Huwebes, Hulyo 17, 2025

July 17, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Sinabi ni Hesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo” (Mt 11:28). May pananalig sa kanyang pangako, ipahayag natin ang ating mga pangangailangan sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, Ikaw ang aming kapayapaan.

Ang Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga natutukso sa kawalan ng pag-asa dahil sa bigat ng kanilang mga suliranin nawa’y makatagpo ng sandigan kay Jesus at mailagay sa kanyang mga kamay ang kanilang mga alalahanin at ligalig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa maligalig na kaisipan nawa’y magkaroon ng kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nahihirapan sa tindi ng sakit ng katawan at karamdaman nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kagalingan sa mga kumakalinga at nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magbunyi sa walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak ang kapahingahan kapag kami ay nabibigatan. Ipaubaya mo na tuwina kaming makatugon sa kanyang paggabay at mapalakas kami upang maging kanyang daan ng kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 17, 2019 at 10:01 am

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang paanyaya ni Hesus na sa ating araw-araw na pagtahak sa landas ng buhay, tayo ay lubos na lumapit sa kanya. Kung tayo’y napapakanta tuwing naririnig natin ang “Lift Up Your Hands” ni Arnel de Pano at ang “Halina, Lumapit Sa Akin” nina Fr. Danny Isidro, SJ at Fr. Nemy Que, SJ, ating palalimin pa ang ating Ebanghelyo na magpapatibay rin sa ating relasyon sa Panginoon. Mayroon tayong Diyos na may kakayahang intindihan ang ating mga pasan sa buhay, kaya siya’y Taong Totoo. At dahil siya rin ay Diyos na Totoo, inaanyayahan niya tayo na pasan ang kanyang pamatok. Ano ang pamatok na kanyang tinutukoy? Si Moises sa Unang Pagbasa ay natagpuan ang Panginoon sa isang nagliliyab na punongkahoy. Minsan siya’y nagduda sa kanyang misyon na ipahayag ang mensahe ng Diyos sa harap ng isang bayang inalipin at niyurakan ng mga taga-Egipto. Kaya ang tanda sa kanya ay si YAHWEH na “Ako ay Ako Nga” na ibig sabihin alam na Diyos ang kanyang mga plano para sa bawat isa. Ang tao’y humahangad sa Panginoon habambuhay dito sa lupa ay makakasiguro na siya’y iluluwalhati riyan sa langit. Ngunit kinakailangan din natin ayon kay Hesus na pasanin ang kanyang pamatok. Ang pamatok na tinutukoy niya ay ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Hindi naman sa nais niya tayo’y mamatay sa pagdurusa dahil alam niya’y walang tayong ginagawang masama, at hindi naman sa punto na kailangan takasan natin ang mga problema ng buhay, ngunit ang ating pinagtutuunan ay ang mabubuting pananampalataya sa Panginoon. At ang pananalig sa kanya ay may kaakibat na tugon na tama at mabuting gawain sa ating mga personal na buhay. Kung tayo ay nahihirapan dahil sa mga pasan at dusa, nawa’y ialay natin ang mga ito bilang pagkakataong gawin ang mga bagay na nakakalugod sa paningin ng Diyos. At huwag po nating kalimutan na upang tayo’y kanyang patnubayan araw-araw,sa pagmulat ng ating mga mata tuwing umaga at sa pagpikit ng mga ito tuwing gabi, magdasal po tayo nang taimtim, at isang konkretong paraan ng panalangin ay ang ACTS: Adoration, Contrition, Thanksgiving, at Supplication. Mga kapatid, huwag po natin isuko ang ating pananalig sa Diyos. Kumapit lang po tayo kay Hesus.

Reply

Jose M. Javier July 18, 2019 at 5:24 am

Tayo PO ay tuna’y na Mahal ng Panginoon, sa araw-araw na mga pasanin sa buhay Ang siyang nagpapalakas sa sting pananampalataya, tinuturuan Niya Tayo na maging matibay Ng sa gayun Hindi na Tayo mawalay muli sa Kanta.

Reply

Mylene Farinas July 18, 2019 at 8:08 am

Salamat YAHWEH sa yung katapatan sa iyong pangako. Sa lumang panahon, ipinakita mo ito sa pamamagitan ni Moises na naging daan sa kaligtasan ng mga Israelita mula sa pagka-alipin sa mga Egipcio. At, sa bagong panahon, ipinadala mo ang iyong bugtong na anak na si HESUS upang iligtas kami sa kapurasahan sa aming mga kasalaman. Ang salita mo ay buhay noon, ngayon at magpakailanman. Amen.

Ang hatid at inaalok ni Hesus ay hindi lamang kaligtasan kundi kaginhawan at kapahinghan. Kanya ring inihayag kung paano ito makakamtan: (2) tanggapin ang kanyang pamatok na magaan lamang sa mga taong tumatalima sa kanya; at (2) mag-aral sa kanya. Mag-aral sa kanya… nais ni Hesus na higit natin siyang makilala.

Salamat Panginoon, so mga sponsors ng Awit at Papuri website na nagbibigay daan upang makilala kita ng lubos sa araw-araw. Bless them all, Oh God, our Father Almighty, in Jesus name. Amen.

Reply

tammy amar July 20, 2023 at 7:57 am

tunay na mapagmahal Ang ating Panginoon Hesus at Diyos Amang nasa langit dahil pinadala niya ang kanyang bugtong na Anak para iligtas tayo sa kapamahakan ganun rin Ang misyon ni Moises na iligtas ang mga hudyo sa kamay nang paraon na kahit anung panganib na dala at lumakbay sa disyerto indi tayo pinabayaan bagkus dinala tayo sa kaluwalhatian dahil minamahal niya tayong lahat lumapit lamang tayo sa ating Mahal na Panginoon hingin natin ang kaginhawahan sa buhay kung anu man pagsubok ang nakamtan natin laban lang magtiis tayo dahil kung sino man ang nabigatan ay kanyang papahingain at bibigyan nang kasaganahan upang makamit natin ang ating minimithi.

Reply

MEL MENDOZA July 16, 2025 at 8:48 pm

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo, iniimbitahan tayo ni Hesus na lumapit sa Kanya. Lalo na tayong napapagal at nabibigatan. “Lumapit kayo sa akin kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y aking pagiginhawain. Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin…”

Ano ang ibig sabihin ng “pamatok”? Ang pamatok (Ingles: yoke) ay isang kahoy na gamit upang pagdugtungin na inilalagay sa batok ng dalawang hayop na magkasamang bumubuhat o humihila ng mabigat. Noong panahon ni Hesus, ito ay ginagamit upang magsaka o mag-araro.

Sa pananalita ni Hesus, ang pamatok ay simbolo ng ating pagsunod sa Kanya, ngunit hindi ito pabigat — bagkus ito’y paanyaya sa isang malapit na ugnayan sa Kanya. Ang kahanga-hanga rito, ang pamatok ay hindi isinusuot ng nag-iisa. Kapag tayo’y may pamatok na galing kay Kristo, Siya mismo ang kasama nating bumubuhat nito.

Kaya’t ang “magaan” at “madaling dalhin” ay hindi nangangahulugang walang hirap, kundi may kapahingahan dahil kasama natin si Hesus sa bawat hakbang. Ang tunay na bigat ay nangyayari kapag sinasalo natin ang lahat nang mag-isa. Ngunit kung si Kristo ang ating kasama, ang mabigat ay nagiging magaan, at ang pagod ay napapalitan ng pag-asa.

Ang “pamatok” ni Kristo ay hindi isang parusa kundi isang paanyaya — upang makiisa sa Kanya, matuto sa Kanyang kababaang-loob, at maranasan ang tunay na kapahingahan ng puso. Kapag kasama natin Siya, ang anumang bigat ay nagiging daan patungo sa biyaya.

Sa unang pagbasa, nagpapakilala ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng Kanyang banal na Pangalan — AKO’Y SI AKO NGA. Ibig sabihin, ang Diyos ay laging naroroon, hindi nagbabago, at tapat sa Kanyang tipan. Ipinangako Niyang palalayain ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin — isang tanda ng Kanyang walang hanggang awa.

Ang Salmo 104 ay umaalingawngaw ng paalala: “Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.” Hindi Siya nakakalimot, hindi Siya nagpapabaya, kahit kailan. Sa gitna ng kadiliman ng ating buhay, ang Kanyang liwanag ay palaging nariyan.

Hamon ng Kamalayan:
-Sa gitna ng aking mga pagsubok, hinahayaan ko bang buhatin ito nang mag-isa, o pinapasan ko ito kasama si Kristo?
-Nakikita ko ba ang Kanyang “pamatok” bilang biyaya — isang pagkakataon upang matuto, magmahal, at maglingkod kasama Siya?

Panalangin: Panginoong Hesus, salamat sa Iyong paanyayang lumapit at magpahinga sa Iyo. Nais kong pasanin ang Iyong pamatok — hindi bilang pabigat, kundi bilang tanda ng aking pag-ibig at pagtitiwala at pakiki-isa ko sa Iyo. Tulungan Mo akong hindi matakot sa pagsunod, sapagkat alam kong hindi Mo ako kailanman iniiwan. Amen.

Reply

Edna Saballegue July 17, 2025 at 11:10 am

Ang DIYOS ay tunay na napakabuti at kung tayo ay binibigyan NIYA ng mga pagsubok o pasanin sa buhay, ito ay para rin sa ating kabutihan upang sa KANYA lang tayo umasa at manalig at sumampalataya na kahit na tayo ay makasalanan pag tayo ay lumapit sa KANYA ay hindi NIYA tayo tatanggihan at handa NIYA tayong patawarin at tunay na SIYA lang ang solusyon sa ating mga kabigatan sa buhay sa MATAMIS st MAKAPANGYARIHANG PANGALANG ng KANYANG BUGTONG na ANAK na si HESUKRISTO AMEN!???

Reply

Guilbert Poblite July 18, 2025 at 5:24 am

MAGNILAY: Nakakapagod kahit sabihin pang mabuti ang iyong pinagkakaabalahan. Tiyak ang pananamlay lalo’t iniisip mong nakasalalay sa iyo ang tagumpay ng iyong ginagawa. Kapag nagmamagaling kang hindi mo kailangan ang sinuman at kayang-kaya mong nag-iisa, humanda ka dahil isang araw magigising kang pagod na pero ang layo mo pa sa katuparan ng iyong ginagawa.

Magpahinga ka sa pagmamataas mo. Kailangan mo ang iba at lalo na kailangan mo ang Panginoon! Isuot mo ang pamatok ng pagpapakumbaba at kasama ang Panginoon at ang kapwa mo pasanin ang dalahin ng buhay nang mas maginhawa.

MANALANGIN: Panginoon, ang malaman at madamang kaagapay kita at kapwa ko sa aking buhay ay sapat nang kapahingahan sa nakapapagod kong pakikibaka sa buhay.

GAWIN: Pasanin mo ang dalahin ng iyong kapwa. Hayaan mo ring may ibang makipasan sa mga dalahin mo sa buhay lalo ang Panginoon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: