Podcast: Download (Duration: 7:21 — 5.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Patnubay sa Misa
Bunsod ng pananalig na angkapayapaan ay kaloob ng Diyos at bunga ng pagsisikap ng tao, idalangin natin ang mahalagang kaloob na ito:
Panginoong Hesus, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan!
Para sa Simbahan, ang Katawang Mistiko ni Kristo: Nawa’y maging daan siya ng pagkakasundo at pagtutulungan ng mga tao. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, mga obispo, at mga pari: Nawa’y sila ang maging kinatawan ng pagmamahal ni Kristo sa ating mundong nababalot ng pagkamakasarili at
kawalang-malasakit. Manalangin tayo!
Para sa mga bansang nasa gitna ng digmaan: Nawa’y maisip ng mga pinuno nila ang kawalang-saysay ng labanan at magsimula ng tapat na pakikipag-ayos para
sa ikabubuti ng lahat. Manalangin tayo!
Para sa mga mag-anak na pinaglalayo ng inggitan at hidwaan: Nawa’y maunawaan nilang tanging pagpapatawaran ang makapag-babalik ng minimithing kapayapaan. Manalangin tayo!
Para sa bawat isa sa atin at sa mga mahal natin sa buhay: Nawa’y tulad ni San Francisco de Asis, tayo’y maging kasang kapan ng kapayapaan ni Kristo. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: upang sa pamamagitan ng paggawa, ang bawa’t isa ay makapagkamit ng tunay na tagumpay, at bawa’t pamilya ay maitaguyod sa dangal
at ang lipunan ay lumago sa diwa ng tunay na pagkatao ayon sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, ipaunawa mo sa amin na sa pagtalima sa iyong salita, kami’y magiging kasangkapan ng iyong kapayapaan sa mundo at sa gayo’y magmana ng Kaharian ng Kapayapaan kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasa walang
hanggan. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Mayo 24, 2025
Lunes, Mayo 26, 2025 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ngayong Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, habang tayo’y papalapit sa mga Dakilang Kapisatahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit at Linggo ng Pentekostes, ipinaalala ni Hesus sa ating Ebanghelyo (Juan 14:23-29) ang kanyang mga tagubilin na kailanman hindi niya tayo pababayaan sa takot, dilim, at kasamaan kahit wala na siya sa lupa.
Tatlong mahalagang bagay ang gusto niyang ibilin sa atin:
1.) PAGIGING MATAPAT SA KANYANG SALITA. Siya na mismo ang nagsabi na sinunmang nais magamahal sa kanya ay dapat maging tapat sa kanyang mga utos at turo. At ang pagsusunod at pagmamahal sa kanya ay pagsusunod at pagmamahal din sa Diyos Ama at ang kanyang kalooban dahil si Kristo bilang Anak ng Diyos ay hindi lang tao, kundi may likas din ng pagka-Diyos.
2.) ANG PANGAKO NG ESPIRITU SANTO. Ang Espiritu Santo ay ang Ikatlong Persona sa Banal na Santatlo. Siya ang nagsisilbing Patnubay sa atin upang maintindihan, maunawaan, at maisabuhay natin ang mga aral ni Kristo. At ang mga aral na ito ay nagmula sa kalooban ng Ama.
3.) ANG KAGALAKAN AT KAPAYAPAAN NI KRISTO. Nalulungkot ang mga Apostol dahil aalis si Hesus sa kanilang mga piling. Ngunit ibinigay niya sa ating lahat ang kapayapaan at ipinangako niya ang kagalakan sa kanyang Muling Pagbalik sa Parousia (Ikalawang Pagdating). At habang tayo’y namumuhay sa mundong ito, kailangan nating sumampalataya sa kanya at isabuhay ito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nawa’y mapuspos tayo ng Espiritu Santo upang tayo’y gabayan sa pagiging mapagmahal at matapat sa Diyos at sa kanyang Anak na si Hesukristo hanggang sa ating kamatayan.
Tayo ay nasa huling linggo ng Pasko ng Pagkabuhay at ating ipagdidiwang ang Pag-akyat ni Hesus sa langit. Kaya’t ang huling linggo po ito ay muling pinaala sa atin ni Hesus ang mga huling habilin niya sa atin sa kanyang pag-akyat sa langit. At ito ay ang makasama niya ang Ama muli at mga taong banal na kayang nilinis at naging mabuti. Dalawang paalala ang ibinigay muli ni Hesus ang Ang Umiibig sa akin ay sumusunod sa kanyang mga Salita. At ang pagbaba ng Espiritu Santo na siyang gagabay sa atin. At ito’y magkaugnay. Kaya’t ang ating mga ebanghelo ito mga nakaraan araw ay patungkol sa Puno ng Ubas at mga sanga.. Dahil ang tunay na umiibig sa Diyos ay dapat ay nakikinig sa kanynag salita at tinutupad ito Ang ginawa gawa niya ay mula sa pagtupad sa Salita ng Diyos, ang ginawa niyang pag-ibig ay dahil sa pagtupad niya sa narinig niya mula sa salita ng Diyos, upang manatili tayong nakaugnay sa puno ng Ubas , kay Hesus, At ang gampanin ng Espiritu Santo ay patnubay natin upang tulungan tayo ay matupad natin ;lubusan ang umibig. Dahil ito rin ang dahilan na siya mag-uugnay sa kanya para maging banal ang ating pag-ibig.
