Sabado, Setyembre 28, 2024

September 28, 2024

Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz
at mga Kasama, mga martir

Sirak 2, 1-18
Salmo 115, 1. 2-3. 4-5. 6-7. 8-9.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

1 Pedro 2, 1-25
Mateo 5, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Lorenzo Ruiz and Companions, Martyrs (Red)

UNANG PAGBASA
Sirak 2, 1-18

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Anak ko, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
humanda ka sa mga pagsubok
maging tapat ka at magpakatatag,
huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
kung nais mong tumiwasay habang nabubuhay.
Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
tiisin mo ang kadustaan kahit ano ang mangyari.
Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng pagtitiis.
Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
maging tapat ka sa kanya at makaaasa ka.
Kayong may takot sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
Kayong may takot sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
at walang pagsalang tatanggap kayo ng gantimpala.
Kayong lahat na may takot sa Panginoon, umasa kayo sa kanya.
Pagpapalain niya kayo, pasasaganain at paliligayahin magpakailanman.

Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
may nagtiwala ba sa Panginoon na nasiphayo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan, inililigtas sa kagipitan.

Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad,
kawawa ang makasalanang mapagkunwari.
Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala,
kaya hindi naman sila tatangkilikin.
Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka,
ano ang gagawin ninyo pag naningil na ang Panginoon?

Ang may takot sa Panginoon ay di sumusuway sa kanyang utos.
Ang mga umiibig sa kanya’y namumuhay ayon sa kanyang kalooban.
Ang mga may takot sa Panginoon ay nagsisikap na siya’y bigyang-lugod;
ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya.

Ang mga may takot sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya.
Nagpapakababa sila sa kanyang harapan.
Sabi nila,
“Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao,
sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 1. 2-3. 4-5. 6-7. 8-9.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Mahal ko ang Panginoon, pagkat ako’y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako’y kanyang dinirinig tuwing ako’y tumatawag,
kung ako ay tumatawag sinasagot niya agad.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Noong ako’y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Sa ganoong kalagayan, ang Poon ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
Mabuti ang Panginoon, siya’y mahabaging Diyos,
tunay siyang mahabagin, at mapagpahinuhod.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Ang Poon ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo.
Noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Manalig ka, O puso ko, sa Diyos ka magtiwala
pagkat siya ay mabuti’t di marunong magpabaya.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Ako’y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko’y pinahiran.
Sa harap ng Panginoon doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buhay.

Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.

Maaaring laktawan ang kasunod na pagbasa.

IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 2, 1-25

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga kapatid, talikdan na ninyo ang lahat ng kasamaan: ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo’y manabik sa gatas ng espirituwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. Sapagkat tulad ng sinasabi sa Kasulatan: “Nalasap na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”

Lumapit kayo sa kanya, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espirituwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesukristo. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

“Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan,
hinirang at mahalaga;
hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.”
Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga may pananalig.
Ngunit sa mga walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulukan,”
at
“Naging batong katitisuran at ikararapa ng mga tao.”

Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila.

Datapwa’t kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos, Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumatawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo’y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo’y sumasainyo ang kanyang awa.

Mga pinakamamahal, ipinamamanhik ko sa inyo, bilang mga dayuhang nakikipamayan sa daigdig na ito, talikdan na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa espiritu. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga walang pananampalataya. Kahit na pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating, kapag nakita nila ang inyong mabuting gawa.

Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan: sa Emperador, at pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador na sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagagawa ng matuwid. Sapagkat ibig ng Diyos na pabulaanan ng inyong wastong pamumuhay ang sinasabi ng mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. Kayo’y malaya, subalit ang kalayaa’y huwag ninyong gagawing dahilan sa paggawa ng masama kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Kristo. Mamuhay kayong may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador.

Mga alipin, igalang ninyo at sundin ang inyong panginoon, hindi lamang ang mababait kundi pati malulupit. Sapagkat kalulugdan ng Diyos ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kanyang kalooban. Maipagkakapuri kaya ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit pagpapalain kayo ng Diyos kung kayo’y maparusahan sa paggawa ng mabuti. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumagawa ng anumang kasalanan o nagsinungaling kailanman. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti. Nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta. Nanalig siya sa Diyos na makatarungan. Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo’y gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 5, 10

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:

“Mapalad ang mga aba na walang nang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad ang mga nahahapis,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”
“Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.”
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo,
sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang
pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”

“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayun din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 28, 2018 at 6:55 am

Pagninilay: Ngayong araw ay inaalala natin ang ating unang Pilipino Santo, si San Lorenzo Ruiz. Siya’y lumaki sa Binondo, Maynila sa kanyang Intsik na ama at Pilipinang Ina, bilang isang sakristan at katekista. Minsan siya’y maling inakusa ng di umano’y pagpapatay daw sa isang sundalong Kastila. Sumama siya sa grupo ng mga Dominikano upang ipangaral ang Mabuting Balita sa Hapon. Ngunit di lingid sa kanila na ipinagbawal na ng Shogunato ang pagpapalaganap ng Kristiyanong pananampalataya sa lupaing iyon, kaya’t sila’y hinuli at hinatulang ipabitay nang nakabaliktad sa isang balon. Bago man mamatay, ipinagdasal ni Lorenzo na kahit mayroon siyang sanlibong buhay, iaalay niya ang mga ito para sa Diyos at para sa pnanampalatayang kanyang ikinabahagi. Handa niyang inialay ang kanyang buhay kahit sa bingit ng kamatayan, at ganun din ang kanyang mga kasamahang misyonero, at ito’y nangyari noong hapon ng Setyembre 27, 1637. Taong 1981 nang siya’y maideklara bilang Beato kasabay ng Pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas, ang Unang Beatification ceremony sa labas ng Roma. Taong 1987 naman nang hinirang siya sa Vatikano bilang Santo. Makikita natin sa buhay ni San Lorenzo Ruiz ang matatag na katapatan sa pananampalataya kahit sa oras ng mga pang-uusig. At ito rin ang sinasabi ni Hesus na mapalad ang mga inuusig habang nagiging matapat sa katuwiran ng Diyos, sapagkat makakamit nila ang buhay na walang hanggan sa kalangitan. “Ang dugo ng mga martir ay ang binhi ng mga Kristiyano,” wika ni Tertuliano. Sa panahong iyon, tayo’y mga modernong saksi sa Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Kung tayo’y makikibahagi sa misyong ito at isasabuhay sa araw-araw na pamumuhay ang pagpapangaral na ito, patuloy na makikilala ng karamihan ang kadakilaan ng Panginoon. Kahit tayo man ay usigin o pagtawanan, patuloy pa rin tayo sa ating misyon. At sa huli, ang pagiging kontemporaryong martir ngayon ay hindi lamang pag-aalay ng buhay sa bingit ng kamatayan. Ito ay ang pagsasakripisyo at pagmamalasakit natin para sa ikabubuti ng marami na ituon ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Nawa’y maging inspirasyon natin ang ating Unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz.

Mass Readings in English:
https://bearersofthecross.wordpress.com/2018/09/22/daily-mass-readings-september-28-2018/

Reply

Melba G. De Asis September 28, 2018 at 8:30 am

San Lorenzo Ruiz Aming Patrong Pilipino, ipanalangin mo ang ating bansang Pilipinas na magkaroon ng pagkakaisa at laging hangarin ang pagkakaroon ng kapayapaan dito sa Pilipinas at sa lahat ng mga bansa sa buong mundo. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: