Miyerkules, Agosto 6, 2025

August 6, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 6
Pagbabagong-Anyo ng Panginoon

Sa pagbabagong-anyo, inihayag ng Ama ang kaluwalhatian ng kanyang Anak. Hindi natin nakikita ngayon ang kanyang kaluwalhatian, subalit sa ating paghihintay sa Kaharian, manalangin tayo sa Ama sa ngalan niya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Loobin Mong sumikat sa amin
ang Iyong kapangyarihan at kaluwalhatian, Panginoon.

Sa pamamagitan ng Simbahan nawa’y magningning ang kaluwalhatian ni Kristo habang tapat tayong nakikinig sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa nawa’y maakay ng minamahal na Anak sa mga landas ng kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y lumago sa biyaya at sa gayo’y mamasdan ng iba ang “liwanag ni Kristo” sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa nawa’y makita ang kanilang hinaharap sa nagbagong-anyong Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng bagong-anyo at makatulad ng niluwalhating Katawan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, nakamamanghang narito kami! Tanggapin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito, natitipon upang marinig ang iyong mga salita at mag-alay ng sakripisyo ng iyong Anak, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 4, 2019 at 9:10 pm

PAGNINILAY: Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ay isang kaganapan sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo na nagbago hindi lang sa kanyang buhay, kundi pati rin sa ating mga buhay. Kaya ang salitang ‘transfiguration’ ay nagmula sa wikang Latino, na ibig sabihin nito ay “pagbabago sa buhay”. Nais kong bigyan pansin ang tatlong punto ng pangyayaring ito gamit ang motto ng mga Katipunero: KKK.
1.) KALUWALHATIAN. Pag-akyat ng Bundok ng Tabor kasama ang tatlong Apostol na malapit sa kanya, nagbagong-anyo si Hesus, at nagliwanag ang kanyang mga damit na parang sumisikat ang araw.
2.) KATUPARAN. Nagpakita sina Moises at Elias sa kanya. Si Moises ay kumakatawan sa Kautusan, habang si Elias naman ay kumakatawan sa mga propeta. Dito natin mamasdan na si Hesus ay ang katuparan ng Kautusan at turo ng mga propeta. Tumatalima siya sa kalooban ng Ama dahil nakikita niya at tinatanggap na siya’y magpapakasakit, mamamatay, at mabubuhay na mag-uli sa Jerusalem para sa ating kaligtasan.
3.) KABUTIHANG-LOOB. Pagkatapos ang lahat ng mga ito, tumakip ang isang malalaking ulap na lumibot kina Hesus at ang kanyang tatlong alagad. At biglang nagsalita ang tinig ng Panginoong Diyos, at ibinunyag na si Kristo ay ang kinalulugdang Anak, kaya making tayo sa kanya. Ganun din ginawa nina San Pedro, Santiago, at San Juan nang pinakiusapan sila na huwag sabihin ang mga pangyayari hanggang mamuhay na mag-uli ng Panginoon. Kaya may dalang kabutihang-loob ang pangyayari ito sa ating buhay dahil sa Panginoong Hesus na sumunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama para sa ating kaligtasan mula sa ating mga pagkakasala upang balang araw tayo’y iako niya sa kaluwalhatiang ng Kaharian ng Langit.
Mga kapatid, dahil sa Pagbabagong-Anyo ng Panginpon, dito natin makikita at matutuo ang tunay na pagbabago sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Sumunod tayo sa kalooban ng Diyos, at makinig sa kanyang Salita, lalo na sa mga turo ng kanyang Bugtong na Anak, na ating binabasa sa Banal na Bibliya at pinapakinggan sa Banal na Misa. Isabuhay natin ang mga ito upang makita natin ang kaluwlahatian ng langit sa kataupusan ng ating pamumuhay sa daigdig. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y maranasan din natin ang pagbabago ng ating mga puso’t kaisipan sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Panginoong Diyos at pakikinig sa at pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo.

Reply

Jose M. Javier August 6, 2019 at 5:26 am

Ipinakita Ng Panginoon Ang kanyang kaluwalhatian dahil Ang Anginoon ay “omnipotent” we to follow Him how? Open our hearts and read or attend the Mass daily para every day ay refresh Ang holy spirit natin. Kung mangyari Yun ay Wala Ng puwang so Taning

Reply

Mylene Farinas August 6, 2019 at 7:32 am

Ang pagbabagong anyo mo, O Panginoong Hesus, at ang tinig ng Ama na nag-kumpirma na ikaw nga ay kanyang anak ay nagpawi sa anumang agam-agam sa puso ng tatlong apostol na kasama mo sa bundok ng Tabor. Sila ang naging masugid mong tagasunod. Ito rin ang nagbigay katatagan sa kanilang pananampalataya na inihayag sa amin.

