Podcast: Download (Duration: 8:04 — 9.8MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Manalangin tayo sa Diyos upang makapaghatid sa sanlibutan ng kaligayahan ng pakikipagkasundo tayong mga nakaranas ng kanyang pagpapatawad.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming daluyan ng iyong kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y maging tunay na sakramento sa sandaigdigan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga taong sumumpang manungkulan para itaguyod nang matuwid ang katarungan at kalayaang pantao nawa’y hindi magparatang at maghimagsik, at sa halip ay kilalanin at supilin ang kasalanan sa kanilang sariling mga puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa na nagkalayo o naging malayo ang kalooban sa isa’t isa nawa’y matutong magpatawad, umunawa at kalugdang muli ang isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hilumin sa ating pagmamataas at maging mapagkumbaba na tanggapin ang ating pagkukulang at pagkakamali para mamuhay tayo nang mapayapa na kapiling ang ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y mabuhay sa walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ilayo mo kami sa katigasan ng puso at ipaubaya mo na lagi kaming maging handang lumapit sa pakikipagkasundo at hilumin ang anumang uri ng pagkakahiwa-hiwalay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Hunyo 11, 2025
Biyernes, Hunyo 13, 2025 »




{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong Huwebes pagkaraan ng Linggo ng Pentekostes ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng ating Panginoong Hesukristo bilang Dakila at Walang Hanggang Pari. Ang Kapistahang ito ay nagbabatay kay Hesus ayon sa ika-110 Salmo (bersikulo 10), na ang pahayag: “Katulad ni Melquisedec, gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.” Ito ang nagpapatunay ng pangako ng Diyos na magiging magpakailanman ang paghahari ng kanyang Anak, gayun din ang kanyang walang hanggang paghahain para sa katubusan ng sangkatauhan.
Ipinapahayag ng ating mga Pagbasa ang pagkamasunurin ng ating Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Diyos Ama, upang pagkasunduan niya sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng sarili sa Krus ang mga taong hinirang upang patuloy na ipahayag ang Mabuting Balita. Sa pagtawag ng Panginoong Diyos kay Isaias sa Unang Pagbasa, ipinakita dito na bagamat ‘di karapat-dapat at isang abang tao na hindi perpekto ay pinabanal ng isang anghel ang kanyang mga labi upang ipahayag na ang mensahe ng Panginoon. Kaya’t nang itanong kung sino ang susugo upang ipadala ang mensahe nito, ang tugon ng propeta ay ang kanyang paririto na utusan siya na isugo para ipabalita ang mensahe ng Diyos. Kaya si Isaias ay isa sa mga dakilang propeta ng Lumang Tipan, lalo na karamihan sa kanyang mga propesiya ay patungkol sa paghirang sa Mesiyas bilang Lingkod na tutuparin ang misyon alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya si Hesus ang hinirang na Mesiyas na nagmula sa Ama, bagamat may likas na pagka-Diyos, at bumaba siya sa ating daigdig natin at naging katulad natin bilang tao maliban sa pagkakasala, upang tayo ay kanyang iako at ipagkasundo muli patungo sa Ama. Kaya narinig natin mula sa Ebanghelyo ni San Juan sa mga huling sandali bago siyang hulihin sa Hardin na hudyat ng pagdanas ng kanyang Pagpapakasakit, ipinanalangin niya ang kanyang mga alagad na hindi sila mawalay, kundi italaga bilang mga saksi na hindi magkakawatak-watak, kundi magkakaisa katulad ng pagiging isa ni Kristo sa Diyos Ama. Ang tawag dito sa panalangin ni Hesus ay ang Panalanging Pangsaserdote, sapagkat bilang ating dakilang pari ay ibibigay niya ang kanyang sarili para sa katubusan ng sangkatauhan, at sa kanyang Muling Pagkabuhay at Pag-Akyat sa Langit, ang kanyang Paghahari ay lalago at hindi kailanman mananaig. Kaya sa Eukaristiya ay natutunghayan natin ang dakilang pag-aalay ni Kristo ng kanyang sarili sa tinapay at alak na nagiging tunay na kanyang Katawan at Dugo.
