Podcast: Download (Duration: 5:25 — 7.4MB)
Miyerkules ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Kawikaan 30, 5-9
Salmo 118. 29. 72. 89. 101. 104. 163
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Lucas 9, 1-6
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Twenty-fifth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Kawikaan 30, 5-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan
“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita pagkat pagsasabihan ka niya na isang sinungaling.”
“Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong bayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako’y matuto akong magnakaw at sa gayo’y malapastangan kita.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118. 29. 72. 89. 101. 104. 163
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Ang salita mo, O Poon, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Sa bigay mong mga utos, natamo ko’y karunungan,
kaya ako’y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
Sa anumang di totoo muhi ako’t nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw,
patnubay ko araw-araw.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya: “Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo, at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon, at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila.” Kaya’t humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Setyembre 24, 2024
Huwebes, Setyembre 26, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Mula kay Fr. Rey Anthony Yatco:
MAGANDANG BALITA NGAYON – MIYERKULES NG IKA-25 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
LUKAS 9:1-6 Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya: “Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo, at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon,y at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila.” Kaya’t humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako.
MAGNILAY: Kapansin-pansin ang habilin ng Panginoon sa kanyang mga alagad na huwag magbaon ng anuman. Ibig sabihin ay huwag nilang ipasa-kamay lamang nila ang misyong ito. Lahat ay nasa kamay ng Diyos. Huwag tayong magmagaling. Hindi natin trabaho ito. Kanya ito. Sa kanya tayo aasa hindi sa galing natin. Kailangang iwan ang yabang natin at huwag itong babaunin.
MANALANGIN: Panginoon, isugo mo rin kami sa misyong ito ayon sa aming kapasidad at estado sa buhay. Gawin mo kaming kasangkapan ng paghilom sa maraming aspeto at larangan ng buhay namin ngayon.
GAWIN: Huwag magdala ng anuman maliban sa pagtitiwalang Diyos ang tutulong, gagabay at magtatanggol sa iyo.
Mass Readings in English:
https://bearersofthecross.wordpress.com/2018/09/24/daily-mass-readings-september-26-2018/
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay sinasabi na mahalaga at banal ang Salita ng Diyos. Hindi dapat ito binabawasan o dinadagdagan. Kaya dinadasal ng manunulat, na pinaniniwalaan ng mga eksperto sa Bibliya na si Haring Solomon, sa Diyos na huwag siyang hayaang maging sinugngaling, bagkus ay patuloy na managana sa kabutihang-loob na biyaya ng Panginoon.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagsusugo ni Hesus sa kanyang 12 Apostol upang ipangaral sa mga nayon at bayan ng Israel ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila rin ay inaatasang makituloy sa mga bahay na tumatanggap sa kanila, at gumawa ng mga nararapat na kababalaghan para sa mga maysakit. At kung hindi sila tanggapin sa isang lugar, sila ay papagpag ng paa bilang saksi laban sa kanilang pagtanggi sa mensahe ng Panginoon. Ito ay isang paghahanda sa ganap na misyon ng mga Apostol matapos umakyat si Hesus sa langit 40 araw pagkatapos ng kanyang Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sila ang tumutupad sa 12 Tribo ng Israel, na kung saan sila ay ang pundasyon ng bagong Israel, ang Simbahang itinatag ni Kristo.
Kaya ang misyon ng mga Apostol ay ipinasa sa Simbahan mula sa Santo Papa, mga Obispo, kaparian, mga diyakono, at bawat laiko. Tayong lahat na bininyag sa ngalan ng Santatlo ay inaatasang makibahagi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo upang makita ng lahat sa ating salita at gawa ang Paghahari ng Diyos. Anuman ang ating sitwasyon at anuman ang ating bokasyon sa buhay, tayong lahat ay nasa misyon upang ipamalas ang kabutihang-loob at pagmamahal ng Panginoong Diyos sa bawat nilalang niya.
Pinupuri Ka Namin At Sinasamba Ka Namin Panginoong Hesukristo, Sapagkat Tinuruan lMo Kami Kung Paano Maging Mababa Ang Loob Sa Mg Taong Nais Gumawa Ng Hindi Maganda Sa Amin. Amen