Podcast: Download (Duration: 6:37 — 4.7MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Ang Diyos Ama lamang ang makatutugon sa pagkagutom ng puso at ng espiritu, kaya’t ilapit natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mo ang aming espiritu, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y pukawin sa mga kasapi nito ang pagkagutom at pagkauhaw sa Tinapay ng Buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan na ang mga kinasasabikan ng ating puso ay hindi matutugunan sa pamamagitan ng paghahanap ng makamundong tagumpay o kaginhawahang dulot ng mga materyal na bagay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagsasayang ng kanilang panahon sa paghahanap ng kaligayahan sa maling paraan nawa’y matagpuan ang tamang daan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng ginhawa at paglingap mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makaisa ni Kristo sa bagong buhay na hatid ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming makapangyarihan, ipinagkaloob mo sa amin ang tinapay mula sa Langit bilang pagkain para sa aming paglalakbay. Patnubayan mo ang aming mga hakbang patungo sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Mayo 4, 2025
Martes, Mayo 6, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ngayong Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, matutunghayan natin ang isang telenovela tungkol sa Juan 6, o mas kilala bilang “Diskurso ukol sa Tinapay ng Buhay”. Ang “Tinapay ng Buhay” ay isa sa mga 7 “Ako ang” pahayag ni Hesus na isinalaysay ni San Juan. Noong nakaraang Biyernes, narinig natin kung paanong pinarami ni Hesus ang tinapay at isda upang maipakain ang napakaraming tao. Subalit nais ng mga tao na pilitin siyang maging hari, kaya si Hesus ay pinauna ang kanyang mga alagad na maglakbay sa ibayo ng dagat, habang siya’y mananalangin sa taas ng bundok. At sinabi nga sa simula ng ating Ebanghelyo ngayon ay nakita siya ng kanyang mga Apostol na lumalakad sa ibabaw ng katubigan kahit may malalakas na bagyo’t hanging humahampas sa kanilang bangka. Ngayon ay ang mga taong naiwan sa bundok ay nagpasyang lumayag sa Capernaum upang hanapin si Hesus o kahit ang kanyang mga Apostol. At nang natagpuan nila ang grupo ng Panginoon kasama si Hesus, tinanong nila siya kung kailan siya’y dumating sa Capernaum. At ang naging analisis ng Panginoon na ang paghahanap ng tao ay dahil sa tinapay na kanilang kinain at sila’y nabusog. Kaya binigyan niya sila ng isang hamon, ang pagsisikap sa pagkaing nagbibigay-buhay, hindi yung pagkaing nakakamatay. At nang tanungin siya’y kung ano ang dapat nilang gawin, ang simpleng sagot ni Hesus ay ang sumampalataya sila sa isinugo ng Diyos Ama, na tumutukoy sa kanya mismo. Kaya itong unang bahagi ng ating “Tinapay ng Buhay teleserye” ay isang pagbabalik-tanaw at mahalang aral tungkol sa kababalaghang ating narinig noong nakaraang Biyernes. Sa ating buhay-Kristiyano, pinapaalala sa atin na ang ating buhay ay dapat nakasentro sa Diyos. Subalit sa kabila ng mga umuunlad na bagay katulad ng teknolohiya, kadamitan, siyensiya, at ilang mga mamahaling bagay na mataas ang pagkakailangan, hindi dapat mawala sa atin ang ating pananampalataya sa Panginoon. At ito yung nais ipahiwatig ni San Esteban sa Unang Pagbasa na huwag nating hayaang ang ating mga ambisyon tungo sa kabantugan at mga makamundong bagay ay maging hadlang upang mas kilalanin pa natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Kristo. Subalit hindi ito pinaniwala ng Sanhedrin dahil sarado ang kanilang mga puso’t isipan. Kaya makikita natin na si San Esteban ay magiging isang saksi para kay Kristo, kahit ito’y umabot sa pagdanak ng kanyang dugo, na mamayang makikilala natin bilang kauna-unahang Kristiyanong martir. Subalit sa kabila ng kanyang paghihirap, siya’y pinagpala ng Diyos dahil sa kanyang katapatan sa dakilang kalooban. At ito rin ang nais ni Hesus na sa ating pagsasampalataya sa kanya, nawa’y isaalaala natin ang pagiging masunurin sa plano ng Diyos para sa bawat isa. At ito’y ating magagampanan kung tayo’y nakapokus sa mga mahahalagang bagay, at hindi lang mga makamundong bagay.
Sa Ikatatlong Linggo ng Pasko ng muling Pagkabuhay sa pagkakataong ito pinaaalalahanan ng Panginoong Hesus ang mga taong sumusunod sa kanya na binusog nya sa ginawa nyang himala sa pagpaparami ng 5 tinapay at 2 isda na ang dapat pagsumikapan ng lahat na hanapin ang tinapay ng buhay na hindi na sila magugutom pa muli na walang iba kundi ang Panginoon Hesus mismo. At ito ay sa pamamagitan ng isang mahigpit na kautusan ang makinig, sundin, at isabuhay ang mga salitang kanyang ipinangaral.
PAGNINILAY:
Ang talatang sa Pagbasa sa Ebanghelyo (Juan 6:26): “Sumagot si Jesus, ‘Tinitiyak Ko sa inyo, hinahanap ninyo Ako hindi dahil sa mga tandang inyong nakita kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog.’” Ito ay bahagi ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay, kung saan itinutuwid Niya ang motibo ng mga taong sumusunod sa Kanya—hinihikayat Niya silang hanapin ang pagkaing nagbibigay-buhay na walang hanggan, hindi lamang ang pansamantalang kabusugan.
Ito ay isang talata ng pagtutuwid at paanyaya. Sa Mabuting Balita ipinapahayag dito ni Hesus ang Kanyang saloobin sa tunay na dahilan at motibo ng mga taong sumusunod sa Kanya. Hindi nila Siya hinahanap dahil sa pananampalataya sa mga tanda (miracles) na nagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, kundi dahil lamang sa kanilang kabusugan—sa pansamantalang kaginhawaan.
Sa pananaw ng teolohiya, ito ay nagpapakita ng distinction sa pagitan ng “faith based on signs” at “faith based on satisfaction.” Sa una, ang pananampalataya ay bunga ng pagkilala sa mga tanda bilang patunay ng pagka-Diyos ni Kristo. Sa huli, ang pananampalataya ay may bahid ng pagiging makasarili—hinahanap si Hesus dahil may makukuha.
Pastoral na Salamin:
Tayong mga mananampalataya, kailangang tanungin natin ang ating mga sarili:
Bakit ako lumalapit sa Diyos?
1. Dahil ba sa Kanyang pagkadiyos, o dahil sa Kanyang mga biyaya?
2. Paano kung hindi agad sagutin ang aking dasal—mananatili ba akong tapat?
Madalas, mas madali tayong manalangin kapag may problema, at nakakalimot kapag tayo’y nasa kasaganahan. Ngunit si Hesus ay hindi lamang tagapuno ng ating kakulangan—Siya ang ating Buhay, ating Tagapagligtas, at dapat Siya ay hinahanap dahil sa kung sino Siya, hindi lang sa kung ano ang Kanyang naibibigay.
Panalangin: Panginoong Hesus, turuan Mo akong hanapin Ka hindi lang dahil sa mga biyayang natatanggap ko kundi dahil sa Iyong kadakilaan bilang Anak ng Diyos. Linisin Mo ang aking motibo, at palalimin ang aking pananampalataya upang Ikaw ang maging tunay na layunin ng aking puso. Amen.