Mga kapatid, ang ating Panginoong Hesukristo ay ang Walang Hanggang Pari. Inialay niya ang kanyang Buhay sa Krus bilang pagganap sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ngunit dahil alam niya ang tao ay patuloy na nagkakasala at sumusuway, inihabilin niya sa Huling Hapunan na patuloy ang pagsasagawa ng Sakramento ng Eukaristiya sa pamamagitan ng pamumuno ng mga nasa Ministeryo ng mga Orden. Kaya ang bawat Misa ay ang paggunita sa Misteryong Paskwal ni Kristo at ang patuloy na paghahandog ng Simbahan para sa mga tao, kapwang namumuhay pa at yumao na. Ito ang pagdiriwang ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Pa’no ba natin ito susuklian? Kung tayo ay nakiisa sa Banal na Eukaristiya, iaalay natin ang ating mga panalangin at sakripisyo para sa ibang tao, at maging makabuluhan pa nito ang pagsasadiwa sa pagmamahal at paglilingkod, tiyak na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa kalangitan.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo (Juan 17, 1-2. 9, 14-26) sa araw na ito itinatampok ang Pagkapari ni Kristo at ang Kanyang Panalangin at Pagkakaisa. Ito ay bahagi ng tinatawag na High Priestly Prayer ni Hesus. Ipinapakita Niya ang Kanyang papel bilang tagapamagitan (intercessor) sa Ama para sa Kanyang mga alagad. Ipinapanalangin Niya na sila’y mapanatiling ligtas, banal, at magkaisa, tulad ng pagkakaisa ng Ama at Anak.
Ang pagkasaserdote ni Kristo ay hindi lamang sakripisyo kundi panalangin at pagkalinga. Siya ang ating Dakilang Pari na patuloy na namamagitan para sa atin. Ang Kanyang panalangin ay tanda ng pag-ibig na nag-uugnay sa atin sa Diyos at sa isa’t isa.
“Si Kristo bilang Dakilang Pari: Ang Tagapamagitan ng Diyos at Tao”
Sa kapistahang ito, ating ipinagdiriwang si Kristo bilang ang Walang Hanggang Pari—hindi lamang sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyong ginawa sa krus, kundi sa Kanyang walang patid na pamamagitan sa Ama para sa atin.
Ang lahat ng pagbasa ay nakasentro sa kabanalan, pagpapari, at pagpapadala ng mga lingkod ng Diyos upang mamuhay sa katotohanan, kabanalan, at pagkakaisa.
Sa Unang Pagbasa (Isaias 6, 1-4. 8) ipinapahayag Ang Banal na Tawag ng Diyos at ang Tugon ng Lingkod ni Isaias. Sa pangitain ni Isaias, nakita niya ang kabanalan ng Diyos: “Banal, banal, banal ang Panginoon.” Ito’y nagpapakita ng kadakilaan at transcendence ng Diyos.
Ang panawagan ng Diyos “Sino ang aming susuguin?” at ang sagot ni Isaias, “Narito ako, suguin mo ako,” ay nagpapahayag ng pagtugon ng propeta sa misyong banal.
Ang ating pagka-Kristiyano ay nag-uugat sa isang personal at malalim na pagkilala sa kabanalan ng Diyos, na nagtutulak sa ating tumugon sa Kanyang tawag na maglingkod. Tulad ni Kristo, tayong lahat ay tinatawag upang maging tagapamagitan ng Kanyang presensya sa mundo.
Sinasabi ng salmista (Salmo 23, 2-3. 5. 6), ang Kabanalan ng Lumalapit sa Diyos.
Ipinapakita sa Salmo na ang tunay na makalalapit sa Diyos ay yaong may malinis na puso at tapat sa kalooban.Ang gantimpala ng Diyos ay hindi materyal kundi “pagpapala at katuwiran.”
Ang pagiging bahagi ng sambayanan ng Diyos ay nangangailangan ng panloob na kabanalan at katapatan — isang paanyaya na tularan ang kabanalan ni Kristo bilang Dakilang Pari.
Binhi ng Pananampalataya:
Paano ko tinutugunan ang aking sariling bokasyon bilang bahagi ng sambayanang banal na itinatag ng Dakilang Pari na si Kristo?
Pagsasabuhay: Tulad ni Isaias, tayo rin ay dapat handang tumugon sa tawag ng Diyos: “Narito ako, suguin mo ako.”
Sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya, ating inaalaala at nakikiisa tayo sa walang hanggang pagkapari ni Kristo — kaya’t bawat pananambahan ay dapat magbunga ng misyon sa mundo.
Panalangin: Panginoong Hesus, aming Dakilang Pari, salamat sa Iyong dakilang pamamagitan para sa amin. Nawa’y matuto kaming mamagitan din para sa iba — sa panalangin, pagkakaisa, at buhay na handog. Amen.