Podcast: Download (Duration: 5:36 — 4.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Sabado
Taglay ang mga pusong nagsisisi at nagpapakumbaba, humaharap tayo ngayon sa Diyos. Tumugon tayo ng tapat at nagpapakaabang panalangin sa mga kahilingang ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Padaluyin Mo sa amin ang iyong habag, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y maging isang tiyak na kanlungan para sa mga makasalanan at mga itinatakwil ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y magbigay ng higit na malasakit sa mga kababaihan, mga bata, mga ulila, mga matatanda, at mga walang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalataya nawa’y magkaroon ng higit na malalim na pananalangin at pagsisisi lalo na sa panahong ito ng Kuwaresma, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Kristo upang mabigyan sila ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tinutunghayan mo ang aming mga puso at nakikita mo ang aming mga pangangailangan. Ipagkaloob mo, dahil sa iyong habag, ang hinihiling namin sa aming panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Marso 28, 2025
Linggo, Marso 30, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma ay paanyaya sa atin na magpakababa dahil hindi tayo perpekto, ngunit isang panawagan din na sumikap na magpakabanal sa ating mabubuting salita at gawain tungo sa Diyos at sa ating kapwa.
Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni Propeta Oseas na manubalik ang bayang Israel sa Panginoon. Si Oseas ay kilala sa kanyang pagtatagpo sa isang masamang babaeng nangangalang Gomer. Pinakasalan niya ito, ngunit hindi naging matapat si Gomer sa kanya. Kaya maraming beses siyang humiling sa kanya na bumalik siya sa kanya. Ang buhay ni Oseas ay isang alegorya tungkol sa Diyos na nag-aanayaya sa kanyang bayang Israel, na lugmok sa pagkakasala, na taospusong manumbalik sa kanyang pagmamahal. Kahit magmatigas pa ang mga Israelita, gagawa pa rin ng paraan ang Panginoon upang marinig nila ang kanilang mensahe, tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at mamuhay nang nararapat sa pamantayan ng Maykapal. Kaya sinabi ni Oseas na gagawa ng paraan ang Diyos kahit sa mga tanda upang makilala siya ng kanyang bayan, at gisingin ang kanilang konsensiya na may pagkakataon pa silang magbago at gumawa ng nararapat sa pamantayan ng ating Panginooong Diyos.
Ang Ebanghelyo ay ang pagsasalaysay ni Hesus tungkol sa Talinghaga ng Pariseo at ng Publikano. Ikinuwento ni Hesus itong talinghaga sa mga pinuno ng mga Hudyo dahil sa kanilang pagmamataas na tila mas kinalulugdan daw sila ng Diyos kaysa sa kapwang ordinaryong mamamayan. Dito isinalaysay niya ang dalawang taong nananalangin sa loob ng templo. Ang pariseo ay puno ng pagmamalaki sa kanyang sarili, na minamaliit niya ang ibang tao. Samantala ang publikano naman ay yumuko at dinagok ang kanyang dibdib, na humiling na kaawaan siya ng Diyos sa kanyang pagkakasala. At tinapos ni Hesus ang parabula sa pagsasabing ang publikano ay umuwing kinalulugdan ng Diyos, at hindi ang pariseo. Nagbigay rin siya ng paalala na ang nagpapataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Makikita natin sa ating buhay na wala sinumang sa atin ay makakasabing perpekto ang ating buhay at pagkatao. Lahat tayo ay may kanya-kanyang kahinaan at tukso na pilit na nilalabanan at pinagdadaanan. Subalit dahil sa awa at pagpapala ng Diyos, alam natin na siya ang nagiging gabay natin araw-araw tungo sa isang makabuluhang buhay. Kung hayaan natin siya palagi na maging Panginoon natin at sa ating papel ay magpakababa at maging magalang, makakamit natin ang buhay-kabanalan sa kagandahang-loob na ipinapakita natin sa ibang tao.
