Lunes, Marso 24, 2025

March 24, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Lunes

Si Jesus ay hindi tinanggap sa kanyang sariling bayan. May pananampalatayang tinatanggap natin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas at nananalangin tayo sa ngalan niya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kaming magmahal nang tulad ni Jesus.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpahayag ng Salita ng Diyos nang may tapang at isabuhay ito nang may paninindigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang na Kristiyano nawa’y maging malakas upang makasunod kay Kristo, na siyang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pagpapakasakit ngayong Kuwaresma nawa’y gawin nating higit na bukas sa mapanligtas na pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit na nahihirapan sa kanilang kalagayan nawa’y makita ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pangangalaga at malasakit ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao na nasa piling ng Diyos nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming makapangyarihan, sapagkat wala sa aming lumalapit kay Jesus kung hindi mo kami akayin sa kanya, gawin mo kaming lahat na kaisa niya upang kami ay makasama mo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 6, 2021 at 3:44 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay mula sa pagtatagpo ni Eliseo kay Naaman, ang tagapag-utos ng kawal sa Syria. Si Naaman, na bagamat Hentil at tinuturing ng mga Hudyo na walang makakamit na kaligtasan, ay biniyayaan ng Diyos ng isang pagpapala ng pagpapagaling, na hindi niyang inasahan dahil sa utos ng propeta ilubog ito sa Ilog Jordan ng pitong beses. Dahil sa lakas na loob ng kanyang mga alipin tungkol kay Eliseo bilang biyaya ng Diyos, sinunod ni Naaman ang utos ng propeta. At nakita natin kung paano siyang gumaling mula sa ketongin, na isang nakakahawang sakit at noo’y iniutos sa Kautusan ni Moises na dumistansya.

Ang ganitong pangyayari ay binanggit ni Hesus sa Ebanghelyo sa harap ng kanyang mga kababayan sa Nazaret na hindi tumatanggap sa kanya bilang dakilang propetang mula sa Diyos (o sa ibang salita, bilang Mesiyas). Isinasaad ni San Lucas sa buong panunulat niya na ang Diyos ay para sa lahat ng tao, Hudyo man o Hentil. Kaya narinig din natin ang pahayag ni Hesus tungkol sa mga pagpapala ng Diyos na ipinakita sa babaeng balo sa Sarepta noong panahong ni Elias, at ganun din kay Naaman sa kapanahunan ni Eliseo (na mula sa Unang Pagbasa). Kaya’t ipinataboy siya ng kanyang kababayan palabas sa sinagoga, at hinila sa isang mataas na bangin upang ipahulog, subalit siya’y dumaan sa gitna nila at ganun din ay umalis sa bayan.

Totoo ang naging pahayag ni Hesus tungkol sa kanya bilang propetang hindi tinatanggap sa kanyang sariling bayan. At kahit ang mga pinuno ng mga Hudyo, pati na rin ang mga hari ng Galilea at Juda, ay hindi tumanggap sa kanya. Subalit ang mga mababaang-loob katulad ng kanyang mga alagad, bagamat ordinaryo ang kanilang pinagmulang estado at hanapbuhay, ay lubos na tumanggap sa kanya at naging mga tagasunod niya. Kahit sa buhay ni Hesus ay may mga pagkakataong nakitagpo rin siya sa labas ng lahi ng mga Hudyo, at siya’y mas nakilala ng mga Hentil bilang Mesiyas.

Hilingin natin sa kanya ngayong Kuwaresma na tanggapin natin siya sa ating buhay, at ganun din sa pagtanggap sa ibang tao patungo sa kapayapaan, pakikipagkasundo, pagkakaisa, at pagmamahal. Bagamat iba’t iba ang ating katangian at kakayahan sa buhay, ang Diyos ay pantay-pantay tayong kinalulugdan kung patuloy tayong magiging tapat sa kanya at sa kalooban niya sa ating munting paraan.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 8, 2021 at 7:41 am

Malubhang sakit ang ketong. Kulang na kulang ang siyensya sa panahon ng ating Panginoong Hesus. Kaya nga tanging ang kapangyarihan ng Diyos ang inaasahan upang mapagaling ang ganitong uri ng sakit. Ang lahat ay may pag-asang gumaling, manalig lang sa Diyos. Minsan hindi maunawaan ng tao ang ipinagagawa ng Diyos, dahil malalim ang pag-iisip ng Diyos. Mabuti na lamang at nakumbinsi si Naaman ng kanyang katulong. May dahilan ang lahat ng bagay. Huwag na nating itanong sa Diyos kung bakit, sa halip ay manalig at magtiwala. Hindi niya tayo pababayaan.

Reply

SAINTSPOT March 13, 2023 at 6:54 pm

SAINTSPOT on Youtube and FB
Please Share and Subscribe.

GOSPEL REFLECTION:
Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Isa sa mga unang lugar na pinuntahan ni Hesus para simulan ang Kanyang pampublikong ministeryo ay ang Kanyang sariling bayan. Ngunit hindi matanggap ng kanyang mga kababayan ang sinabi niyang natupad na niya ang hula ni Propeta Isaias. Kaya’t binalak siyang patayin ngunit siya ay nakatakas dahil hindi pa niya panahon. At nangyari ang matinding kamatayan ni Hesus noong dumating ang takdang panahon dahil pinahintulutan ng kanyang Ama.

Tayo rin, may mga pagkakataon na pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang kasamaan sa atin upang sa kalaunan ay magagamit ito para sa kaluwalhatian ng Diyos at para sa ilang uri ng kabutihan. Kung tayo mismo ang gumagawa ng masama, pinipili ang kasalanan kaysa sa kalooban ng Diyos, ay hindi tama at mawawala ang biyaya. Ngunit kapag tayo ay tapat sa Diyos at pinahihintulutan Niya ang kasamaan na maranasan natin, ito’y magagamit Niya para sa Kanyang kaluwalhatian.

Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang kamatayan ni Hesus. Isang malayong higit na kabutihan ang lumabas mula sa pangyayaring iyon kaysa sa kasamaan mismo. At ito ay pinahintulutan ng Diyos sa kanyang takdang panahon.

Pagnilayan, ngayon, anumang kasamaan o anumang pagdurusa na iyong nararanasan o naranasan na maaaring kinailangan para magtapos sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Isuko ang pagdurusa na yaon nang may lubos na pagtitiwala at hayaan ang Diyos na gumawa ng mga maluwalhating bagay sa pamamagitan nito.

Diyos ng lahat ng karunungan, alam ko na alam Mo ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay magagamit para sa Iyong kaluwalhatian at para sa kaligtasan ng aking kaluluwa. Tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo, lalo na kapag nagtitiis ako sa pagdurusa sa buhay. Nawa’y hindi ako mawalan ng pag-asa kapag tinatrato nang hindi makatarungan at ang pag-asa ko ay laging nasa Iyo at sa Iyong kapangyarihang tubusin ang lahat ng bagay.
Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Guilbert poblite March 24, 2025 at 5:24 am

MAGNILAY: Minsan ang hinahanap mong pagpapahalaga, pagkilala at pagtanggap nabibigay sa iyo hindi ng mga taong malapit sa iyo kundi ng ibang mga tao pa na di mo kaanu-ano. Kaya gustuhin mo mang maibigay nang buo ang sarili mo sa mga malalapit sa puso mo hindi mo magawa. Nagagawa mo ito sa iba pa na hindi mo inaasahang nagpapahalaga, kumikilala at tumatanggap sa iyo.

Si Hesus ay bigo sa kanyang sariling mga kababayan dahil sa hindi siya tanggap bilang propeta ng Diyos. Kahit anong gusto sana niyang ibahagi sa kanila kung sino at ano siya pero pinagtabuyan siya. Hindi nalalayo ang mga taga-Nazaret sa iba pang kapwa nilang mga Israelita noon at ngayon na duda sa mga sumusulpot ng mga propeta lalo mga karaniwang kababayan lang nila. Sa kasaysayan ng mga propeta mga banyaga ang nakinabang ng kanilang kapangyarihan dahil sila ang kumilala sa kanila tulad ng balo noong panahon ni Elias at ni Naaman mong panahon ni Eliseo.

Kailan kaya tayo bibilib sa sariling atin? Kailan natin pagtitiwalaan ang sariling atin? Baka ang isyu ay inggit o yabang? Tayo-tayo nagpapatalbugan. Tayo-tayo naghihilahan pababa. Gusto natin ako at hindi siya ang mamayagpag.

MANALANGIN: Panginoon, matutunan nawa naming kilalanin at pahalagahan ang kakayanan ng bawat isa.

Reply

Mel Mendoza March 24, 2025 at 8:41 am

PAGNINILAY:

Sinimulan ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa Kanyang sariling bayan. Sa sinagoga, binasa Niya ang aklat ni Isaias at sinabi na natupad na ang propesiya sa Kanya. Nagalit ang mga kababayan Niya at pinaratangan Siyang ng kalapastanganan.

Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Hesus, “Walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan.” Isinalaysay Niya kung paano sa panahon ni Elias at Eliseo, ang pagpapala ng Diyos ay ibinigay sa mga Hentil, hindi lamang sa mga Israelita. Dahil dito, nagalit ang mga tagapakinig Niya, itaboy Siya palabas ng bayan sinubukan nilang patayin sa pamamagitan ng pagdala sa Kanya sa isang burol upang ihulog Siya, ngunit sa isang himala, lumakad lamang si Hesus sa gitna nila at ligtas na nakatakas.

Tatlong mahalagang mensahe ng Ebanghelyo na dapat pagnilayan:
Una, Pagtanggap sa Katotohanan.
Madalas, mahirap tanggapin ang katotohanan mula sa isang taong kilala natin, lalo na kung ito ay humahamon sa ating pananaw at pamumuhay. Ang mga kababayan ni Hesus ay hindi matanggap na Siya ang Mesiyas dahil kilala Siya bilang anak ni Jose. Ganito rin sa buhay natin, minsan, kung sino pa ang mga pinakamalapit sa atin ay sila pa ang unang hindi makapaniwala na pwede pala tayo umangat o kaya nating baguhin ang dati nating estado at pagkatao. Ang pinakaunang rason ay dahil sa inggit at dahil ayaw nila masapawan. Ang ganitong klaseng tratamento ay maaari manggaling sa kapamilya mismo, sa katrabaho, o sa kakomunidad, kung saan hindi agad pinapahalagahan ang kakayahan ng mga taong kakilala dahil sa pamilyaridad.

Pangalawa, ang Pagpapala ng Diyos para sa Lahat.
Ipinapakita ni Hesus na ang awa ng Diyos ay hindi limitado sa iisang grupo ng tao. Ang grasya ng Diyos ay bukas sa lahat ng tumatanggap nito nang may pananampalataya. Tayo ba ay bukas din sa pagpapala ng Diyos, o iniisip nating tayo lamang ang karapat-dapat dito?

Sa panghuli, ay ang Panganib ng Saradong Puso.
Ang mga taga-Nazaret ay nagalit at nais nilang patayin si Hesus dahil hindi nila matanggap ang katotohanang dala Niya. Sa ating buhay, may mga pagkakataong nasasaktan tayo sa mga paalala ng Diyos. Ngunit sa halip na magmatigas, piliin na maging bukas tayo sa pagbabago at pagsunod sa Kanyang kalooban.

Sa apatnapung araw nating paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay, ang Ebanghelyo ay nanawagan na buksan natin ang ating puso para papasukin si Hesus sa pamamagitan ng pagsisisi, panalangin, paglilimos ng awa, at pagsasakripisyo.

Manalangin tayo. Panginoon, buksan Mo po ang aming puso upang matanggap ang Iyong Salita nang may kababaang-loob. Tulungan Mo kaming huwag magmatigas kapag hinahamon Mo kaming magbago. Nawa’y matuto kaming tanggapin ang Iyong kalooban at ipamuhay ito nang may pananampalataya. Amen.

Reply

Mike A. March 24, 2025 at 10:44 am

Di gaya ng mga judio sa panahon mo Panginoong Jesus, makilala ka nawa namin sa bawat pagkakataon sa buhay namin. Maging ito man ay tagumpay o kabiguan, kaliwanagan o kadiliman patuloy nawa akong umasa sa biayaya at awa na dulot mo.

Patatagin mo poon ang aking pananampalataya sa iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: