Podcast: Download (Duration: 9:01 — 6.4MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Sabado
Ang Talinhaga ng Waldas na Anak ay nagpapahayag sa isang payak subalit malalim na paraan ng katotohanan ng pagbabagong-loob – ang nagagawa ng pag-ibig at habag sa ating mundo. Pinakikilos tayo nito upang agad na lumapit sa Ama sa panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ibaling Mo ang aming mga puso sa Iyo.
Sa paggabay ng Santo Papa at ng mga obispo, tuwina ay malugod na tanggapin nawa ng ating kaparian ang mga nagsisisi at naghahangad na makipagkasundo sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ng waldas na ama nawa’y maging bukas-palad tayo sa pagpapatawad sa mga nakasakit o bumigo sa amin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kasapi ng pamilya na may alitan sa isa’t isa nawa’y mas piliin ang magpatawad at makipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga makasalanan nawa’y mapukaw ang loob na magsisi at hingin ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa Sakramento ng Kumpisal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makarating sa kanialng walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na makapangyarihan, malugod mo nawang tanggapin ang mga panalangin ng mga makasalanang matapat na nagbabalik sa iyong pag-ibig at habag na hindi nagmamaliw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Marso 21, 2025
Linggo, Marso 23, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ay isa sa mga kilalang talinghaga ni Hesus na tumatagos sa ating mga puso: ang Talinghaga ng Alibughang Anak. Makikita dito ang awa ng Panginoon na bukas sa lahat ng tao, lalung-lalo sa mga makasalanan. Matatandaan si Hesus ay nakapiling niya ang mga maniningil ng buwis at ibang makasalanan, na siya namang ikinagagalit ng mga Pariseo at eskriba. Kaya ikinuwento ni Kristo ang dalawang parabula ng Nawawalang Tupa at Nawawalang Salapi na ang Diyos ay nagagalak sa piling ng mga anghel sapagkat ang mga makasalanan ay nagbalik-loob sa kanya.
Kaya ito namang parabula tungkol sa Alibughang Anak ay nagpapatunay na dakila ang habang ng Diyos Ama na katulad ng amang may-ari ng lupa sa kwento. Kahit nilustay ng kanyang bunsong anak ang kalahati ng ari-arian, tumakbo pa rin siya palapit nito, niyakap, at hinalikan. Kahit nais ng bunsong anak na tratuhin siya bilang alipin, tinanggap pa rin siya ng kanyang ama, at nagkaroon ng isang malaking salu-salo. Subalit sa ibang banda, ang panganay na anak na masipag na nagtratrabaho sa pinag-aarian ng kanyang ama ay nagalit sapagkat hindi niya’y akalain ang kanyang kapatid na lumustay ng pera ng pamilya ay nagbalik sa kanilang tahanan. Akala niya noon na walang pakialam ang kanyang ama tungo sa kanyang kasipagan. Subalit kinausap siya ng ama na hindi kailanma’y pinagkait siya ng pagmamahal dahil sa hirap at pagod na pagtratrabho, kaya ang importante riyan ay ang pagbabalik-loob ng kanyang bunsong kapatid.
Kapwang minahal ng ama ang kanyang 2 anak, matuwid man o makasalanan. Ganyan rin ang pagmamahal ng Diyos Ama sa atin, kahit tayo man ay matuwid o makasalanan. Siya ang gumagastos ng kanyang pag-ibig upang patuloy natin itaguyod ang kabutihan at upang tanggapin din natin ang kanyang kabutihan para sa mga taong tumalikod na gustong magbalik-loob. At tayong mga hindi perpektong tao ay nagsisikap araw-araw na magsisi,magbalik-loob, at mamuhay nang mas marangal at matapat tungo sa isang mabuting relasyon sa Diyos at ating kapwa.
Magsaya po tayo, mga kapatid, sapagkat dakila ang awa at malasakit ng Panginoon para sa lahat ng humahangad nito.
Napaka gandang katangian ang magpatawad. Ang lahat, para sa Diyos ay may pagkakataong magbago. Kaya ang bawat isa ay kaya Niyang patawarin. Ang kailangan natin ay magpakumbaba. Aminin natin, na tayo ay makasalanan. Maging tapat sa paghingi ng tawad, gaya ng alibughang anak. Kaya nga masayang-masaya ang Diyos, sa bawat taong nagbabalik loob, mga taong lubos na nagsisisi at tumatalikod sa kasamaan. Nawa’y maramdaman natin ang pag-ibig ng Diyos ngayong panahon ng kwaresma at suklian natin ng pagbabalik loob sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal.
PAGNINILAY:
Ang talinghaga ng Alibughang Anak ay isang makapangyarihang larawan ng habag at walang hanggang pagmamahal ng Diyos Ama sa atin na Kanyang mga anak. Ipinapakita nito na gaano man kabigat ang ating kasalanan, lagi Siyang nakahandang magpatawad at tanggapin tayo sa Kanyang piling.
May tatlong pangunahing tauhan sa talinghaga:
Ang alibughang anak – Kumakatawan sa mga makasalanan na lumalayo sa Diyos ngunit sa huli ay nagsisisi at bumabalik sa Kanya.
Ang mapagmahal na ama – Kumakatawan sa Diyos Ama na puno ng awa at laging bukas-palad sa pagtanggap sa mga nagsisising makasalanan.
Ang nakatatandang anak – Sumisimbolo sa mga taong mahigpit at mapanibugho, hindi ganap na nauunawaan ang awa ng Diyos.
Ang mahalagang mensahe ng Ebanghelyo na ang habag ng Diyos ay walang hanggan. Anuman ang ating nagawang pagsalansan handa Siyang patawarin tayo kung tayo ay tunay na magsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay nagdadala ng radikal na pagbabago. Ang alibughang anak ay hindi lamang nagsisi kundi nagpakumbaba rin at bumalik sa kanyang ama. Ang awa ng Diyos ay hindi kayang sukatin sa ating sariling pananaw. Tulad ng nakatatandang anak, madalas tayong nagiging mapanibugho sa halip na umunawa at magpatawad katulad ng ipinakita sa kwento ng ama na nagwika: “Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”(Lucas 15:32)
Ang talinghagang ito ay paanyaya sa atin na suriin ang ating sarili:
1. Tayo ba ay tulad ng alibughang anak na nangangailangan ng pagbabalik-loob?
2. Tayo ba ay tulad ng nakatatandang anak na hindi lubos na nauunawaan ang awa ng Diyos?
3. Handa ba tayong tularan ang Diyos sa pagpapatawad at pagtanggap sa iba?
Ipanalangin natin sa Panginoon, na nawa’y masumpungan lagi natin ang magbalik-loob sa Diyos gaano man kabigat ang ating mga pagsuway katulad ng alibughang anak, upang matanggap natin ang Kanyang walang hanggang pagmamahal. Amen.