PAGNINILAY:
Mga kapatid, habang papalapit tayo sa pagtatapos ng Panahon ng Muling Pagkabuhay, paalala sa atin ng mga pagbasa ngayon na ang bunga ng muling pagkabuhay ni Kristo ay hindi lang tagumpay laban sa kamatayan kundi isang bagong uri ng pamumuhay—pamumuhay na ginagabayan ng pag-ibig, kapayapaan, at paninirahan ng Diyos sa atin.
Tatlong sentrong mensahe ng mga Pagbasa:
1. Ang Umiibig ay Tumutupad sa Salita ng Diyos
Sinabi ni Hesus: “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita.” Napakalinaw ng Kanyang mensahe: Ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay may kasamang pagsunod. Hindi ito pagmamahal sa salita lang, kundi sa gawa.
Sa bawat pagkakataong pipiliin nating magmahal, magpatawad, umiwas sa kasalanan, at isabuhay ang Ebanghelyo, ipinapakita natin na tunay nating iniibig si Kristo. Sa ating mga pamilya, pamayanan, at simbahan, nasusukat ang pagmamahal natin sa Diyos sa ating pagtitiwala sa Kanyang mga utos at pagsunod dito kahit maraming mga hamon. Dahil kapag umiibig tayo sa Diyos, hindi mabigat ang Kanyang salita, kundi ito’y nagbibigay-buhay.
2. Ang Diyos sa Pamamagitan ng Espiritu ay Naninirahan sa mga Tapat sa Kanya
Isang napakagandang pangako ang ibinigay sa atin ni Hesus: “Kami’y mananahan sa kanya.” Ang Diyos mismo ang gustong tumira sa ating mga puso. Hindi Siya isang malayong Diyos. Sa bawat taong sumusunod at umiibig sa Kanya, ang Diyos Ama at si Kristo ay nananahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo- na gumagabay at nagpapabanal.
Kapag ang ating puso ay dalisay, tapat, at bukas sa Diyos, ito ay nagiging tunay na tahanan ng Banal na Espiritu. Hindi lang tayo tagasunod ng Diyos—tayo’y kinalulugdan Niyang tirhan. Ito ang paanyaya sa atin: linisin ang puso, bigyang-daan ang Diyos, at hayaang ang Kanyang presensya ang gumabay sa ating mga desisyon, damdamin, at pananaw.
3. Ang Regalo ni Kristo: Kapayapaang Hindi Maibibigay ng Mundo
“Kapayapaang aking iniiwan sa inyo, ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.” Sa mundong puno ng kaguluhan, salat sa katarungan, takot, at pagkakabaha-bahagi, iniaalok ni Kristo ang isang kapayapaan na hindi kayang ibigay ng mundo—kapayapaang galing sa pagtitiwala sa Diyos, kapayapaang hindi nakabatay sa sitwasyon kundi sa presensya ng Panginoon sa ating buhay.
Ito ang kapayapaan ng mga banal, ng mga tapat sa Diyos. Ang kapayapaan ni Kristo ay panatag na kalooban sa gitna ng pagsubok. Ito ang kapayapaang nagpapatatag sa atin kapag may problema, ang kapayapaang bumabalot sa atin kahit umiiyak na ang mundo.
Tanungin natin ang ating sarili: May ganito ba akong kapayapaan? Hinahayaan ko bang ang Espiritu Santo ang maghari sa aking puso?
Sa unang pagbasa, nakita natin ang pamayanang Kristiyano na ginabayan ng Espiritu Santo sa pagresolba ng suliranin. Pinili nilang makinig sa Espiritu, hindi sa sariling hilig. Sa ikalawang pagbasa naman, inilarawan ang Bagong Jerusalem—ang lungsod ng Diyos na puspos ng liwanag ng Kordero. Dito’y wala nang templo, sapagkat ang Diyos mismo ang templo.
Makikita natin: Ang tapat na pagsunod, ang paninirahan ng Diyos sa atin, at ang kapayapaang Kanyang kaloob ay bahagi ng paghahanda sa ating makalangit na tahanan. Tayo ay nililikha ng Diyos bilang Kanyang sagradong tahanan, isang pamayanang nagbibigay-liwanag sa mundo.
Binhi ng Hamon:
Mga kapatid, ngayong linggong ito, hayaang magbunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Mahalin natin ang Diyos sa pamamagitan ng tapat na pagsunod.
Buksan natin ang ating puso upang Siya’y manahan. At hayaang ang Kanyang kapayapaan ang maghari sa ating mga pamilya, sa ating simbahan, at sa ating puso.
Pag-ibig, pananatili ng Diyos, at kapayapaan—ito ang tatak ng mga anak ng muling nabuhay na Kristo. Isabuhay natin ito, upang sa ating pamumuhay, makilala ng mundo si Hesus na buháy at tunay na kapiling natin.
Panalangin: Panginoon, turuan Mo po kaming magmahal sa Iyo hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Gawin Mong tahanan ang aming mga puso. At sa gitna ng lahat ng gulo ng buhay, bigyan Mo kami ng kapayapaang tanging Ikaw lamang ang makapagbibigay. Amen.
Nasa huling linggo na po tayo sa panahong ng muling pagkabuhay. At sa bawat linggo ng ating pagpapasamat sa sa panahon na ito, anu anu nga ba ang ating naisukli at naibigay pabalik sa Diyos matapos tayong angkining kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagtubos sa Atin ni Hesus? Sa mga hamon ng buhay, tayo po ba ay natutung kumakapit sa habag at awa ng Diyos? Sa mga nagdaang araw pinaalahanan tayo ni Hesus na manatili sa kalooban ng Diyos.
Bago paman Aakyat si Hesus sa langit hinahabilinan niya tayo mga paalaala na narinig nating sa mga pagbasa (Ebanghelyo), una (ang umiibig sa Diyos)- sila po yung tumutupad sa salita ng Diyos, iibigin sila ng Diyos. Pagpapalain sila ng Diyos. Sila yung mga taong marunong makikipagkapwa. Sila yung mga taong mapagbigay, sila yung mga taong marunong dumamay sa kapwa nahihirapan sa buhay. Kaya habilin ni Hesus sa atin, ay ang ibigin siya sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga Salita.. Sa anong paraan? Sa pagsunod sa kanyang kalooban ng Diyos.
Pangalawa, inihabilin niya ang (Patnubay ng Banal na Espiritu Santo)- ito yung ihabilin niya para sa atin para tayoy gagabayan sa daan ng buhay. Kaya sa unang pabasa, ito yung Assurance niya sa atin na sa pamamagitan ng udyok ng Banal na Espiritu para resolbahin ang suliranin ng mga mamayayang kristyano. Kaya Pilini nilang makinig sa Espiritu. Kaya, Matutu tayong makinig sa dikta ng Espiritu Santo para tayo ay turuan sa lahat ng mga bagay at ng magpapaalala sa atin kung anu ang tama at kung anu ang Mali.
Pangatlong habilin ni Hesus, (iiwan Niya ang Kapayapaan) sa atin- sabi ni Hesus hindi ito kapayapang galing ng salibutan kundi (Ito ay ang kapayapaan ni Hesus) ang ibibigay niya para sa atin. Kaya paalala niya sa atin na huwag tayong matakot na tanggapin ang kapayapaang ito, sapagkat ito ang magsisilbing gabay bawat isa sa atin na magkaroon ng isang maayos na buhay.
Alam niyo po, ang tatay ko ngayon ay nasa matinding pagsubok ng kanyang buhay, siya po ay nagkasakit, malubha na po ang kanyang iniinda niyang karamdaman, at kasalukuyan pong nasa pagamutan ngayon, naka confine po siya, kinabitan po siya ng Oxygen dahil mahina po ang kanyang paghihinga, mahina narin po siyang gumalaw. Ibinahagi ko po ito sa inyo dahil bago paman siya dinala sa pagamutan, marami na po daw siyang sinabing mga habilin, at yung pamangkin ko po ay hinabilinan ng napakalumang isang Libo na itinago niya po sa kanyang pitaka.
Mga Kapatid ibig ko pong sabihin sa kwento, lahat tayo ay lilisan sa mundong ito, at sa ating paglisan may kanya kanya tayong iniiwan sa ating mga mahal sa buhay, maaaring mga magagandang alaala, maaaring mga bagay o di kayay mga paalaala sa mga naging karanasan niya/nila sa buhay.
Kaya sa huling linggo ng Panahon ng muling pagkabuhay, hinahabilinan tayo ni Hesus na manatili sa kanyang Biyayang Kaloob. Sa pamamagitan ng ating Pagtalima sa kanyang Salita upang tayong lahat ay paninirahan ng Diyos. At sa kanyang Paninirahan, mananahan sa atin ang kapayapaan na siya maghahanda sa ating makalangit na tahanan. At sa kaloob na ito lulukuban tayo ng Banal na Espiritu para tayo ay magabayan sa araw araw nating pamumuhay. Ito Ang Dakilang regalo ni Hesus sa atin.
Kung Kaya, buksan pa natin ang ating mga puso na tanggapin lalo si Hesus at hayaan ang kanyang pag-ibig at kapayapaan ang siyang maghahari sa bawat isa sa atin. Dahil ito ang TATAK bilang kanyang mga anak ng muling mabuhay na Kristo. Habilin ni Hesus, na huwag tayong matakot isabuhay ang kanyang mga salita ng sa ganoon maipakilala natin sa mundo na si Hesus ay tunay ngang BUHAY at tunay na kasama natin araw araw. Amen.