Podcast: Download (Duration: 6:07 — 8.0MB)
Huwebes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kina San Cosme at San Damian, mga martir
Mangangaral 1, 2-11
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Lucas 9, 7-9
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Twenty-fifth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Sts. Cosmas and Damian, Martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
Mangangaral 1, 2-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay. Magpakahirap ka man, gumawa man nang gumawa ay wala ring mapapala. Patuloy ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga; habang buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit di ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari ngayon. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Walang bagong pangyayari sa ibabaw ng daigdig. Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito’y bago.” Ngunit naganap na yaon noong di pa tayo tao. Di na maalaala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 7-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na tetraka ng Galilea ang lahat ng ginagawa ni Hesus. Nagulo ang kanyang isip, sapagkat may nagsasabing muling binuhay si Juan Bautista. May nagsasabi namang lumitaw si Elias, at may nagsasabi pang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong una. Kaya’t ang sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko si Juan; ngunit sino ang nababalitang ito? Marami akong naririnig tungkol sa kanya.” At pinagsikapan niyang makita si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Setyembre 25, 2024
Biyernes, Setyembre 27, 2024 »
{ 1 comment… read it below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagkakaduda ni Haring Herodes Antipas tungkol kay Hesus. Matapos niyang pinugutan ng ulo si San Juan Bautista, marami siyang nababalitaang kababalaghang nagawa ng isang lalaking nangangalang Hesus. Isang usapan din ang kanyang narinig na binuhay niya raw ito ang kanyang pinsan na si Juan. Kaya biglang nagkaroon ng interes ang hari kay Hesus, matapos niyang pinahintulot ang pagpapatay kay Juan. Kaya’t tinawag siya ng Panginoon na “soro” dahil sa ugali niyang mapilyo. At nang siya’y ibinigay ni Pilato sa hari para sa hatol nito dahil narinig na si Hesus na kinondena ng Sanhedrin ay taga-Galilea, pinagtawanan lamang ni Herodes ang Panginoon at sinuotan ng isang lilang damit na panghari. Kaya’t nagkabati sina Herodes at Pilato sapagkat nagkasundo sila na walang salang mahanap sa Panginoon, ngunit ang mga sumusunod na pangyayari ay bahagi na ng kasaysayan.
Makikita natin ang plastik na ugali ng Haring Herodes Antipas. Magkaiba siya sa kanyang tatay na si Haring Herodes Magnus na ipinaslang nito ang napakaraming sanggol sa Bethlehem, maliban kay Hesus (Cf. Mateo 2:16-18). Kaya itong si Herodes ay parang naaliw sa pangangaral ni San Juan Bautistang nakakulong sa selda ng palasyo, kahit pinagsabihan siya ni Juan na nakikiapid kay Reynang Herodias, ang dating asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Subalit nang hilingin ng kanyang balaeng si Salome ang ulo ni San Juan Bautista, dito siya’y napagbigay kahit alam niya ang katuwiran ng Diyos na mayroon ang propetang iyan, at pinugutan ito ng ulo. Tapos nang iniharap sa kanya ng mga punong saserdote, Pariseo, at esrikba si Hesus, ibinalik ito kay Pilato na isakdal nito ang kaso sapagkat wala siyang nakikitang kasalanan sa inaakusa. Mayroong kontradiksyon sa pang-uugali ni Herodes na minsan nagiging plastik ang pagpapakita ng kabutihan sa ibang tao.
Kaya nga ang Mangangaral na si Kohelet sa Unang Pagbasa ay nagsasabi na walang kabuluhan ang buhay na ito, ang buhay kung saan masyadong kapit ang tao sa mga makamundong bagay. Minsan tayo rin ay nagigipit sa ganyan klaseng pamumuhay dahil ang mga makamundong bagay ay hindi natin ginagamit nang wasto upang iako ang ating kapwa sa kanilang pangangailangan, pisikal man o espirituwal. Pilit nating umaasenso para sa sariling kapakanan, ngunit minsa’y nakakalimutan natin ang ating pagkaroon ng awa sa ibang tao, lalung-lalo na ang mga nasa mababang estado. Kaya itong hamon sa atin na isabuhay natin nang husto ang ating pananampalataya sa Panginoon sa isip, salita, at gawa. Huwag nating tularan ang mga Herodes na akalaing mayaman ang kabanalan, ngunit nagpapakataas laban sa ibang tao.