Sabado, Hulyo 26, 2025

July 26, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Bilang marurupok at mahihinang tao, iniluluhog natin sa ating Amang nasa Langit ang ating mga kahilingan. Dahil sa kanyang habag at pag-ibig, hinangad niya na maligtas tayo at makarating sa karunungan ng katotohanan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mahabaging Diyos, buhayin Mo kami sa iyong kabutihang-loob.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y laging gumawa para sa kabutihan ng mga kaluluwa lalo na ang mga mahihirap at mga hindi pinalad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinagkatiwalaang magdala ng katarungan nawa’y maging patas sa kanilang paghuhusga, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang komunidad nawa’y makilala natin ang kabutihan sa bawat isa kaysa magtuligsaan dahil sa kahinaan ng ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa katotohanan ng pag-ibig ng Diyos sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makinabang sa ani ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, nawa ang kapangyarihan ng iyong pag-ibig ang siyang laging bumuhay sa amin. Huwag nawa kaming magambala ng mga alalahanin ng mundong ito at hindi madaig ng kasamaan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 23, 2021 at 12:56 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagtitipang ginawa ng Panginoong Diyos sa bayang Israel. Ito’y tanda ng kanyang paglilikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto, at ang pagtatangi sa kanila bilang bayang hinirang ayon sa pangako ibinunyag kina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya’t inutos ng Diyos na magtayo si Moises ng altar gamit ang 12 batong kumakatawan sa 12 Tribo ng Israel, at ang mga kabataang lalaki naman ay lalagay sa ibabaw ang mga handog na susunugin. Pagkatapos ay kukunin ang dugo mula sa mga sinunog na hain, at ang dugong ito ay iwiwisik sa mga Israelita bilang katibayan sa tipan na sila ay magiging bayan ng Diyos, at ang Panginoon ay ang Diyos nila.

Sa mga nagdaang taon, alam natin na maraming beses sinuway ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoong Diyos, kaya’t nagkasira-sira ang kanilang tipan sa kanya, lalung-lalo na nang sakupin sila ng mga mababagsik ng bansa. Kahit sila man ay nailikas muli mula sa pagkatapon at pananakop, nangako ang Diyos na uukit siya muli ng tipan na pagpapatibayin na kikilalanin ng mga tao ang tunay na Panginoon at Diyos. At nangyari ito sa pag-aalay ng isang buhay na ganap na handog para sa kaligtasan ng lahat at pagtutupad sa pangako ng buhay na walang hanggan. Kaya ang Bagong Tipan ay naganap sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal. Ang paghahain ni Kristo ng kanyang buhay ang siyang nagpatupad sa kaligtasan ng sangkatauhan at pagtubos sa tanan, upang ang tao ay makamtan ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa susunod na buhay. Dahil alam ni Hesus na may mga taong magkakasala pa rin at maliligaw ng landas, itinatag niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa bisperas ng kanyang Pagpapasakit at Pagkamatay bilang atas na gawin ito bilang pag-aalala sa kanya. Ito’y patunay na hindi humihinto ang Diyos sa kanyang pagmamahal at pag-aabot-kamay sa mga nawawalan at naliligaw ng landas.

Ang Ebanghelyo ay isa sa mga talinghaga ng Panginoon: ang mga Damo sa Triguhan. At alam natin na ang Ebanghelyo sa Martes ay ang paliwanag ni Kristo ukol sa parabula. Ngunit ang nais niyang ipahiwatig dito ay hindi sumusuko ang Diyos, kahit ilang beses nagkasala ang isang tao. Totoong may mga masasamang damo sa ating bakuran, pamayanan, at pati na rin sa Simbahan at Pamahalaan. At parang tayo’y naniniwala na dapat mawala ang mga tinuturing natin na “salot” dahil sa kanilang pagdamay at pagpapahamak sa mga inosenteng mamamayan. Ngunit ipinapaalala ni Hesus sa atin na kung puputilin natin ang mga damo ay baka masira at madamay rin ang mga trigo. Kaya’t hinahayaaan ng Diyos na magsama-sama ang mga mabubuti at masasama hindi dahil mahilig siyang manloko. Ito’y dahil sa bunga ng kasamaang nagmana pa mula sa unang pagkakasala nina Adan at Eba, subalit winasto ni Hesus sa Krus ang ating pagiging mabuti, upang ang mga taong nagkasala rin ay matuwid at maiakay sa tamang landas. Kaya nga ang huling hantungan natin ay paghuhukom batay sa ating mga gawain alang-alang sa pag-ibig.

