Miyerkules, Hulyo 22, 2026

July 22, 2026

Kapistahan ni Santa Maria Magdalena

Awit ni Solomon 3, 1-4a
o kaya 2 Corinto 5, 14-17
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Juan 20, 1-2. 11-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of Saint Mary Magdalene (White)

UNANG PAGBASA
Awit ni Solomon 3, 1-4a

Pagbasa mula sa Awit ni Solomon

Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko’y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito’y bumabangon, sa lungsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko’y mga bantay
nagmamanman, naglilibot sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang kami ay maghiwalay ng nasabing mga tanod,
Bigla na lang na nakita ang mahal kong iniirog.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
2 Corinto 5, 14-17

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.

Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayun ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.

Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Ipahayag mo, Maria,
na si Kristo’y nabuhay na
libingan nya’y ‘yong nakita.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 1-2. 11-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”

Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 19, 2022 at 11:31 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Kapistahan ni Santa Maria Magdalena. Dati itong Paggunita, ngunit itinaas bilang Kapistahan dahil si Santa Maria Magdalena ay itinuturing na “Apostol ng mga Apostol”. Kilala siya sa Kasulatan na isa sa mga kababaihang malapit kay Hesus at naglingkod sa mga pangangailangan nito at ng mga Apostol. Sinasabi rin na pinalayas ni Kristo ang 7 demonyo mula sa kanya, na maaring nangangahulugang siya ay pinatawad sa kanyang mga kasalanan. Siya rin ay tumayo sa paanan ng Krus habang minamasdan ang Panginoong nabayubay, at sumama kina Jose ng Arimatea at Nicodemo sa paglilibing sa Panginoon. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Panginoon kay Maria Magdalena. Marahil dahil sa kanyang katapatan, paglilingkod, at labis na pagmamahal kay Hesus, tumangis siya nang makita niyang wala na ang katawan ng Panginoon sa libingan. At sa di kalayuan ay nagpakita si Kristo sa kanya, na akala niya noon ay isang hardinero. Subalit nang tawagin ni Kristo ang kanyang pangalan, nakilala ni Maria ang Panginoon at lubos na natuwa. Subalit sinabihan siya ni Hesus na huwag nitong hawakin, bagkus ay ipabalita sa mga Apostol na ang Panginoon ay aakyat sa Diyos Amang nasa langit. Kaya buong kagalakan ibinalita ni Maria Magdalena na nakita niya ang Panginoong muling nabuhay.

Makikita natin sa kwento ni Santa Maria Magdalena ang pagtawag sa kanya upang maging alagad ni Hesus. Ang kanyang pagsisilbi upang paglingkuran ang ministeryo niya at ng mga Apostol ay tanda ng pagsisikap at pagtutulong sa misyon. Ang kanyang kagalakan sa Muling Pagkabuhay ay tanda na dapat nating ibalita ang magandang balita na si Hesus ay palaging buhay. Sa kabila ng mga problema at pagsubok ng ating buhay, na sinisimbolo ng puntod na walang laman, kailangan tayo’y mamuhay sa bagong pag-asang dala ni Hesus para sa atin at ipahayag sa ibang tao ang kanyang presensiya sa bawat isa.

Reply

Group of Believer Poblite July 22, 2024 at 8:37 am

MAGNILAY: Si Maria Magdalena ay tinaguriang Apostol sa mga Apostoles.

Ang apostol ay taong isinugo upang magpatotoo sa Panginoon at ipagpatuloy ang kanyang misyong ihatid ang Mabuting Balita sa iba. Nang mabuhay na muli ang Panginoon at umakyat sa langit pumili ang mga Apostoles ng papalit kay Hudas Iscariote. Isang kwalipikasyon ay ang pagiging saksi ng muling pagkabuhay bukod pa sa iba. Natatangi ang mga apostoles dahil sila ang pangunahing saksi sa Panginoong muling nabuhay at ang kanilang malapit o personal na ugnayan sa kanya. Si San Pablo bagama’t hindi kabilang sa opisyal na Labindalawang Apostoles ay Apostol din ang turing sa sarili dahil sa natatanging paraan nagpakita at nagpahayag sa kanya ang Panginoong muling nabuhay at siya’y isinugo.

Si Maria Magdalena ay nagkaroon ng espesyal na taguri na Apostol sa mga Apostoles dahil siya ang naunang nakasaksi ng pagkabuhay ng Panginoon at ang Panginoon mismo ang nagsugo sa kanya na ipaalam ito sa mga Apostoles. Isang karangalan sa isang babae pa ang maunang isugo sa mga Apostoles upang ipahayag na ang Panginoon ay buhay. Nilalarawan din ang malapit at personal na ugnayan niya sa Panginoon. Mga katangian ito ng tunay na apostol.

Madalas lang mapagkamalan si Maria Magdalena na dating makasalanan at babaeng mababa ang lipad. Ito ay dahil sa sinasabing pinalaya siya sa pitong demonyo. Napagkakamalan din siya na siya ang babaeng marumi na hinugasan ang mga paa ng Panginoon at pinunasan ng kanyang buhok sa Ebanghelyo ni San Lukas (7:37-38). Napagkakamalan din siya na si Maria ng Betania na kapatid nina Marta at Lazaro na nagpunas naman ng pabango sa mga paa ng Panginoon at pinunasan ng kanyang buhok sa Ebanghelyo ni San Juan (12:3). Pero hindi siya ang mga ito. Walang sinasabing marumi siyang babae o mababa ang lipad. Marahil ay mayroon siyang matinding karamdaman noon na napagaling ng Panginoon na siyang kahulugan ng sinasabing pinalaya siya sa pitong demonyo. Si Maria Magdalena ay malamang-lamang isang babaeng maykaya na naging tagapagtaguyod ni Hesus sa kanyang misyon at mga gawain.

Tayo man ay mga apostol na sinusugo ng Panginoon ngayon upang ipagpatuloy ang kanyang misyon at ihatid ang Mabuting Balita sa lahat. Magbigay saksi tayo na siya’y buhay at kumikilos sa buhay natin. Magkuwento tayo sa iba kung paano natin naranasan ang kanyang mapanghilom na pagmamahal. Ibalita natin sa lahat ang kanyang pagmamahal at pagliligtas.

MANALANGIN: Panginoon, kami nawa ay maging mga bibig mo na magpapahayag na ikaw ay buhay at nagmamahal at nagliligtas sa amin.

GAWIN: Maging kuwento ang buhay mo ng buhay na pagmamahal ng Diyos sa lahat.

Reply

Malou Castaneda July 22, 2024 at 6:31 pm

PAGNINILAY
Pinili ni Hesus si Maria Magdalena, ang dating makasalanang babaeng ito, upang maging Kanyang unang saksi at unang mensahero ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Sinasabi nito sa atin na si Hesus ay hindi nagtatangi sa atin dahil sa ating mga nakaraang kasalanan. Wala Siyang mahabang alaala na nagpapanagot sa atin sa mga nagawa natin sa nakaraan. Ang Kanyang pagpapatawad ay ganap kapag ibinigay at ito ay ganap na nagpapanumbalik sa atin sa biyaya kung tayo ay bukas dito.

Ilang beses, tulad ni Maria Magdalena, naririnig natin Siya ngunit hindi natin Siya nakikilala. Masyado tayong nababalot sa kung ano ang inaasahan nating maranasan mula sa Kanya, kung ano ang gusto nating makita, kung ano ang pinaniniwalaan nating nararapat, at nagiging bulag at bingi tayo kapag ang Kanyang tugon ay hindi umaayon sa ating inaasahan. Ang Diyos, gayunpaman, ay maaaring tumagos sa ating mga hadlang at tumawag sa bawat isa sa atin sa pangalan; sinisira Niya ang ating katigasan ng ulo at tinatawag ang tunay, orihinal na nilalang na nilikha Niya, na walang bahid ng kasalanan, pagdududa at pangungutya. Ang pakikipagtagpo kay Hesus ay nagpapaalala sa atin ng ating tunay na pagkatao, na kadalasang nawawala sa atin sa mga pagbabalatkayo ng buhay, ngunit laging naririto at kailanman minamahal Niya. Sa Kanyang tawag ng tunay na pag-ibig, ang ating puso at bawat puso, gaano man katigas, ay makakatugon lamang nang may kagalakan at panibagong pag-asa.

Panginoong Hesus, aming Tagapagligtas, tulungan Mo kaming makilala Ka sa aming mga kalungkutan at sa aming kagalakan.? Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: