Podcast: Download (Duration: 8:01 — 5.7MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Magiging matagumpay lamang ang ating pakikipaglaban sa pwersa ng kasamaan kung magsasama-sama tayo sa panalangin. Manalangin tayo sa Diyos ng katotohanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, lumakad nawa kami lagi sa katotohanan.
Tulad ni San Juan, ang mga namumuno ng Simbahan nawa’y maging matapang na mga tagapagpahayag ng Ebanghelyo ng katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y tumulong ng buong puso sa pakikipaglaban ng Simbahan sa mga madidilim na pwersa na siyang umaalipin sa tao upang mabuyo sa karahasan at krimen, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong mga Kristiyano nawa’y maging hayag sa pagsasalita sa ating mga alalahanin laban sa mga taong nagsasamantala at sa mga sinasamantala sa pamamagitan ng pulitikal na panggigipit at bulok na pamamaraan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga biktima ng opresyon nawa’y magtamo ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdusa at namatay sa pananampalataya nawa’y makatagpo ng makalangit na pabuya, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, hindi nagbabago o kumukupas ang iyong pag-ibig sa amin. Bigyan mo kami ng katapangan na manahan sa iyong presensya sa lahat ng araw ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Pebrero 6, 2025
Sabado, Pebrero 8, 2025 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Sa gospel ngahon bagsmat s Herodes ay humahsnga kay Juzn ay nagawa niyangbpapugutan ito ng ulo dahil lamang sa nasabi niya sa anak na babae ni Herodias na kahit anuman ang hilingin nito ay papaunlakan niya. At pinapugutan nga niya ng ulo si Jyan. May kasabihan na ang utos ng hari ay hindi mababali at ganito nga ang nangyari na kahit siya ay himahanga kay Juan ay pinapugatan pa niya ito ng ulo.
Ang Panginoong Diyos ay may mga pangako sa atin at ito ay kanyang tutupdin kung tayo ay magtitiwala sa Kanya. Maraming turo ang Panginoon na kung ating isasabuhay ay hindi tayo mahihiwalay sa Kanya. Ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa ay bagay na ikinalulugod ng Panginoon, at sa panahon ng pangangailangan ay hindi niya tayo pababayan. Amen
Pagninilay: Ang katarungan ng Panginoon ay hindi tulad ng katarungan ng isang karaniwang tao. Ganun rin ang kanyang katapatan. Alam niya ang kilos at galaw ng bawat isa. Siya ang nagbibigay ng sapat na kalooban sa kanyang pinagpala.
Sa ating Unang Pagbasa (Hebreo 13:1-8), ipinaalala ng manunulat na dapat tayo’y magmahalan bilang magkapatid, at palaging makipagkasundo. Kahit anumang relasyon natin sa buhay bilang magkapamilya, magkapatid, mag-asawa, magkaibigan, o kaya magkakilala lang, lahat tayo ay tinatawag na isabuhay ang diwa ng pagmamahal ng Diyos sa isa’t isa. Sapagkat ang pagmamahal ng Diyos ay nagpapatunay ng kanyang walang hanggang paghahari.
Sa ating Ebanghelyo (Marcos 6:14-29), narinig natin kung paanong pinatay ang pinsan ng ating Panginoong Hesukristo, si San Juan Bautista, sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Kung naalala natin, si San Juan Bautista ay hinirang ng Panginoong Diyos na maghanda ng matuwid na daan para sa Pagdating ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng mundo. Kaya sa Ilog Jordan, bininyagan niya ang lahat ng mga tao, at ipinangaral ang pagpapahalaga ng paglikas mula sa kasalanan at pagkakaroon ng panibagong buhay. At sa nakatakdang araw na iyon, dumating si Hesus sa ilog para binyagan siya ng kanyang pinsan, bilang pagtupad sa kalooban ng Ama. At dito rin bumaba ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng isang kalapati, at ibinunyag ng Diyos na siya ang ikinalulugod na Anak. Matapos ang ilang araw, hinuli ng mga kawal ni Haring Herodes Antipas si Juan, at dinakip sa kulungan ng palasyo. Ito ay hiniling ng kanyang ikalawang asawa, na si Reynang Herodias, dahil pinagsabihan silang dalawa ni Juan ang kanilang pakikiapid sa isa’t isa. Bagaman namangha ang hari sa pagtuturo niya tungkol kay Kristo, gusto naman ng reyna na hamakin siya. Kaya sa araw ng kaarawan ni Herodes, nagtanghal ng sayaw ang anak ni Herodias, na si Salome. Pagkatapos, ipinagkaloob ng hari sa kanya na ihiling kung anong gusto niyang matupad. Dahil sa kautusan ng ina, hiniling niya ang ulo ni San Juan Bautista sa isang pinggan. Bagaman nalungkot si Herodes sa narinig, hindi niya pwedeng suwayin ang kanyang pangako. Kaya iniutos niya ang isang bantay na pugutan ang ulo ng Mangangaral, at pag pagkatapos, iniligay sa plato at ibinigay niya sa dalaga, at sa huli ay ibinigay sa ina. Inilibing ng mga alagad ni Juan ang katawan, at ibinalita ang mga pangyayaring ito kay Hesus.
Sa mata ng pamahalaan ni Herodes at Herodias, tingin nila kay San Juan Bautista bilang kapahamakan sa kanilang pamumuno. Ngunit sa mata ng Diyos, siya ay isang dakilang propeta na nag-alay ng kanyang buhay para sa karapatan ng katarungan. Ang Pagkamatay ng Mangagaral ay hudyat na paghahanda sa isang dakilang pangyayari sa ating kasaysayan, ang Misteryong Paskwal, o kaya ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa pag-aalay ni Hesus, ang katarungan at katapatan ng Diyos ay naghari dahil iniligtas niya ang lahat ng mga pinagpala. At ang mga pinagpalang tinubos ay naging isang komunidad ng mga mananampalataya, na tawag din sa kanila ay mga Kristiyano.
Bilang mga Kristiyano, dapat alam natin ang katarungan at katapatan ng Diyos. Gumawa tayo ng mabuti sa ating mga kapwa, at itama ang ating mga maling kasalanan. Sa huling banda, tayo’y ihahatol batay sa ating ginawa sa lupa noong tayo pa’y nabubuhay sa daigdig. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang kalooban ng Panginoon, at maging kanyang mga mabubuting tagasunod.
Sa ating mabuting balita ipinapaalala sa ating lahat ang kahalagahan ng pag aasawa pinapayuhan ni San Juan Bautista si Herodes na hindi katanggap tanggap sa mata ng Diyos ang pakikiapid. Sa kasalukuyan nating kalagayan marami pa rin ang mamumuhay sa kadalanan makikiapid na parang normal lang ang mga ito,ipinapaalala sa atin ng Panginoon ang kasagraduhan ng kasal nawa ito’y magbukas sa ating mga isipan na tutulan natin ang isinusulong batas patungkol sa divorce sapagkat alam natin na ito ang syang sisira sa pundasyon ng mga pamilya, pamilyang bumubuo sa bayan ng Diyos. Amen
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa kalunos-lunos na pagkamatay ni San Juan Bautista sa kamay ni Haring Herodes. Dalawang nakapanlulumo ng damdamin ang naging sanhi ng trahedyang ito: ang isang pangakong binitawan nang pabigla-bigla at ang matagal nang kimkim na galit ni Herodias. Inilalarawan nito kung saan nadadala ang tao ng isang pabugso-bugsong pangako na malaki ang pagsisihan sa bandang huli. At ang kinahihinatnan ng isang kasalanan na hindi pinagsisihan bagkus nagdudulot pa ito ng isa pang mortal na kasalanan.
Ang tagpo sa Ebanghelyo ay nang masiyahan si Herodes sa sayaw ng anak ni Herodias, ipinangako niyang ibibigay ang anumang hilingin nito. Sa harap ng maraming panauhin, hindi niya inisip ang bigat ng kanyang pangako. Nang hingin ng dalaga ang ulo ni Juan Bautista, bagama’t ayaw niya itong gawin, hindi siya umatras dahil sa takot na mapahiya. Ipinakita sa natin ang panganib ng mga pangakong hindi pinag-iisipang mabuti. Minsan, dala ng dahil sa pagmamayabang at dahil sa bugso ng damdamin, nakagagawa tayo ng desisyong hindi naayon sa kalooban ng Diyos.
Si Herodias, ng dahil sa mataas na pagtingin sa sarili, baliwala sa kanya ang isyu ng moralidad sa halip na matahimik, kinikimkim niya ang tapat at malakas na pangangaral ni Juan Bautista tungkol sa kanyang kasalanang pangangalunya. Ang kanyang galit ay hindi natigil hangga’t hindi niya naipapatay ang propeta ng Diyos. Ang kwentong ito ay isang paalala kung paano ang matagal na kinikimkim na galit at sama ng loob ay maaaring humantong sa mas malaking kasalanan. Ang galit na hindi natin napapalitan ng paghingi ng kapatawaran ay sumisira hindi lamang sa atin kundi pati sa ibang tao.
Si Juan Bautista ay nanindigan sa katotohanan kahit na alam niyang maaaring ikapahamak niya ito. Ang kanyang pagiging tapat sa misyon ng Diyos ay isang huwaran para sa atin. Sa ating buhay, may mga pagkakataong maaaring matukso tayong manahimik upang maiwasan ang gulo o kapahamakan. Ngunit ang tunay na tagasunod ni Kristo ay tinatawag na manindigan sa katotohanan, kahit na ito ay may kapalit na sakripisyo kahit sa punto ng pagaalay ng sariling buhay.
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo upang suriin ang ating mga sarili.
1. Mayroon ba tayong mga pangakong binitiwan nang hindi pinag-iisipang mabuti?
2. Mayroon ba tayong kimkim na galit na dapat nating ipanalangin upang tayo’y matuto ng tunay na pagpapatawad?
3. Handa ba tayong manindigan para sa katotohanan kahit na ito ay may kaakibat na pagsubok?
Itaas at hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng lakas na magpatawad, ang katalinuhang maging maingat sa ating mga pangako, at ang tapang na manindigan sa katotohanan. Amen.
“Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.”
(Salmo 27:1 (Awit 27:1) sa Bibliya. Ang akda ng Awit o Salmo 27 ay si Haring David)