Linggo, Hunyo 29, 2025

June 29, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Patnubay sa Misa

Tigib ng pasasalamat sa Panginoon sa Kanyang paghirang kina Pedro at Pablo para sa mabigat na
tungkuling mamuno at mamatnubay sa Simbahan, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo ang Iyong bayan!

Para sa Simbahan: Nawa’y sa harap ng mga paghamon at suliranin, makapagpatuloy ito sa pagtitiwalang si Kristo ang siyang namamatnubay at nagpapastol sa ating lahat, manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga obispo, mga pari, relihiyoso at mga namumuno: Nawa’y sa tungkulin nilang pangangaral, sila ay magabayan, tulad ng mga apostol na sina Pedro at Pablo, ng pag-ibig ni Kristo sa lahat ng oras. Manalangin tayo!

Para sa mga namumuno sa atin sa mga tanggapang pambansa at lokal: Nawa’y sa halimbawa ng mga apostol na sina Pedro at Pablo, makilala nilang ang tunay na pamumuno ay nasa paglilingkod nang may kababaang loob, matibay na pagtitiwala sa Panginoon, at kahandaang humarap sa mga pagsubok at pagtitiis. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Kristiyanong dumaranas ng mga kahirapan sa pananampalataya: Nawa’y makatagpo sila ng lakas at sigla sa halimbawa nina Pedro at Pablo. Manalangin tayo!

Para sa mga naglilingkod sa misyon: Nawa’y magdulot sa kanila ng inspirasyon ang lakas ng loob at pananampalataya nina Pedro at Pablo. Manalangin tayo!

Ama, nagpapasalamat kami sa Iyo at binigyan Mo ang Iyong Simbahan ng mga pinunong tulad nina Pedro at Pablo. Sa aming mga paghihirap at kahinaan, gabayan nawa kami ng kanilang mga panalangin tungo sa katapatan at pagmamahal sa Iyong Simbahan, sa pamamagitan ni Kristong aming
Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 25, 2021 at 4:33 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ngayon ng buong Simbahan ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at Apostol San Pablo. Sila ang itinuturing na “mga haligi ng Simbahan”. Ang Simbahang itinatag ni Kristo ay nakatayo sa kanilang mga ministeryo. Si San Pedro ay may hawak ng susi bilang kapangyarihan ng Simbahahan ng pagpapahintulot at pagbabawal ng mga kaluluwa. Si San Pablo ay may hawak na espada bilang awtoridad ng Salita ng Diyos na nahahayag sa bawat gawain ng Simbahan.

Kapwa silang inatasan ni Kristo upang maging mga pastol ng Simbahan: si Pedrong kumakatawan sa mga sumusunod na Santo Papang namumuno sa buong Simbahan, at si Pablong kumakatawan sa mga Obispong nakaatasang mamastol sa iba’t ibang teritoryong pang-Simbahan. At mula sa Santo Papa at mga Obispo naman ay humihirang sa mga Pari at Diyakono upang maglingkod at mamuno sa mga Kristiyanong komunidad. Makikita natin ang kahalagahan ng “Apostolic Sucession” na nagpapatunay sa isa sa apat na marka ng Simbahang itinatag ni Kristo: ang ‘Apostolika’.

Narinig natin sa mga Pagbasa ang naging buhay nina San Pedro at San Pablo para sa Simbahan, Lalung-lalo na sa Ebanghelyo, nang dahil sa matatag na pananampalataya ni San Pedro na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos, ipinangako niya na itatayo niya ang Simbahan sa pundasyon ng bato. Ang batong ito ay nagbibigay-kahulugan sa pangalan ni Pedro bilang “Petrus” sa Griyego o “Cephas” sa Aramaiko. Itong batong ito ay sumasagisag din sa pananampalataya ng bawat taong nanalig sa iisang Diyos na Tatlong Persona. Kaya ganito katatag ang ating Simbahan, dala na rin ang pangako ni Kristo na hindi kailanman mawawasak ang anumang masamang puwersa.

Kaya sa Dakilang Kapistahang ito, itinuturo sa atin na mahalin natin ang Simbahang ating ikinabibilang. Sa tulong nina San Pedro at San Pablo, nawa’y mas makilala natin si Kristo sa bawat miyembro ng kanyang Katawan, ang Sambayanan ng Diyos.

Reply

Sherwin D. Yanoria June 29, 2021 at 7:07 am

Ano ang gusto mong premyo? Sa pagsali natin sa paligsahan ay meron tayong mga premyo. Gayon din sa paggawa ng mabuti, kadalasan ay may mga naghahangad ng pabuya. Ngunit wala ng hihigit pang makamtan kundi ang kaharian ng Diyos. Si San Pablo at San Pedro ay tunay na makabuluhan ang kanilang buhay. Kaya naman walang duda na makakamtan nila ang kaharian ng Diyos. Ang buhay nila ay inilaan nila para sa Diyos. Kaya tayo, para kanino natin inilalaan ang ating buhay? Naway mabigyan natin ng parangal ang Diyos sa ating buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 29, 2021 at 9:09 am

Tinanong ni Hesus ang mga alagad kung sino sya sa mga tao at iba iba ang naging sagot. Kung tayo nman ang tatanungin sa kasalukuyang panahon ano kaya ang isasagot natin?
Hindi natin namamalayan na ang tingin natin sa Diyos ay parang isang Genie, Madyikero o isang banko, alam nyo kung bakit? Sapagkat ang lahat ng lapit natin sa kanya ay paghingi mg kahilingan, pagdadasal ng mga kagustuhan sa buhay na imposible pero wala namang pagawa, o minsan ay puro paghingi ng pera na parang nagwiwidraw sa banko.
Tingnan natin ang Panginoon na creator na mat gawa ng langit at lahat ng nakikita mo sa mundo, Tingnan natin sya na isang Ama na laging nagmamahal sa atin ng walang maliw na dapar din nating suklian ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa. Tingan natin si Hesus na dapat tularan ang sakripisyo, Tingnan natin sya na isang Ama na dapat pasalamatan sa lahat ng ng natamo mo sa buhay mula sa maliit na bagay at malaki. At tingnan natin si Hesus na isang kaibigan, na syang dapat takbuhan pag may problema hindi amg barkada, alak at bisyo, isang kaibigan na sya din ang una mong pupuntahan kpag may masaya ka, kapag nagtagumpay ka sa kahit anong bagay, kaibigan na dapat natin kinakausap araw araw at pinasasalamatan.

Reply

tammy amar June 29, 2023 at 8:34 am

sinabi nga nang ating Mahal na Panginoon Hesus ang sinumang nanalig sa Diyos at mamatay ay muling mabubuhay kaya nang si Lazarus ay nabuhay marami ang hindi naniniwala dahil sa akala lahat ay magic pero sa totoo Ang muling pagkabuhay nang ating Mahal na Panginoon Hesus sa ikatlong araw na kanyang pagkamatay doon pinatunayan na lahat ito na sinabi niya ay totoo kahit nagdadalawang isip ang mga tao noon kung anu ang pagkakilala nila sa ating Panginoon Hesus doon nagpapatunay kung gaano kasukat ang ating pananalig balang araw makilala natin sina San Pedro San Pablo na tunay na simbolo upang ibalita ang mabuting balita at ipahayag sa buong mundo

Reply

MEL MENDOZA June 28, 2025 at 10:50 am

PAGNINILAY:

Ngayong araw, ipinagdiriwang ng ating Simbahan Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo, dalawang haliging matibay ng ating pananampalatayang Kristiyano. Bagamat magkaiba ang kanilang personalidad, misyon, at karanasan, iisa ang pinaglilingkuran nila—ang Panginoong Hesukristo.

Sentrong mensaheng Teolohikal na dapat Pagbubulay-bulayan:
Una. Ang Teolohiya ng Pagpapahayag ng Pananampalataya (Confessio Fidei)
Ang sagot ni Pedro, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay” (Mt 16:16), ay hindi lamang simpleng pahayag ng damdamin kundi isang pananampalatayang ipinahayag mula sa inspirasyon ng Espiritu Santo (cf. Mt 16:17). Ayon sa teolohiya ng Divine Revelation, ang tunay na pagkilala kay Kristo ay bunga ng biyaya — hindi basta bunga ng lohikal na pangangatwiran kundi ng apocalyptic unveiling ng kalooban ng Ama.

Sa ating pananampalataya, kailangang kilalanin na ang tamang pagkaunawa kay Kristo ay hindi simpleng intelektwal kundi bunga ng buhay na ugnayan sa Diyos. Ang ating mga lider ng Simbahan, tulad ni Pedro at ng Santo Papa, ay ginagabayan ng parehong Espiritu upang mapanatili ang katotohanan ng pananampalataya sa Simbahan (Magisterium).

Pangalawa. Ang Kataas-taasang Pamumuno ni San Pedro at ng Papa (Primatus Petri)
Ang pangungusap na: “Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan…” ay teolohikal na batayan ng Primacy of Peter, na pinanghahawakan ng Simbahang Katoliko. Ang paggamit ng salitang “bato” (Petros) ay hindi lamang makasaysayan kundi eschatological, sapagkat inilalarawan nito ang walang hanggang katatagan ng Simbahan kay Kristo sa pamamagitan ng pamumuno ni Pedro at ng kanyang mga kahalili.

Dito nakaugat ang apostolic succession, kung saan ang Santo Papa ang kahalili ni Pedro. Ang kanyang kapangyarihang magtali at magkalag (binding and loosing) ay tanda ng ecclesial authority na ginagabayan ng Banal na Espiritu sa pagpapasya at pamumuno (cf. Lumen Gentium 22, Vatican II).

Pangatlo. Ang Sakripisyong Buhay ni San Pablo bilang Misteryo ng Krus (Mysterium Crucis)
Sa sulat kay Timoteo, sinabi ni Pablo: “Inihahandog ko na ang aking sarili, natapos ko na ang takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya.” Ito ay isang Christological configuration, isang pagbubuo ng kanyang buhay ayon sa buhay at pagkamatay ni Kristo. Ang teolohiya ng participatio Christi ay nagpapakita na tayo, tulad ni Pablo, ay tinatawag upang makibahagi sa paghihirap, pagkamatay, at pagkabuhay na muli ni Kristo.

Ang tunay na buhay-Kristiyano ay hindi lamang pagtanggap ng biyaya kundi aktibong pakikiisa sa Krus ni Kristo. Ito ang batayan ng ating pagiging saksi—martir hindi lamang sa dugo kundi sa araw-araw na pagbubuhos ng sarili sa paglilingkod.

Ang panghuli. Kaligtasan bilang Aksyon ng Diyos sa Kasaysayan (Historia Salutis)
Sa Gawa 12, iniligtas si Pedro ng isang anghel. Ang tagpong ito ay sumasalamin sa teolohiya ng Salvific History — na ang Diyos ay hindi nananatiling malayo, kundi aktibong nakikialam sa kasaysayan ng tao upang iligtas ang Kanyang mga lingkod. Ang pagkaligtas ni Pedro ay hindi lang personal kundi ecclesial, sapagkat siya ang lider ng maagang Simbahan.

Sa bawat krisis ng Simbahan, pinatutunayan ng Diyos ang Kanyang presensya. Ang mga lider ay may misyon pero hindi sila iniwang mag-isa. Ang Espiritu ang tunay na gumagabay at nagpapalaya.

Pastoral Note (Para sa mga Tagapaglingkod sa Simbahan):
Sa ating mga layko, ang halimbawa nina San Pedro at San Pablo ay paanyaya sa:
Matatag na paninindigan sa katotohanan, kahit ito ay salungat sa takbo ng mundo.
Pagkakaisa sa Simbahan. Tulad ng dalawa, tayo ay tinatawag na makiisa sa kabila ng ating pagkakaiba-iba.
Pagpapalalim sa ating pananalig sa pamamagitan ng pagsasabuhay, hindi lamang sa pamamagitan ng salita kundi sa gawa.

Panalangin:
Panginoong Hesus, salamat po sa biyayang ipinagkaloob mo sa pamamagitan nina San Pedro at San Pablo. Ituro Mo sa amin ang tunay na kahulugan ng pananampalataya at paglilingkod. Nawa’y maging matibay kaming mga “bato” sa aming pamilya, simbahan, at pamayanan. Patatagin Mo ang Santo Papa, ang mga Obispo, at ang buong Simbahan sa gitna ng mga hamon ng mundo. Amen.

Viva San Pedro at San Pablo! Obolum Sancti Petri (Peter’s Pence): Paalala rin ito sa atin na suportahan ang misyon ng Papa at ng Simbahan sa buong mundo, lalo na sa mga nangangailangan.

Reply

Glenn dela Cruz June 29, 2025 at 6:45 am

Dakilang Kapistahan Nina Apostol San Pedro at Apostol San Pablo
Hunyo 29, 2025
Ebanghelyo: Mateo 16:13-19

“Tumayo sa Pananampalataya: Sa Yapak nina San Pedro at San Pablo” – by Bro. Glenn dela Cruz

Ngayong araw ay ginugunita natin ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo, dalawang haligi ng ating Simbahan. Sila ang dalawang pangunahing saksi sa pagpapalaganap ng pananampalataya—magkaibang tao, magkaibang ugali at pinagmulan, pero iisa ang puso sa paglilingkod kay Kristo. Kaya ngayong araw, binibigyan tayo ng pagkakataon hindi lang para alalahanin sila, kundi para masalamin din ang ating sarili sa kwento ng kanilang pananampalataya.

Ang Ebanghelyo ngayong araw ay galing kay San Mateo16:13-19.Isa ito sa mga pinaka-mahalagang tagpo sa buhay ng mga alagad: tinanong ni Hesus ang Kanyang mga disipulo, “Sino ako para sa inyo?”—isang simpleng tanong na may napakalalim na kahulugan. Sa totoo lang, tanong ito na paulit-ulit ring itinatanong sa atin ni Hesus hanggang ngayon. Hindi lang ito tanong na pang-kaalaman, kundi tanong ng relasyon. Kasi ‘yung sagot natin sa tanong na iyan, nagpapakita kung gaano natin Siya kakilala—kung Siya ba’y Tagapagligtas lang sa teorya, o talagang mahalaga at sentro ng ating buhay.

At dito lumutang si Pedro. Buong tapang niyang sinabi, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Hindi niya sinabi ‘yon dahil may academic background siya, o dahil memorize niya ang mga propesiya. Sinabi niya ‘yon dahil may pananampalataya siya—isang pananampalatayang simple pero totoo. At dahil dito, sinabi ni Hesus sa kanya: “Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Ko ang Aking Simbahan.”

Pero teka lang—alam naman natin, si Pedro ay hindi perpekto. Madalas siyang impulsive. Siya ‘yung una ring lumubog sa tubig dahil natakot. Siya rin ang nangakong “hinding-hindi kita iiwan, Lord,” pero itinanggi si Hesus nang tatlong beses. At sa kabila nito, siya pa rin ang pinili ni Hesus bilang batong saligan ng Simbahan. Bakit? Dahil ang Diyos ay hindi naghahanap ng perpekto. Hinahanap Niya ang totoo—ang pusong handang magmahal, magkamali, at magpatuloy. Sa madaling salita, ang biyaya ng Diyos ang nagpapakatatag kay Pedro, hindi ang kakayahan niya.

Ngayon, tingnan naman natin si San Pablo. Kung si Pedro ay dating mangingisda, si Pablo naman ay dating persecutor ng mga Kristiyano. Sa katunayan, kasama siya sa mga nagpapatay sa mga tagasunod ni Hesus! Pero sa Damasco, sa gitna ng kanyang paglalakbay, nasalubong niya si Kristo—at mula noon, nagbago ang lahat. Mula sa pagiging tagalaban ng pananampalataya, siya’y naging pinakamasigasig na tagapagtanggol nito. Ang kanyang mga sulat ay patuloy pa ring bumubuhay sa pananampalataya ng Simbahan hanggang ngayon. Si Pablo ay paalala na walang sinuman ang sobrang layo para hindi marating ng biyaya ng Diyos. Kung ang tulad ni Pablo ay kayang baguhin ng Panginoon, sino tayo para mawalan ng pag-asa sa sarili natin o sa ibang tao?

Si Pedro at Pablo—magkaibang ugali, magkaibang kwento, pero parehong ginamit ng Diyos sa pambihirang paraan. Si Pedro ay haligi ng pananampalatayang nagbubuklod sa loob ng Simbahan. Si Pablo naman ang naghatid ng Mabuting Balita sa labas, sa mga Hentil, sa mga hindi pa nakakakilala sa Diyos. Magkaiba sila, pero pareho silang naging saksi ng pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. Kaya ngayong kapistahan nila, hindi lang natin sila pinupuri, kundi tayo rin ay tinatawag na tularan sila.

Minsan, iniisip natin, “Hindi naman ako Pedro o Pablo, ordinaryong tao lang ako.” Pero kapatid, tayo rin ay tinatawag na maging mga ‘bato’ ng pananampalataya. Kapag pinipili mong bumangon mula sa pagkakamali at magpatawad—Pedro ka. Kapag pinipili mong iwan ang dating gawi at sumunod kay Kristo—Pablo ka. Kapag ginagamit mo ang ordinaryong buhay mo para magbigay liwanag sa iba, kahit sa simpleng paraan—Pedro at Pablo ka na rin. Ang Simbahan ay hindi lang itinayo sa kanila, kundi ipinagpapatuloy sa pamamagitan natin.

Kaya ngayong araw, balikan natin ang tanong ni Hesus: “Sino Ako para sa inyo?” Huwag lang nating sagutin ito sa bibig, kundi sa buhay. Sa bawat pagbangon mo, sa bawat pagtalikod sa kasalanan, sa bawat pagpapakumbaba, sa bawat pagkilos ng pag-ibig—doon mo pinatutunayan kung sino si Kristo para sa’yo.

Ipagdasal natin na tulad nina San Pedro at San Pablo, tayo rin ay magkaroon ng pananampalatayang matapang, pusong handang magbago, at buhay na nagsisilbing saksi ng Mabuting Balita. Hindi man tayo perpekto, pero sa grasya ng Diyos, kaya nating maging matibay na bato sa panahong maraming nangangailangan ng liwanag.

#SanPedroSanPablo #CatholicFaith
#KristiyanoAko

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: