Paggunita kay San Agustin,
obispo at pantas ng Simbahan
1 Juan 4, 7-16
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14.
Ang lahat ng ‘yong tuntinin
ay ituro mo sa akin.
Mateo 23, 8-12
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Agustin, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Mga pinakamamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatotohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14.
Ang lahat ng ‘yong tuntinin
ay ituro mo sa akin.
Paano ba iingatang maging wagas yaong buhay,
yaong buhay na binata sa kaniyang kabataan?
Ang tugon ay: “Sumunod s’ya sa banal mong kautusan.”
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong pabayaan.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa ‘yo kailanman.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Pupurihin kita, Poon, ika’y aking pupurihin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang lahat mong mga utos na sa aki’y ibinigay
palagi kong uusalin, malakas kong isisigaw.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Nagagalak na susundin yaong iyong kautusan
higit pa sa pagkagalak na dulot ng kayamanan
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
ALELUYA
Mateo 23, 9b. 10b
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at Guro nati’y iisa:
si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 8-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong mga panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Miyerkules, Agosto 27, 2025
Huwebes, Agosto 28, 2025 »




{ 1 comment… read it below or add one }
PAGNINILAY ?
Sa unang pagbasa mula sa 1 Tesalonica, nakita natin ang kagalakan at pagpapasalamat ni San Pablo para sa katatagan ng pananampalataya ng mga taga-Tesalonica. Ang kanilang pananalig kay Kristo ay nagbigay-lakas kay Pablo sa gitna ng kanyang mga paghihirap. Ito ay nagpapaalala sa atin na ang ating pananampalataya ay hindi lamang para sa ating sarili, kundi nagbibigay din ito ng inspirasyon at lakas sa iba. Nawa’y maging matatag din tayo sa ating pananampalataya upang maging inspirasyon sa ating mga kapatid.
Ang salmong tugunan ay nagpapahayag ng pagbabalik-loob sa Diyos at pag-awit ng may galak dahil sa Kanyang pag-ibig. Ang buhay natin ay maikli lamang, kaya’t dapat nating itanim sa ating isipan ang karunungan na magmumula sa Diyos. Hilingin natin na ipadama Niya ang Kanyang pag-ibig at paggiliw upang sa ating buong buhay ay may galak tayong umawit. Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos sa lahat ng ating ginagawa.
Sa Mabuting Balita mula kay San Mateo, tayo ay pinapaalalahanan na magbantay at maging handa sa pagdating ng Panginoon. Hindi natin alam kung kailan Siya darating, kaya’t dapat tayong maging tapat at matalino sa ating mga gawain. Ang tapat na alipin ay pinapamahala ng kanyang panginoon sa kanyang mga ari-arian, ngunit ang masamang alipin ay parurusahan. Nawa’y maging tapat tayo sa ating mga tungkulin at maglingkod nang may pagmamahal sa ating kapwa.
Sa paggunita kay San Agustin, isang obispo at pantas ng Simbahan, alalahanin natin ang kanyang buhay at mga aral. Siya ay isang halimbawa ng paghahanap sa katotohanan at pagmamahal sa Diyos. Nawa’y tularan natin ang kanyang halimbawa at maging matatag sa ating pananampalataya. Hilingin natin na ang pag-ibig ng Diyos ay maghari sa ating mga puso at maging handa tayo sa pagdating ng Panginoon.