Podcast: Download (Duration: 7:49 — 5.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Ang Panginoon ang Mabuting Pastol na nakakikilala sa mga kabilang sa kanyang kawan sa kani-kanilang pangalan. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos na taglay ang pagtitiwala sa kanyang pag-ibig sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Pastol, panatilihin Mo kami
sa iyong pangangalaga.
Ang Santo Papa, ang pastol na hinirang ng Diyos, nawa’y gabayan tayo sa matuwid na daan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalatayang Kristiyano nawa’y maging iisang kawan na nasa pangangalaga ng iisang Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y magkaroon ng buhay at lubos na magkaroon nito sa pamamagitan ng katapatan sa Mabuting Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y magtiwala kay Jesus, ang Mabuting Pastol, na dumating upang iligtas ang mga nawawalang tupa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa at magdiwang kasama ng Pastol at bantay ng kanilang mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Amang lubos sa kabutihan, ginagabayan mo kami sa matuwid na daan; ang iyong Anak ay laging nasa aming tabi upang kami ay patnubayan. Bigyan mo kami ng kapanatagan sa pagtugon mo sa aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Mayo 11, 2025
Martes, Mayo 13, 2025 »




{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Kahapon ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Mabuting Pastol. Ngayong araw at bukas, patuloy nating pagninilayan ang diskurso ni Hesus tungkol sa Mabuting Pastol. Narinig natin sa Ebanghelyo kahapon ang larawan ng pinutuan, na siyang pasukan ng mga tupa, at kung sinumang nagtatangkang pumasok para lang mapahamak sa mga tupa ay itinuturing na magnanakaw at tulisan. Ang kulungan ng mga tupa ay sumasagisag sa Simbahan na kung saan tayong mga kawan ay inaakay ng Mabuting Pastol patungo sa ating buhay-paglalakbay sa pamamagitan ng mga pastol na namumuno at naglilingkod sa ating mga komunidad [Santo Papa, mga Obispo, at mga Pari]. Ngayong araw naman, narinig natin sa Ebanghelyo ang paghihintulad ni Hesus sa kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Ang kanyang tungkulin ay ang pag-aakay sa mga tupa at pag-aalay ng buhay upang manaig ang kabutihan para sa nakakarami. Ang pagiging “mabuti” ay magkaiba doon sa “mabait”. Ang pagiging mabait ay parang hindi tayo gagawa ng masama, bagkus ay magiging masunurin. Samantala ang pagiging mabuti ay mas malalim sapagkat kung hindi tayo gagawa ng masama bagkus ay magiging masunurin, sisikapin din natin na gawin ang lahat para sa magandang kapakanan ng nakakarami. Ganito ang paglalarawan kay Hesus bilang Mabuting Pastol dahil ang kanyang pangangaral at kababalaghan ay para sa ikauunlad ng relasyon ng tao tungo sa Diyos Ama. At sa bandang huli ay inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang mapawalang-sala tayo. At bilang katibayan ng kanyang ginawang niyang pag-uunay sa atin tungo sa Ama, siya’y nabuhay na mag-uli upang magkaroon tayo ng bagong buhay. Kaya ang ating buhay dito sa daigdig ay isang biyaya mula sa Diyos, at hindi kailanma’y dapat inaangkin natin ito. Sa huli, ang Panginoon ay may karapatang bawiin ang ating buhay. At ang paghahatol ay nakabatay sa pag-ibig na ating ipinadama dito sa lupang ito. Ang paghahari ng Diyos ay puno ng pagmamahal, kaya ang panawagan sa atin ay gawing makabuluhan ang ating buhay-pagklalakbay upang lumago pa ang kaharian ng ating Poong Maykapal. At katulad ni Hesus na Mabuting Pastol, nawa’y sikapin nating maging mabuti sa pamantayan ng ating Diyos at ipadama ang kanyang kabutihan sa ating kapwa.
Mayo 12, 2025, Lunes
Ika-apat na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin kilala ko’ng tupang akin; ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Juan 10, 1-10
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Tandaan ninyo: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa, ngunit hindi sa pintuan dumaraan kundi sa ibang daan, ay isang magnanakaw at tulisan. Ngunit ang tunay na pastol ay dumaraan sa pintuan. Pinapapasok siya ng bantay, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya sa pangalan ang kanyang mga tupa at inilalabas. Kapag nailabas na niya ang lahat, siya’y nauuna sa kanila, at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbo pa nga palayo sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.” Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas at makakatagpo ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay — isang buhay na ganap at kasiya-siya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
“Ako ang Pintuan. Ako ang Pastol. Ako ang Buhay.”
Sa Ebanghelyong ito, inilalarawan ni Hesus ang Kanyang sarili sa dalawang makapangyarihang imahe: ang Pintuan ng mga tupa at ang Mabuting Pastol. Hindi lamang Siya ang gumagabay, kundi Siya mismo ang daan. Sa panahon natin ngayon na puno ng ingay, disimpormasyon, at mga maling gabay, napakahalaga ng mensaheng ito: makinig lamang sa tinig ni Hesus.
Ang pintuan ay simbolo ng kaligtasan at pagpasok sa bagong buhay. Sa mundong maraming alok na “daan” ng kasiyahan, tagumpay, at ginhawa, ipinapaalala ni Hesus na tanging Siya lamang ang tunay na daan. Hindi makakapasok sa kawan ang sinumang hindi dadaan sa Kanya — ito’y babala laban sa mga huwad na pastol: mga lider o ideolohiya na nagpapanggap na para sa ikabubuti ngunit naglalayo sa Diyos.
Ang mga tupa, na sumasagisag sa atin, ay may kakayahang makinig at kumilala sa tinig ng pastol. Sa gitna ng maraming tinig — ng takot, galit, inggit, o tukso — kailangan nating linangin ang espirituwal na pandinig upang marinig ang tinig ng Diyos sa panalangin, sa Banal na Kasulatan, sa tinig ng konsensya, at sa Simbahan.
Ang magnanakaw, ayon sa Ebanghelyo, ay dumarating upang magnakaw, pumatay, at manira — ito’y malinaw na larawan ng kasalanan at masamang espiritu na unti-unting pumipinsala sa ating pananampalataya. Ngunit si Hesus ay nagsugo ng buhay, at hindi lang basta buhay — kundi buhay na ganap at kasiya-siya.
Sa araw-araw nating pamumuhay, tayo ba ay dumaraan sa pintuan na si Hesus? Tayo ba ay nagpapagabay sa Kanyang tinig o mas madalas tayong naaakit sa mga tinig ng mundong puno ng pansariling layunin?
Ang paanyaya sa atin ngayon ay pumasok kay Hesus, makinig sa Kanyang tinig, at sumunod sa Kanyang yapak. Hindi sapat ang kilalanin Siya — tayo’y tinatawagan na maging tapat na tupa: nakikinig, sumusunod, at nananatili sa loob ng Kanyang kawan.
Panalangin: Panginoong Hesus, aming Mabuting Pastol at Pintuan ng Buhay, bigyan Mo kami ng pusong marunong makinig at sundin Ka. Ilayo Mo kami sa mga huwad na tinig na naglalayo sa Iyo. Ipagkaloob Mo sa amin ang biyayang makapasok sa buhay na walang hanggan, na Ikaw mismo ang pintuan. Amen.