Mas importante ang pagpapakumbaba imbis na sabihin ang mga nagawa. Sa isang simbahan ay mayroong “fund raising” Mr & Mrs … donated 50Php, Anonymous donated 10,000Php. Kaya nga kung tayo ay tutulong huwag na nating ipagkalandakan ang ginawa nating tulong. Ang Diyos ay hindi bulag sa mga kabutihang ginagawa natin. Mas tutumbasan pa niya o higit pa, siksik, liglig at umaapaw na biyaya. Alam ng Diyos ang ating intensyon sa pagtulong. Ito ba ay bukal sa kalooban o upang sumikat. Kaya nga magpakumbaba at ang Diyos na ang magbibigay sa iyo ang gantimpala na higit pa sa iyong inaasahan.
PAGNINILAY:
“Humility in Prayer”
Sa Ebanghelyo ngayon, inilahad ni Hesus ang isang Talinghaga ng Pariseo at Publikano upang bigyang-diin ang kahalagahan ng kababaang-loob sa panalangin. Dalawang tao ang pumunta sa templo upang manalangin—ang Pariseo at ang Publikano. Ang Pariseo ay nagdasal nang may pagmamalaki, ipinagyayabang ang kanyang kabanalan, ang kanyang pag-aayuno, at ang kanyang kawang-gawa. Samantala, ang Publikano ay nanalangin nang may kababaang-loob, inamin ang kanyang pagkakasala at buong pusong humingi ng awa sa Diyos.
Sa bandang huli, sinabi ni Hesus na ang Publikano ang umuwing pinawalang-sala, sapagkat “ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang talinghagang ito ay nagpapakita ng dalawang magkaibang saloobin sa harap ng Diyos. Ang Pariseo ay kumakatawan sa mga taong mayabang sa kanilang sariling kabanalan, iniisip na sila ay matuwid dahil sa kanilang mabubuting gawa. Ngunit ang Publikano ay kumakatawan sa mga mapagpakumbabang kinikilala ang kanilang kahinaan at lubos na umaasa sa awa ng Diyos.
Ano ang itinuturo sa atin ng Ebanghelyong ito?
Una, ang tunay na kabanalan ay nagmumula sa kababaang-loob ng ating mga puso. Hindi sapat ang pagsunod sa utos kung puno naman ng kapalaluan ang puso. Ang Diyos ay hindi natutuwa sa taong nagmamataas kundi sa taong nagpapakumbaba.
Pangalawa, ang Diyos ay maawain sa mga nagpapakumbaba. Ang Publikano, kahit na makasalanan, ay pinatawad dahil sa kanyang pagsisisi. Ang Diyos ay laging handang magpatawad sa mga tunay na nagsisisi at nagpapakumbaba sa Kanya.
Ang panghuli, ang panalangin ay dapat magmula sa pusong tapat. Hindi natin kailangang ipagyabang ang ating mabubuting gawa sa Diyos sapagkat alam Niya ang nilalaman ng ating puso. Mas nais Niya ang taos-pusong pananalangin kaysa mga salitang puno ng pagmamataas.
Pagsusuri ng sarili.
Tayo ba ay nagdarasal nang may pagpapakumbaba? O katulad ba tayo ng Pariseo na ipinagmamalaki ang ating sarili sa harap ng Diyos? Sa ating pang-araw-araw na buhay, nawa’y matuto tayong lumapit sa Diyos nang may pusong mapagpakumbaba, sapagkat ang tunay na dakila ay ang taong nagpapakababa sa harap ng Panginoon.
“O Diyos, kaawaan Mo ako, isang makasalanan.” – Lucas 18:13
Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo kaming maging mapagpakumbaba sa aming panalangin at sa aming pamumuhay. Tulungan Mo kaming huwag maging mayabang sa aming pananampalataya, kundi laging kumilala sa Iyong habag at awa. Amen.