Kami rin Panginoon ay kailangan ng pagbabago, hindi sa aming anyo, kundi sa aming maling ugali, asal, at pag-iisip. Hiling namin O Hesus, ang iyong tulong upang aming makamit ang inaasam na pagbabago sa aming mga sarili para sa ikapupuri, ikararangal at ikasisiya mo. Maghari ka nawa sa aming mga puso sa tuwina. Amen.

Reply

MEL MENDOZA August 5, 2025 at 10:23 pm

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo (Lucas 9:28b-36), sinasalaysay ng Ebanghelistang si San Lucas ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus. Ito ay hindi lamang isang pagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian, kundi isang pagpapahayag ng tunay Niyang pagkakakilanlan bilang Anak ng Diyos. Sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan, ipinakita ni Hesus ang Kanyang banal na kalikasan—isang paunang sulyap sa Kanyang muling pagkabuhay at tagumpay sa krus.

Sa pagkabanggit ng presensya nina Moises at Elias sa tagpo ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus (Lucas 9:28b-36) ay may napakalalim na kahulugan—teolohikal, simboliko, at nakaugat sa kasaysayan ng kaligtasan.

Ang presensya ni Moises ay sumisimbolo ng Kautusan (Batas o Torah).
Si Moises ang tumanggap ng Sampung Utos sa Bundok ng Sinai at siya ang pangunahing kinatawan ng Batas ng Diyos sa Lumang Tipan.
Si Moises ay sumasagisag sa buong Kautusan ng Israel. Sa pagdalo niya sa Pagbabagong-Anyo, ipinapakita na si Hesus ang katuparan ng Kautusan—hindi Siya dumating upang sirain ito, kundi upang ganapin ito (Mateo 5:17).

At ang presensya ni Elias ay kumakatawan sa mga Propeta. Si Propeta Elias ang pinakadakilang propeta ng Lumang Tipan. Siya ay matapang na naghayag ng Salita ng Diyos at hindi namatay kundi iniakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy (2 Hari 2:11), kaya’t siya rin ay simbolo ng walang hanggang buhay. Kaya ang presensya ni Elias ay kumakatawan sa lahat ng mga propeta na naghula tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sa tagpong ito, ipinapakita na si Hesus ang katuparan ng mga hula ng mga propeta.

Kaya sa natunghayan natin sa Ebanghelyo si Hesus ay pinapakitang katuparan ng Batas at mga Propeta. Ang Pagbabagong-Anyo ay malinaw na pahayag na si Hesus ang sentro ng Kasaysayan ng Kaligtasan. Ang lahat ng Batas (Moises) at mga Propeta (Elias) ay nagtuturo patungo sa Kanya. Ang kanilang presensya ay patotoo na si Hesus ang pinangakong Tagapagligtas—ang Anak ng Diyos, na dapat pakinggan at sundin (Lucas 9:35).

Ang pinaka-ugat na mensahe sa Mabuting Balitaay ang pagpapakilala ng Ama kay Hesus: “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang, pakinggan ninyo Siya.” Ang mensahe ng Pagbabagong-Anyo ay hindi lang upang humanga tayo sa liwanag at kaningningan ni Kristo, kundi upang makinig sa Kanya, sumunod sa Kanya, at paanyaya din ng pagpapanibago ng ating sarili tungo sa kabanalan.

Hindi tayo tinatawag na manatili sa “bundok” ng kaaliwan o sa ating comfort zone, kundi tinatawagan tayo na ang tunay na pagbabagong-anyo ay nangyayari kapag tayo’y bumaba at sinasabuhay ang Salita ng Diyos—kahit sa gitna ng hirap, tukso, at pagsubok.

Ito ay isang paanyayal na sa bawat panalangin, sa bawat pakikinig sa Ebanghelyo, tayo rin ay inaanyayahang magbagong-anyo—mula sa pusong makasarili tungo sa pusong marunong magmahal, mula sa takot tungo sa pananampalataya. Makinig tayo kay Hesus. Siya ang ating Liwanag.

Mga kapatid na lingkod, ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay paalala sa atin na ang ating paglilingkod ay hindi lamang gawain kundi isang paglalakbay ng pagbabagong-loob. Huwag tayong masanay sa ritwal o tungkulin lamang. Sa bawat salita na ating binibigkas, sa bawat Hostiyang ating iniaabot, sa bawat kantang ating iniaalay, sa bawat hakbang nating ginagawa sa paglilingkod—naisin nating laging makita at maipakita si Kristo.

Ang ating personal na pagbabagong-loob ay susi upang ang ating ministeryo ay maging tunay na makahulugan at makapagpahayag ng liwanag ni Kristo sa iba. Makinig tayo kay Hesus. Magpabago tayo kay Hesus. At ipahayag natin si Hesus.

Panalangin: Panginoon, baguhin Mo ang aming puso upang makita Ka nang malinaw, pakinggan Ka nang tapat, at sundin Ka nang may kababaang-loob. Nawa’y ang Iyong liwanag ang laging sumalamin sa aming buhay at paglilingkod. Gawin mo kaming instrumento at daan ng pagpapanibago ng aming kapwa. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: