Podcast: Download (Duration: 5:23 — 7.5MB)
Martes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos
Deuteronomio 31, 1-8
Deuteronomio 32, 3-4a. 7. 8. 9 at 12
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Frances de Chantal, Religious (White)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 31, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang sabi niya, “Ako’y sandaa’t dalawampung taon na ngayon at hindi na ako makagawa, tulad ng dati. Bukod dito, sinabi sa akin ng Panginoon na hindi ninyo ako makakasama sa ibayo ng Jordan. Siya mismo ang mangunguna sa inyo sa pamamagitan ni Josue. Pupuksain ng Panginoon ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila, tulad ng ginawa niya sa mg aharing Amorreo na sina Sehon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila’y ipabibihag niya sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila pagkat sasamahan kayo ng Panginoon. Hindi niya kayo pababayaan.”
Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng kapulungan ng Israel at sinabi ang ganito: “Magpakalakas ka at magpakatatag pagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa ating mga ninuno. Ang Panginoon ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya pababayaan, kaya’t huwag kang matatakot ni panghihinaan ng loob.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 3-4a. 7. 8. 9 at 12
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Ang ngalan ng Poon,
ay aking pupurihin
at ang inyong itutugon,
“Dakila ang Diyos namin!”
Siya ang Bato, manlilikha.
Walang kapintasan ang lahat niyang gawa.”
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw,
ang panahon ng inyong mga ninuno.
Itanong n’yo sa inyong ama, at ilalahad sa inyo.
Gayun din sa matatanda, at kanilang isasaysay.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Nang hatiin ng Diyos itong sangkalupaan
at pagbubukud-bukurin ang mga bayan,
at nang itakda niya ang mga hanggahan,
Nasaisip na niya ang Israel na kanyang bayan.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Pagkat ito ang bayan na kanyang hinirang.
Si Jacob na itinanging maging kanya lamang.
Tanging ang Poon ang pumatnubay
at walng ibang diyos na sa kanila’y umakay.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
ALELUYA
Mateo 11, 29ab
Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.
Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung maligaw ang isa sa mga iyon? Hindi kaya niya iiwan ang siyamnapu’t siyam na nanginginain sa kaburulan upang hanapin ang naligaw? Sinasabi ko sa inyo: kapag nasumpungan niya ito, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayun din naman, hindi kalooban ng inyong Amang nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Agosto 11, 2025
Miyerkules, Agosto 13, 2025 »




{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Marami tayong kilalang sikat na tao. Sa larangan ng basketbol, naroon sina LeBron James, Kobe Bryant, Michael Jordan, Stephen Curry, Marc Pingris, Andray Blatche, James Yap, Benjie Paras, Samboy Lim, at marami pa. Sa larangan ng negosyo, naroon sina Henry Sy, Sr., John Gokongwei, Tony Tan Caktiong, Andrew Tan, Lucio Tan, Zobel de Ayala, Bill Gates, Warren Buffet, Steve Jobs, at marami pa. Sa larangan ng showbiz at entertainment (kanta, sayaw, arte, atbp.), naroon sina Nora Aunor, Regine Velasquez, Lea Salonga, Governor Vilma Santos, Gary Valenciano, Martin Nivera, Dolphy, Kuya Germs, at marami pa. Sa larangan ng politika, naroon ang mga dating Pangulo ng Pilipinas at ang kasalukuyang si Pangulong Rodrigo Duterte, ang Pangulo ng Estados Unidos na si Barrack Obama, ang Punong Ministro ng Russia na si Vladimir Putin, at marami pa. At sa larangan ng Simbahan, naroon sina Kardinal Tagle, Papa Francisco, Papa-emerito Benedicto XVI, at marami pang mga obispo at pari.
May mga iba pang kilalang personalidad ng karamihang tao sa iba pang mga larangan. Pero paano ba sila naging ganyang kilala ng napakaraming nagmamahal at nagsusuporta sa kanila? Bakit ba nga sila patuloy na nagiging inspirasyon? Sa ating Ebanghelyo (Mateo 18:1-5, 10, 12-14), lumapit ang mga alagad upang itanong kay Hesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. Kaya’t tumawag siya ng bata at pinalapit ito sa kanya. Inihantulad niya ang Kaharian ng Diyos sa isang bata dahil ang mayroon ito ay ang pagiging magpakumbaba at masunurin. Kaya itong mga sikat na tao ay nagmula sa isang simpleng pamumuhay, at naging tapat sila sa pagiging mga mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ganun din dapat tayo sa ating buhay. Kailangan natin maging katulad ng mga bata. Hindi itong nangunguhulugan na magkulitan at magharutan tayo, kundi maging magalang, masunurin, at matulungin sa ating mga kapwa dahil ang mga ito ay itinuro sa atin ng ating mga magulang at mas nakakatanda sa atin (hal. guro at pari). At dito natin masasabi na dakila tayo sa harap ng Diyos. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga anak ng Diyos na magpakumbaba at masunurin. At kahit tayo’y dakila na, nawa’y sikapin din nating tumulong sa ating mga kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan.
Dear Lord, let me adore like a child, trust you like a child, love you like a child and be forgiving like a child. Amen.
PAGNINILAY:
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Sa Ebanghelyong ito, ipinapakita ni Hesus ang sukatan ng kadakilaan sa kaharian ng Diyos—hindi kapangyarihan, hindi talino, at hindi posisyon—kundi ang kababaang-loob at pusong tulad ng sa isang bata. Ang bata ay walang ipinagmamalaki, walang tinatagong layunin, at lubos ang pagtitiwala sa magulang. Ganito rin ang hinihingi ng Diyos sa atin: ang pusong marunong magtiwala, magpatawad, at magpasakop sa Kanyang kalooban.
Binigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng bawat “maliit” sa paningin ng mundo—ang mahihina, ang mahihirap, at yaong tila walang halaga sa lipunan. Sa mata ng Diyos, walang maliit o walang saysay. Lahat ay mahalaga at may anghel na nagbabantay sa kanila sa harap ng Ama. Kaya’t ang paghamak o pagpapabaya sa kanila ay paghamak na rin sa Diyos na lumikha at nagmamahal sa kanila.
Sa Ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ay ang talinhaga ng nawawalang tupa, malinaw ang mensahe: ang Diyos ay Diyos na humahanap, hindi lamang naghihintay. Hindi Siya kuntento na may “marami pang natira,” kundi Siya’y nagmamadali upang hanapin ang isa mang naligaw. Ipinapakita nito ang walang hanggang pag-ibig at habag ng Diyos—na para sa Kanya, ang bawat kaluluwa ay kasinghalaga ng lahat.
Theological Insight: Ang pagiging “maliit” sa kaharian ng Diyos ay hindi kahinaan, kundi pagpapanumbalik sa orihinal na relasyon ng tao sa Diyos—isang relasyon na batay sa tiwala, pagsunod, at dalisay na puso, gaya ng nilalang ng Diyos ang tao sa simula. Ang turo ni Hesus dito ay isang paanyaya sa metanoia—isang pagbabalik-loob na naghuhubad ng yabang at nagpapakumbaba upang muling maranasan ang tunay na kadakilaan sa Kanya.
Pastoral Note: Bilang mga Kristiyano, lalo na tayong mga lingkod sa simbahan, tinatawagan tayong maging larawan ng kababaang-loob at malasakit sa maliliit. Sa ating mga komunidad, may mga kapatid na mahina ang pananampalataya, sugatan ang puso, o tila nawala sa landas. Huwag natin silang kalimutan o husgahan. Sa halip, tayo ang maging mga kamay at paa ng Mabuting Pastol—lumapit, dumamay, at akayin pabalik sa kawan. Sa ganitong paraan, tayo mismo ay nagiging kasangkapan ng kagalakan sa langit.
“Sa kaharian ng Diyos, dakila ang pusong marunong magpakumbaba at magtiwala tulad ng isang bata, at walang isa mang maliit o naligaw na hindi mahalaga sa mata ng Ama.”
MAGNILAY: Ang maging masunurin ang pinakamahirap sa lahat. Puwede kang masipag o matulungin pero hindi ibig sabihin masunurin. Taglay mo man ang iba pang magagandang katangian kaya lang ang gusto mo pa rin ang nasusunod. Ang maging masunurin ay pakumbaba kang sumusunod sa kagustuhan ng iba. Sinusuko mo ang gusto mo sa gusto ng iba. Pagpapakumbaba ang susi. Kung wala ka nun hindi ka puwedeng maging masunurin. Ang bata ang pinakamalapit na modelo ng pagiging masunurin. Pinakamababa sa lipunan noon ang mga bata. Larawan sila ng pagpapakumbaba. Alam ng mga bata na umaasa lang sila sa mga magulang kaya’t masunurin sila sa kanilang kalooban at gusto. Pakumbaba nilang sinusuko ang gusto nila. Ganung pagpapakumbaba at pagsunod ang hanap ng Panginoon sa atin upang pagharian niya ang ating mga puso. Ang isuko ang sarili sa paghahari ng Diyos ang pinakadakila sa kanyang kaharian.
Ang mga may mababang-loob ang karaniwang may malasakit din sa mga maliliit at api. Ang bata ay kinatawan din ng mga hamak ng lipunan. Paalala rin sila sa atin ng mga taong binabale-wala natin lalo ang mga naliligaw. Ang tunay na pinahaharian ng Diyos ay hindi maaatim na may mawalang sinuman. Hindi niya kayang maging walang pakialam.
MANALANGIN: Panginoon, turuan mo akong maging mababa ang loob at masunurin.
GAWIN: Maging masipag hindi sa pagsunod ng mga gusto mo kundi ng kalooban ng Diyos.