Alam natin kung gaanong kahirap magsama ang mga mabubuti sa masasama, lalung-lalo kung maraming mga inosente ay nagiging biktima na ng laganap na kasamaan. Subalit huwag nating kalimutan na matatagumpayan natin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan. Kung ang Diyos nga ay mapagbigay ng pagkakataon kung tayo man ay nagkasala, paano pa kaya tayo na may karapatang ituwid ang pagkakamali ng kapwa natin?

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 24, 2021 at 10:47 am

Hinayaan ng Diyos na tumubo ang mga damo kasabay ng mga trigo hanggang anihan. Pagsapit ng anihan, ang mga damo ay binigkis at sinunog. Ang mga trigo ay inipon at dinala sa kanyang kamalig. Ang mga damo ay ang masasamang tao na sumuway sa mga kautusan ng Diyos at pagdating ng paghuhukom ay lilipulin at susunugin sa impyerno. Samantalang ang mga trigo ay ang mgabfaong may takot sa Diyos na sumunod sa kalooban nya na syang nyang isasama sa kanyang kamalig o paraiso na tinatawag nating langit.

Reply

HARREL PAYCANA July 25, 2025 at 1:46 pm

Magandang Araw po sa ating lahat brothers and siters, ang nakatalaga po sa akin ngayong araw ay ang Pagninilay sa Gospel particular po sa Mateo 13:24-30 dito po ating nabasa ang talinghaga tungkol sa trigo at sa mga damo. Ipinapaliwanag po nito sa atin ang kahalagahan ng pagtitiis at pagmamahal ng Diyos sa atin.

Sa ating buhay, may mga pagkakataon po na tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok at mga hamon. May mga taong dumaraan sa ating buhay na tila mga damo na sumisira sa ating kapayapaan. Ngunit gaya po ng sabi ng Panginoon, hindi po natin dapat agad-agad na tanggalin ang mga damong ito.

Sa halip, tayo po ay dapat magtiis at maghintay hanggang sa panahon ng pag-aani. Ipinapakita po nito sa atin na ang Diyos ay may kontrol sa lahat ng bagay at Siya po ang magbibigay ng hustisya sa huli.

Ang aral pong ito ay nagpapaalala sa atin na tayo po dapat ay magtiwala sa plano ng Diyos at magpakumbaba po tayo sa kanyang mga gawain. Hindi po natin dapat subukan na kontrolin ang lahat ng bagay, kundi tayo po dapat ay magtiwala sa Kanyang pagmamahal at karunungan.

Sa atin pong pagninilay, tanungin po natin ang ating mga sarili….. Paano ba natin hinaharap ang mga pagsubok at mga hamon sa ating buhay? Nagtitiwala ba tayo sa plano ng Diyos para sa atin? Paano po ba natin isinasabuhay ang pagmamahal at pagtitiis ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay?

Nawa’y ang aral pong ito ay magbigay sa atin ng lakas at pag-asa sa gitna ng mga pagsubok at hamon ng buhay. Amen.

End of Sharing.
Bro. Harrel
SLS 1.2.3

Reply

MEL MENDOZA July 26, 2025 at 12:20 am

PAGNINILAY:
Ang Mabuting Binhi at ang Masamang Damo

Sa Ebanghelyo ngayon, inilahad ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa kaharian ng langit — isang taong nagtanim ng mabuting binhi sa kanyang bukid, ngunit habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng masamang damo. Sa halip na agad itong bunutin, sinabi ng may-ari na hintayin munang lumago ang trigo at damo, at saka ito paghiwalayin sa panahon ng anihan.

Ang talinghagang ito ay napapanahon sa ating karanasan sa mundo ngayon —
ika nga we all co-exist kung saan nakikipamayan na magkasama ang mabuti at masama. Makikita ito sa ating mga pamilya, pamayanan, Simbahan, at maging sa ating sariling puso, naroroon ang parehong kabutihan at kasamaan. Madalas, tayo ay natutuksong husgahan agad ang kapwa, sa halip na akayin gumawa ng mabuti para bang gusto nating tayo ang maging “tagaani” na naghihiwalay sa mabuti at masama. Ngunit sa turo ng Panginoon, ang pasensya, habag, at patuloy ng pagbibigay ng biyaya na magbalik-loob ang nangingibabaw sa Kanyang paraan ng paghatol.

Sa Ebanghelyo napakinggan natin na hinayaan ng may-ari ng triguhan na tumubo, ang damo at trigo. Ngunit sa panahon ng pag-aani, ang bawat isa ay haharap sa hustisya ng Diyos. Ang pag-aani sa talinghaga ay tumutukoy sa paghuhukom sa katapusan ng mundo, kung saan ang mga mabubuti ay “iipunin sa kamalig” — sa kaharian ng langit, at ang masasama ay “susunugin sa apoy” — isang imahe ng kapahamakan.

Ang magandang mensahe ng Ebanghelyo ay may Diyos tayong hindi padalos-dalos sa paghatol, Siya ay mapagpasensya, mapagmalasakit, at laging nagbibigay ng pagkakataong magbago. Pero ang hustisya ay darating sa takdang panahon. Kaya ang tanong sa atin ngayon ay: Ako ba ay namumuhay bilang mabuting binhi? O ako ba ay masamang damo sa buhay ng iba?

Ngayong araw ay ginugunita rin natin sina San Joaquin at Santa Ana, ang mga magulang ng Mahal na Birheng Maria. Bagaman walang detalyeng nakatala sa Bibliya tungkol sa kanilang buhay, ang tradisyon ng Simbahan ay nagbibigay ng mataas na pagpapahalaga sa kanila bilang mga huwarang magulang at tagapagturo ng pananampalataya sa kanilang anak. Ang kanilang kabanalan at pagsuporta sa bukas-palad na “Fiat” ni Maria sa plano ng Diyos ay bunga ng kanilang malalim na paghubog bilang magulang.

Sa panahon natin ngayon, napakahalaga ng mga lolo’t lola, mga guro, at matatanda sa tahanan na tagapaghubog sa kabutihan at pananampalataya ng mga susunod na henerasyon. Katulad nina San Joaquin at Santa Ana, sila ang tahimik ngunit matatag na haligi ng ating mga pamilya at Simbahan.

At tulad nina San Joaquin at Santa Ana, tayo ay tinatawagan na maging tagapagtanim ng kabutihan, tagapaghubog ng pananampalataya, at mga huwarang nilalang sa ating mga pamilya. Hindi kailangang maging tanyag para maging banal; kadalasan, ang mga tahimik na gawain ng pag-aaruga, pananalangin, at pagtuturo ng mabuti ay nagiging daan sa paglago ng mga banal.

Panalangin: Amang mapagmahal, sa gitna ng mundo kung saan magkasamang lumalago ang mabuti at masama, turuan mo kaming magpakita ng pasensya at habag. Gaya nina San Joaquin at Santa Ana, nawa’y maging mabuting halimbawa kami sa aming mga pamilya, at maglingkod sa Iyo sa tahimik ngunit taimtim na paraan. Panginoong Hesus kami ay nagtitiwala sa iyo. Amen.

San Joaquin at Santa Ana, ipanalangin ninyo kami.

Reply

Guilbert Poblite July 26, 2025 at 5:30 am

MAGNILAY: Kahit nahasikan tayo ng binhi ng kasamaan dahil sa diyablo hindi hinangad ng Diyos na agad tayong puksain katulad ng agad-agad natin pagbunot kapag may nakita tayong damo sa ating halamanan. Nanaig ang kanyang pasensya at habag. Orihinal tayong inosente bagamat nadungisan ng kasalanan dahil sa maraming kaganapan. Hangad niyang makaahon tayo at maging sandali pa rin ng grasya kahit ang naging karanasan natin ng pagkakamali at pagkakasala.

Marami ring pagkakataon na naging mapanghusga tayo sa kapwa. Ganun na lang kung ituring natin silang mga damo dahil sa mga naging pagkakasala at pagkakamali nila. Pero aminin natin na kung sino pa ang tinuturing na makasalanan sila pa mismo ang mas maunawain, mahabagin, mapagmahal at mapagpatawad dahil nga sa pinagdaanan nila sa buhay. Hindi talaga puwedeng ikahon tayo at sabihing damo na tayo habang buhay at wala nang pagkakataong magbago. Tulad ng mga mata ng Diyos makita nawa natin ang mabuti sa puso ng bawat-isa kahit nagkasala pa tayo.

MANALANGIN: Panginoon, nawa mapanagutan namin ang aming mga maling desisyon at matuto’t makabangon mula sa aming mga pagkakamali.

GAWIN: Huwag husgahan agad-agad ang sinumang nagkamali. Matutong magbigay ng pagkakataong magbago.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: