Martes, Mayo 27, 2025

May 27, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes

Bago umakyat sa Langit, ipinangako sa atin ni Jesus ang isa pang Katulong na makakapiling natin tulad niya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipadala Mo sa amin ang iyong Espiritu.

Ang ating mga pastor nawa’y magtalaga nang lubusan ng kanilang buhay sa pangangaral ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang at guro nawa’y maging mga buhay na halimbawa ng pananampalataya para sa mga taong nasa kanilang pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang pagsikapang mabuti na gawin ang anumang nararapat upang ang Salita ng Diyos ay maging isang buhay na kapangyarihang magiging kaakibat ng lahat ng ating ikikilos, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga matatanda, mga nangungulila, at mga may karamdaman nawa’y ating ipadama ang ating habag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapahingahan at bagong buhay sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, tagapagbigay ng lahat ng biyaya, masagana mong ipagkaloob sa amin ang iyong Espiritu upang makapamuhay kami nang may kabanalan at magsikap para sa pagdating ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 15, 2020 at 10:35 pm

Pagninilay: Habang tayo’y papalapit sa katapusan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi ng mga diskurso ni Hesus bago siyang umakyat papuntang langit. Nangyari ito bago pa man maganap ang kanyang Misteryong Paskwal noong gabi nang siya’y nasa Huling Hapunan kasama ang 12 Apostol. Narinig natin kahapon kung paano plinano ni Hesus na suguin ang Espiritu Santo upang maging Tagapagtanggol nila. Ngayon ay tila inuulit niya ang pahayag ng pagsusugo ng Tagapagtanggol, ang Espiritu, upang maging gabay ng mga alagad sa kanilang misyon. Ang Espiritu ang tanging maghuhubog sa ating pagkatao upang makilala natin ang tama at mali ayon sa pamantayan ng Panginoon, at hindi sa mundo. Marahil ay dinidikta tayo ng tao o kaya ng isang grupo na namnamin ang isang bagay na akala natin ito’y mabuti. Subalit di lingid sa ating kaalaman na tayo’y tinutukso na gumawa ng masama. Kaya uso ngayon ang sinasabing sumunod sa “good influence”, at huwag sa “bad influence”. Ang Espiritu Santo ay ang “great influence” sapagkat siya ang magpapahayag sa atin ang dakilang kalooban ng Ama ayon sa Mabuting Balita ni Hesukristo. Kung bubuksan lang natin ang ating puso sa kalooban ng Panginoon ay matatanggap pa natin ang mga biyayang nararapat sa atin ayon sa kanyang pamantayan. Makikita natin sa Unang Pagbasa ang katatagan nina Pablo at Silas nang sila’y ipinaghagupit at tsaka ipinakulong. Habang sila’y umaawit ng mga imno, biglang nagkalindol at nawasak ang bawat selda. Akalain ng bantay na guwardiya na nakatakas ang mga bilanggo, kaya tinangka niyang magpakamatay. Subalit nagpakita sa kanya sina Pablo, Silas, at ang lahat ng bilanggo. Nagtanong ang guwardiya kung paano niyang makakamtan ang kaligtasan, at tugon ni Pablo na siya’y sumampalataya sa ating Panginoong Hesukristo. Nawa’y patuloy tayo’y maging matatag sa ating pananampalataya sa Panginoon sa tulong ng Espiritu Santo.

Reply

MEL MENDOZA May 27, 2025 at 12:03 am

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, winika ni Hesus: “Ngayo’y paroroon na ako sa nagsugo sa akin. Wala isa man sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta.” (Juan 16:5)

Ito’y pananalita na puno ng damdamin. Hindi simpleng pamamaalam, kundi isang pagbubunyag ng kalungkutan sa puso ng Panginoon—na ang Kanyang mga alagad ay tila hindi pa rin nauunawaan ang mas malalim na layunin ng Kanyang pag-alis. Hindi nila naitanong kung saan Siya patungo, sapagkat abala sila sa sarili nilang takot at pangungulila.

At hindi ba’t ganito rin tayo minsan? Sa harap ng pagbabago, kawalan, o pagsubok, agad tayong natataranta—“Ano’ng mangyayari sa akin?”—imbis na magtanong: “Panginoon, ano ang layunin Mo sa kaganapang ito? Saan mo ako gustong ipadala?”

Sa nalalapit na pagtatapos ng panahon ng Muling Pagkabuhay at sa nalalapit na Dakilang Kapistahan ng Pagakyat ng Panginoon sa Langit ang Kanyang pag-alis ay hindi pamamaalam kundi paghahanda sa 12 na alagad. Dahil sa Kanyang pag-alis, darating ang Espiritu Santo —ang Dakilang Tagapagturo at Kaagapay—ang magbubukas ng kanilang ng puso at diwa sa katotohanan. Ang Espiritu ang magbibigay liwanag sa mga alagad at sa ating budhi upang maunawaan ang kasalanan, katuwiran, at kahatulan.

Ang Espiritu Santo ay hindi lamang Mang-aaliw kundi liwanag na gumagabay sa ating budhi. Siya ang magpapaunawa sa atin ng katotohanan at nagtutuwid sa ating mga landas. Madalas ay natatakot tayong humarap sa katotohanan, lalo na kung ito ay nagsisiwalat ng ating kahinaan at mga kasamaan. Ngunit sa biyaya ng Espiritu, natututo tayong tanggapin ang katotohanan nang may pananampalataya at pagbabalik-loob.

Mga kapatid, sa araw na ito ay inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na kilalanin ang Espiritu Santo bilang ating kaagapay sa paglalakbay sa pananampalataya. Siya ang nagbibigay tapang upang tanggapin ang katotohanang minsan ay mahirap tanggapin, ngunit kailangang harapin. Siya rin ang gumagabay sa ating budhi upang piliin ang tama, lalo na sa panahon ng tukso at kalituhan.

Sa Unang Pagbasa sa Mga Gawa 16, makikita natin ang bunga ng pananampalataya nina Pablo at Silas. Kahit sila’y binugbog at ikinulong, subalit hindi nawala ang kanilang pag-awit ng papuri at panalangin. Sa gitna ng kadiliman, kumilos ang Diyos—niyanig ang kulungan, nabuksan ang mga pintuan ng selda, at ang puso ng bantay at ng kanyang sambahayan ay nabuksan sa pagtanggap nila ng biyaya ng pananampalataya.

Ito ay isang paalala na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang pisikal na pagka-bilanggo kundi lalo higit sa aspetong espiritwal. At kung paanong ang Espiritu ng Diyos ang siyang nagtuturo sa katotohanan, Siya rin ang nagpapalaya sa ating mga pusong nakakadena sa takot, pagkakasala, at kawalan ng pag-asa.

Sa araw na ito, ginugunita rin natin si San Agustin ng Kanterberi, isang misyonero at obispo na nagdala ng pananampalatayang Kristiyano sa Inglatera. Sa kabila ng mga balakid, dala niya ang liwanag ng Mabuting Balita, hindi sa pamamagitan ng lakas kundi sa biyaya ng Espiritu. Nawa’y matulad tayo sa kanya—handa tayong isugo at tanggapin ang misyon, saan man tayo dalhin ng Diyos.

Kahit tayo’y mahina o natatakot, basta’t bukas ang ating puso sa Diyos, maaari tayong gawing instrumento ng liwanag sa isang mundong puno ng kadiliman—tulad ni San Agustin ng Canterbury.

Panalangin: Panginoong Hesus, patawarin Mo kami kung mas iniisip namin ang aming sarili kaysa ang Iyong layunin. Turuan Mo kaming hindi matakot sa pag-alis Mo, kundi manabik sa pagdating ng Espiritu Santo. Tulungan Mo kaming magtanong, “Panginoon, saan Ka patungo?” at itugma ang aming buhay sa Iyong banal na kalooban. Gawin Mo kaming tapat na saksi ng Mabuting Balita saan man kami naroroon. Amen.

“Panginoon, Ikaw ang magbigay liwanag sa aming daraanan.”- St. Augustine ng Canterbury.

Reply

juliol Romasanta May 27, 2025 at 2:54 am

Pannginoon maring salamat sa mga banal na salita na iniwan mo sa amin.Salamat sa mga aral na natutunan namin narinig at nakita.Palagi mo sanang ipaalala sa amin na huwag kaming makalimot sayo sa kabila ng aming mga pinagdadaanan na mga pagsubok sa buhay.Nawa ay lagi kaming gabayan ng banal na espirto upang hindi kami maligaw ng landas patungo sayo.palakasin mo po ang aming loob upang makayanan namin ano mang pagsunok na dumaan sa aming buhay.All This I pray In jesus Name Amen.
..

Reply

Jackelyn del Prado May 27, 2025 at 9:33 pm

sa pagbasa nahayag kung gaano ang kadakilaan ng Diyos at ang halaga ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos kung tutuusin ay maaring tumakas ang mga bilanggo at sila San Pablo ngunit pinahintulot ng Panginoon na mabuksan ang puso at maunawaan ng tagabantay ang tunay na pananampalataya at Pagkilala sa Poong lumikha at ang kapangyarihan ng Ating Amang nasa Langit.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: