilian M.Saltore September 8, 2025 at 7:45 am

Mahal na Ina, maligayang kaarawan ! Maraming salamat po sa inyong mga panalangin para sa amin lahat at sa mga anak ,apo at m
ga kapatid ko.Amen.

Reply

MEL MENDOZA September 8, 2025 at 11:16 am

PAGNINILAY:
Maligayang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mateo 1, 1-16.18-23
“Sa katauhan ni Hesus, ang Diyos ay hindi lamang dumating—nanahan Siya kasama natin.”

Ang Ebanghelyo ngayon ay tila isang listahan ng mga pangalan—angkan ni Hesus—ngunit higit pa rito ay isang kasaysayan ng kaligtasan. Sa mahabang lahi na puno ng banal at makasalanang tao, ipinapakita ng Diyos na gumagawa Siya sa kabila ng ating kahinaan. Ang kasaysayan ng tao ay nagiging kasaysayan ng Diyos—dahil sa pagdating ni Hesus, ang Emmanuel, “Kasama natin ang Diyos.”

Ang 42 talaangkanan ni Hesus ay patunay na Siya ay tunay na tao at bahagi ng ating kasaysayan. Ngunit higit pa rito, Siya ay kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tanda ng Kanyang pagiging Diyos. Sa Kanya, natupad ang pangako: ang Diyos ay hindi malayo kundi nananahan kasama natin.

Ang inkarnasyon—ang Diyos na nagkatawang-tao—ay sentro ng ating pananampalataya. Hindi lamang ito misteryo ng pagsilang, kundi ng pag-ibig na nagliligtas. Ang Emmanuel ay hindi simpleng titulo; ito ay katotohanang teolohikal: ang Diyos ay hindi lang nasa itaas, kundi sa gitna ng ating buhay, kasama sa ating kasaysayan, at gumagabay sa ating hinaharap.

Kung ang Diyos ay “kasama natin,” dapat din nating sikaping maging “kasama ng iba.” Maging Emmanuel tayo sa ating pamilya, komunidad, at simbahan sa pamamagitan ng pagdamay, pag-ibig, at pagpapatawad. Tulad ni San Jose, piliin nating maging bukas sa plano ng Diyos kahit hindi ito tugma sa ating sariling plano.

Panalangin: Panginoong Hesus, Emmanuel, salamat at pinili Mong makibahagi sa aming buhay at kasaysayan. Tulungan Mo kaming maging tanda ng Iyong presensya sa mundong puno ng takot at kalungkutan. Nawa’y tulad ni San Jose, matuto kaming magtiwala sa plano ng Ama at tanggapin ang Iyong pagdating nang may buong pananampalataya at pag-ibig. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: