Podcast: Download (Duration: 6:15 — 8.1MB)
Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod
Job 9, 1-12. 14-16
Salmo 87, 10bk-11. 12-13. 14-15
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Mateo 18, 1-5. 10
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of the Holy Guardian Angels (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
at Hanay ng mga Banal
UNANG PAGBASA
Job 9, 1-12. 14-16
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Ang sagot ni Job sa kanyang mga kaibigan:
“Iyan ay dinig ko na noon pa mang una,
ngunit sinong tao kaya ang tatalo sa kanya?
Sino ang sa kanya’y maaaring mangatwiran?
Sa sanlibo niyang tanong, di masagot ang isa man.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
sino kaya ang sa kanya ay makalalaban?
Walang sabi-sabing inuuga yaong bundok,
sa tindi ng kanyang galit, ito’y kanyang dinudurog.
Itong sangkalupaan ay kanyang nayayanig.
At nauuga niya ang saligan ng daigdig.
Napipigil sa pagsikat ang silahis nitong araw,
At kanyang naitatago ang tala sa kalangitan.
Siya lamang ang lumikha sa sangkalangitan,
at sa bangis nitong dagat, walang ibang makasaway.
Ang “Malaking Diper” at “Orion” ay siya lamang ang may lalang,
pati na ang Pleyades at mga kumpol na bituin sa timugan.
Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
ang milagrong gawa niya sa dami ay di mabilang.
Siya’y nagdaraan ngunit di ko mamalas,
siya’y hindi ko makita, bagaman ay naglalakad.
Anuman ang gawin niya ay walang makahahadlang,
ni makapagtatanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?
Anong aking isasagot sa kanyang katanungan?
Kahit ako walang sala ang tangi kong magagawa’y
sa harap ng Diyos na hukom manikluhod akong tunay.
Kahit niya bayaang ako’y makapagsalita,
di ko rin natitiyak kung ako’y diringgin kaya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 87, 10bk-11. 12-13. 14-15
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Panginoong Diyos,
tumatawag ako sa ‘yo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
Makagagawa ba
ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Ang pag-ibig mo ba
doon sa libinga’y ipinapahayag,
o sa kaharian
niyong mga patay ang ‘yong pagtatapat?
Doon ba sa dilim
ang dakilang gawa mo ba’y makikita,
o ang pagliligtas
sa mga lupaing wala nang pag-asa?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
O sa iyo, O Poon,
ako’y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga
ako’y tumatawag sa iyong harapan.
Di mo ako pansin,
O Panginoon ko, di ka kumikibo,
bakit ang mukha mo’y
ikinukubli mo, ika’y nagtatago?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Oktubre 1, 2024
Huwebes, Oktubre 3, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Bro R. Perez pagninilay po sana, Salamat
PAGNINILAY: Noong nakaraang ika-29 ng Setyembre, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng 3 Arkanghel na sina Miguel, Gabriel, at Rafael. Ngayong Ika-2 Araw ng Oktubre, ipinagdiriwang natin ang Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod, o mas kilala bilang mga “Guardian Angels”.
Makikita sa Ebanghelyo kung paanong ikinalulugod ni Hesus ang mga bata na sila’y tinuturing niyang pinakadakila sa Kaharian ng Langit. Ito’y taliwas sa mababang pagtingin ng lipunan noon sa mga kabataan na sila’y walang kwenta at hindi mapagtulungan daw. Hinikayat ni Hesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad na huwag hamakin lang nang basta-basta ang mga bata, sapagkat may mga anghel na gumagabay sa kanila dahil sila’y ikinatutuwa ng Diyos. Ito’y hindi ibig sabihin na kinukunsinti ng Panginoon ang pagiging “childish” ng iilang tao, pati na rin ang iilan sa mga bata. Ang pinapahalagahan niya ang ay pagiging “childlike” na may prioridad sa kababang-loob at pagiging masunurin sa dakilang kalooban.
Kaya’t mayroon tayong mga Guardian Angels o mga Anghel na tumatanod sa atin na ginagabayan tayo laban sa mga kapahamakan. Alam po nating ang dasal “Anghel ng Diyos” na tuwing matatapos na ang klase at tuwing hihimbing po tayo sa ating mga kama. Siguro pahalagahan pa po natin ang dasal na ito sa pagkilala sa mga anghel na nagsasabi sa atin na sundin ang iniuutos ng Panginoon. Bagamat hindi natin sila nakikita sa pisikal na kaanyuhan, ngunit ang mga konsensiya natin ay katulad ng mga Anghel na Tagatanod upang gawin ang tama at talikdan ang mali.
Sana ikaw at ako ay maging anghel ng bawat isa.
A – TTENTIVE PRESENCE
N – URTURING GUIDANCE
G – RACIOUS PROTECTION
E – MPOWERING ENCOURAGEMENT
L – OVING ACCOMPANIMENT
Lord, send your Holy Angels to guard us.
Amen.
God is good all the time.
All the time God is good.