Huwebes, Setyembre 4, 2025

September 4, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Noong sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Halikayo, sumunod kayo sa akin,” tinatawag rin niya tayo sa kanyang halimbawa ng pananalangin upang ibahagi ang pananalangin sa iba. Maging mapagbigay tayo sa ganoong pananalangin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na guro, tulungan mo kaming lumusong sa kalaliman ng iyong pag-ibig.

Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari at lahat ng tinawag upang mamalakaya ng tao nawa’y magkaroon ng tapang at tiyaga na ihagis ang lambat ng paglilingkod sa malalim na karagatan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mangingisda at lahat ng nagtatrabaho sa karagatan nawa’y tumanggap ng maraming ani ng nag-uumapaw na yaman ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng katapangan na ipahayag sa mga hindi sumasampalataya ang Mabuting Balita ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga nalulumbay, at mga nagdurusa sa karamdaman ng isip at katawan nawa’y hipuin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makamit kay Kristo ang walang hanggang gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng lahat ng tao, sa pamamagitan ng mga panalanging ito, tipunin mo ang mga nagsisikap na sumunod sa iyong Anak, siya na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 26, 2021 at 1:49 pm

PAGNINILAY: Ang Diyos ang tumatawag sa atin na tugunin ang panawagan na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa kanyang Paghahari.

Ang Unang Pagbasa ay ang paanyaya ni San Pablo sa mga taga-Colosas na patuloy na maging matatag sa buhay pananalangin upang mapuno ng karunungan at pag-unawa ang ating mga kaalamang magmumula sa ating mga puso. Ang awit na ito ay ang pasasalamat ni Pablo sa Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo na nagdulot sa atin ay kaligtasan, bagong buhay, at pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya tayo ay inaanyayahan mamuhay sa kanyang liwanag upang makamit natin balang araw ang kaganapan ng kanyang Paghahari sa Langit.

Ang Ebanghelyo ang nagpapakita tungkol sa Pagtawag ng Panginoong Hesus sa kanyang upang apat na mga Apostol, at sila’y mga mangingisda sa Lawa ng Galilea. Nang tinanong ni Hesus kung kamusta ang pagkuha nila ng isda, tumugon si Simon Pedro na wala silang kahit sila’y nagtrabahong maghapon. At inutusan niya siya na ihagis ang kanyang lambat sa katubigan, at bilang dumami ang mga isdang nahuli na sa puntong lulubog na ang bangka. Dahil sa nakitang kababalaghan ng pagdami ng mga isda, inutos ni Pedro si Hesus na layuan siya sapagkat itong Apostol ay itinuturing na siya’y makasalanan. Ngunit tugon sa kanya ni Hesus na kasama sina Andres, Santiago, at Juan, sumunod siya sa kanya at siya’y magmamalakaya ng mga tao.

Makikita natin dito sa pagtawag ni Kristo sa 12 alagad na maging kanyang mga Apostol, hindi espesyal ang kanilang antas sa lipunan katulad ng unang 4 na mga mangingisda. Lahat din sila’y mga karaniwang makasalanan din, lalung-lalo na si San Pedro nang makilala niya ang Panginoon sa malaking huli ng mga isda. Subalit naging espesyal ang pagtawag sa kanila ng Panginoon sapagkat ito ay karaniwang panawagan ng lahat ng tao na maglingkod sa kanya at ipahayag ang kanyang mensahe. Ang simbolo ng pagiging “mamalakaya ng tao” ay makikita sa misyon ng Simbahan na ipanalo ang mga kaluluwa para kay Kristo. Hindi sa paraan ng paghuhuli ng isang tao gamit ang lambat, kundi ang pagtuturo sa kanya tungkol sa kahalagahan ng Panginoon sa mundong ito kahit ang panahon ay nagbabago at umaasenso ang teknolohiya/agham.

Inaanyayahan tayo ni San Pablo sa Unang Pagbasa na huwag tayo masyadong kumapit sa mga makamundong bagay, kundi sa mga espirituwal na bagay na mula sa Diyos. Ang lahat ng mga makamundong bagay ay kaloob niya sa atin upang gamitin natin ang mga ito sa maayos na paraan upang makapaglingkod sa kanya at sa ating kapwa. At sa panahon ngayon, dapat aalahanin po natin na ang misyon ng “Evangelization” ay hindi lang para sa mga nasa Hierarkiya (Santo Papa, Obispo, Pari, Diyakono) at hindi lang para sa mga relihiyoso’t relihiyosa, kundi ito’y para sa lahat ng mga bininyagang Kristiyano na naging bahagi ng Laiko. Totoo naman na hindi po lahat kayang magparangal tungkol kay Kristo o kabisaduhin ang Bibliya, ngunit tayo’y hinihikayat ng Simbahan na ipahayag ang Mabuting Balita at isabuhay ang mga aral nito sa pagbibigay-saksi sa Panginoon kahit anumang ordinaryong pamumuhay mayroon tayo.

Kaya nawa’y maging tapat tayo sa ating misyon na maging mga tunay na saksi ng Diyos sa pagpapahayag ng kanyang mensahe ng katotohanan at kabutihan upang mas marami pa ang makikilala sa kanya at magiging bahagi sa misyong ito.

Reply

Lynda Pasion September 2, 2021 at 5:46 am

Ang pagasam ng tao sa himala ng Diyos ang nagiging balakid upang ang pananampalataya, gaano man ito kalaki o kaliit , ay maging buo at ganap.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 2, 2021 at 9:47 am

May dalawang lalaki na parehas na parehas ng naranasang dagok sa buhay, Ang una ay nagpakalugmok, idinaan sa bisyo ang problema upang makalimot, nagalit sa Diyos sapagkat nawala ang lahat sa kanya, nagpakasama, hanggang sa mabilanggo at halos duon na naubos ang kanyang panahon hanggang sa mamatay. Ang isang lalaki nman ay tinanggap ang kanyang krus, nagsisi sa mga kasalanan at inisip na ang nangyari sa kanya ay pagsubok ng Diyos, imbes na sa bisyo ay sa simbahan sya tumakbo ng dumating ang dagok, nanikluhod at sinabing “Panginoon, ikaw lamang ang aking pag-asa, gawin nyo po kung ano ang nararapat sa makasalanang tulad ko”. Hindi ko kayo iiwan at wag nyo din po akong bibitawan” Ang lalaki ay namuhay ng maayos na walang agam agam at pagkabalisa.

Katulad ng ebanghelyo ngayon, Ang unang sagot ni Simon ay maghapon na silang nangingisda ngunit walang huli ni isa man, pero sinunod pa din nya si Hesus. At ang resulta ay sobra sobra pa na halos ikalubog ng banka dahil sa dami ng huli.

Ano man ang nangyayari sa buhay mo, ang susi pa din ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at hinding hindi ka mapapahamak. Sigurado yan.

Reply

Jose M. Javier September 7, 2023 at 6:14 am

According to Luke 5:1-11, when God pursues the frustrated, four things occur… He shows you: How great is his power, how great is your need of His pardon, how crucial it is to adopt His purpose, and how vital it is to value him above all else.

Reply

DIONNE F. DIOQUINO September 4, 2025 at 7:25 am

PAGNINILAY:
Sa ating Ebanghelyo po ngayon, napatunayan at laging napapatunayan na ang bawat salita at binibigkas ng Panginoong Hesus ay napaka bisa at totoong nagaganap ora mismo. Nasa kanyang lahat ang mga kamangha manghang gawa. Isa na nga dito ang pag utos niya kay Simon Pedro na muling ihagis ang lambat sa dagat, para makahuli ng isda. Sapagkat inumagat gabi na sila wala pa din silang mahuling isda,. Anupat sa mga sandaling inihagis nila ang lambat sa dagat sa utos ni Hesus ay hindi sila magkamayaw sa kanilang huli. halos lumubog na ang kanilang bangka sa dami ng huli. Isa na namang himala ang ipinamalas ng Panginoon sa mga tao.

Batid natin ang ibig pakahulugan ng ating Panginoon, sa mga himalang kaniyang ipinamalas, ibig niyang ipagpatuloy natin ang kanyang misyon, ang mamalakaya, ang misyong makapag akay ng mga taong naliligaw ng landas, mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa kasalukyang panahon, mas dumarami pa ng ang mga taong hindi nakakakilala sa kanya, mas gusto pa nilang magpayaman magkaroon ng magarbong pamumuhay, ngunit galing naman sa nakaw. Wala silang paki alam sa lipunan, sa katayuan ng pulubing mamayan, basta`t silay may karangyaan. Hindi naman tutol ang Diyos na tayo`y magsumikap para sa ating kinabukasan, pero dapat sa malinis na paraan, at nakasentro sa ating mga gawa ang Diyos na may likha.

PANALANGIN:
Panginoong Hesus, nawa`y lukuban mo kami ng Iyong Banal na Espiritu, para maipagpatuloy namin at magampanan namin ang misyong iniatang mo sa amin. AMEN

DE COLORES!!!

Reply

MEL MENDOZA September 4, 2025 at 10:02 am

PAGNINILAY:
San Lucas 5, 1-11
“Ang totoong kasaganaan ay dumarating hindi sa ating sariling lakas, kundi sa pagtitiwala at pagsunod kay Kristo.”

Ang tagpo sa Lawa ng Genesaret ay larawan ng ating sariling buhay: minsan tila walang bunga ang ating pagsusumikap, kahit buong gabi tayong nagpupunyagi. Subalit kapag dumarating si Hesus at tayo’y nakikinig at sumusunod, ang dating kawalan ay nagiging kasaganaan, at ang pangkaraniwang gawain ay nagiging banal na misyon. Ang kwento ng tawag ni Pedro ay hindi lamang tungkol sa himala ng maraming huli ng isda, kundi higit sa lahat, ang himala ng pagbabagong nagmula sa pakikinig at pagtitiwala sa Salita ni Kristo.

Ang pagiging alagad ay nagsisimula sa pakikinig, humuhubog sa pagsunod kahit mahirap, at nagbubunga ng masaganang biyaya na nagbabago ng ating buhay tungo sa misyon.

Ang Ebanghelyo ay nagpapakita ng tatlong mahahalagang dimensyon ng bokasyon:
1. Pakikinig sa Salita (kerygma) – Nagsisimula ang pananampalataya sa pagtanggap ng Salita ng Diyos na siyang ilaw at lakas ng ating pananampalataya.
2. Pagtalima sa utos ni Kristo (obedientia fidei) – Ang pagsunod ni Pedro, kahit laban sa kanyang karanasan at lohika, ay tanda ng tunay na pananampalataya. Ang biyaya ay nagbubunga kapag ang ating tiwala ay lumalampas sa ating sariling kakayahan.
3. Pagbabagong-buhay tungo sa misyon (missio) – Sa harap ng sariling kasalanan at kahinaan, tinatawag pa rin tayo ng Diyos upang maging kasangkapan sa kanyang misyon: “Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.”

Sa ating mga gawain araw-araw—sa trabaho, pamilya, at paglilingkod—maaaring dumating ang mga sandaling tila wala tayong nahuhuli at parang walang kabuluhan ang ating pagsisikap. Sa mga oras na iyon, tulad ni Pedro, nawa’y marinig natin ang tinig ni Hesus na nagsasabing: “Ihulog muli ang lambat.” Ang pagsunod sa Kanya ay nagdudulot ng masaganang bunga na lampas sa ating inaasahan.

Panalangin: Panginoong Hesus, sa kabila ng aming kahinaan at pagkukulang, tinatawag Mo pa rin kaming sumunod sa Iyo. Turuan Mo kaming makinig, magtiwala, at magpakatatag sa Iyong Salita. Gawin Mo kaming tapat na mga alagad na handang maging mamamalakaya ng mga tao, upang higit pang makilala ang Iyong pag-ibig. Amen. ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: