Biyernes, Setyembre 20, 2024

September 20, 2024

Paggunita kina San Andres Kim Taegon, pari at martir, San Pablo Chong Hasang, at mga kasama, mga martir

1 Corinto 15, 12-20
Salmo 16, 1. 6-7. 8b at 15

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Lucas 8, 1-3


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Andrew King Taegon, Priet and St. Paul Chong Hasang, and Companions, Martyrs (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 12-20

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kung ipinangangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, ano’t sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung ito’y totoo, lilitaw na hindi muling binuhay si Kristo. At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung magkagayon, lilitaw na kami’y mga bulaang saksi ng Diyos. Sapagkat pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Kristo ngunit lilitaw na hindi ito totoo, kung talagang di bubuhaying muli ang mga patay. Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

Ngunit ang totoo, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 6-7. 8b at 15

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayun ako ingatan mo sa lihim ng iyong pakpak;
yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 1-3

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena, mula sa kanya’y pitong demonyo ang pinalayas; si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 17, 2020 at 3:17 pm

PAGNINILAY: Isa sa mga tema ng panunulat ni San Lucas ay ang papel ng kababaihan. Sa lipunan noon, ang mga babae ay tinuturing na mas mahina at mas mababa kaysa sa mga lalaki. Kaya kapag sila ay naging biyuda at walang angkan mula sa kalalakihan, ituturing sila ng lipunan noon na mahihina at hindi na matutulungan. Subalit narinig natin mula kay San Lucas ang pagbubuhay ni Hesus sa anak ng isang balo sa Nain. Ganun rin ang pagpapatawad sa isang makasalanang babae pagkatapos hugasan ng paa nito at halikan. At alam natin sa simula ng panunulat ni San Lucas ang mahalagang papel ng Mahal na Birheng Maria sa plano ng kaligtasan ng Diyos, nang siya ay sumang-ayon at tumupad sa dakilang kalooban upang maging Ina ng ating Panginoong Hesukristo.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang mga kabilang sa grupo ng Panginoong Hesukristo. Maaring sabihin natin na ang mga Apostol ay katropa o kabarkada ng Panginoon. Ngunit higit pa dun ay sila ang magiging kanyang mga saksi sa pangangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. At sa ministeryo ni Hesus at ng kanyang mga alagad ay may mga kababaihang tumutulong sa kanilang mga pangangailangan. At makikita natin sa panunulat ni San Lucas, itong mga babae ay magiging saksi sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Sila ang magbabalita sa mga Apostol na si Kristo ay hindi na patay, kundi nabuhay na mag-uli.

Lahat tayong mga binyagan, lalaki man o babae, ay tinatawag din sa misyon na paglingkuran ang Panginoon, suportahan ang ating Simbahan, at ipahayag rin ang Mabuting Balita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Nawa ipakita natin ang katapatan sa Panginoon na tuparin ang misyong nais niyang ating gawin upang patuloy na magbunga ang kabutihang-loob sa bawat nilalang ng Diyos na Maykapal.

Reply

Malou Castaneda September 19, 2024 at 10:36 pm

PAGNINILAY
Handa na ba tayong maglingkod sa Panginoon gamit ang sarili nating mga mapagkukunan (pera, oras, kayamanan, kakayahan, atbp.)? Ang mga babae sa Ebanghelyo na naglingkod kay Hesus at ang mga disipulo, ang ilan ay may pera, ngunit karamihan ay wala; ngunit lahat sila ay nagbigay ng kanilang oras at paglilingkod upang maglingkod sa Panginoon. Mahirap ba sa atin? Marami sa atin ang hilig ay paglingkuran, kaysa maglingkod. Si Hesus ay dumating upang maglingkod, hindi upang paglingkuran. Isipin natin kung hindi mabilang na libu-libo, kahit milyon-milyon ang mamumuhay ng walang pag-iimbot sa buhay ng sakripisyo. Magkakaroon ng kapayapaan sa mundo! Walang magugutom! Walang maninirahan sa kalye. Tatakpan ng kabaitan at pakikiramay ang mga lansangan. Parang Langit. Bawat kaunti ay mahalaga, bawat onsa ng pag-ibig ay mahalaga, bawat yakap ng habag ay mahalaga. Alam ni Hesus ang ating mga puso at ang kaibuturan ng ating mga hangarin. Siya lamang ang nakakaalam kung kailan natin naibigay ang lahat o kung kailan tayo umaasa—na marami pa tayo—ngunit hindi tayo nagbibigay o hindi magbibigay para sa Kanyang gawain. Kailangan lang nating tandaan ang lahat ng bagay (pera, kasanayan, regalo, kakayahan, atbp.) na mayroon tayo, ay una sa Diyos, ganap na ipinagkatiwala sa atin ito. Kung ano ang gagawin natin dito, iyon ang magiging mahalaga.

Panginoong Hesus, tulungan mo kaming ipakita ang aming pagmamahal sa Iyo sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba nang may malaking puso. Amen.
***

Reply

Koizz Gacilo September 20, 2024 at 6:30 am

Thank you po sa pagbabahagi ng mga pagninilay.

Reply

Eman Montenegro September 21, 2024 at 5:31 am

Reflection:

Sa panahon ngayon, mayroon bang hindi nakakakilala ng kahit sinong Korean celebrities? Hindi ko alam, actually. Pero hindi ba dumaan pa nga ang panahong Philippine TV seemed to have been dominated by Korean shows. Tama ba?

Did you know na mayroong palang mas pinaka-celebrity pang Korean kaysa lahat ng mga present Korean celebs? Well, even myself could not believe it. Curious? Eto na nga. There was this Korean priest pala who started Christianity in Korean. His name is St. Andrew Kim Tae-gon. He was the leader of roughly 80 Koreans including Paul Chong Hasang who started Christianity in their country a very long time ago.

Now, let me share to you this Homily I’ve listened to this morning somewhere in Laguna.

What really is the message about these Korean martyrs that our church commemorates today?

Hindi madaling pumasok ang Christianity sa Korea. Pero maniniwala ka ba na hindi naman mga missionaries ang nagpasimula at nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Korea kun’di lay people o mga layko. These lay people only learned Christianity in school. And when Japan invaded Korea, some Japanese Catholic soldier took the opportunity and taught the lay people who were learning Christianity in school back then. Koreans had political bias against Japanesse. How God worked is truly amazing. These Japanese Christians soldier took the opportunity to travel to Korea and preached Christianity there.

11 % of Korea’s people are Catholic. Tayo naman ay 80% Catholic. But sometimes mas firm pa ang faith nila kaysa satin. When they ordain priests it is joined by multitudes by the hundreds. They held it in the venue as big as Aranera Colliseum.

This story teaches us that even lay people can bring Christ to places where He is not known and preach about Him to those who do not know him.

Now, in the Gospel, Jesus went on preaching with the 12 disciples, together with these 3 ladies including Mary Magdalene, again lay people, who were providing for the needs of Jesus and the disciples.

Binibigyang diin na tayong mga layko has equal standing with the priests, bishops and pope in the practice of our faith.

Anything can be a beautiful blessing that we should share. To work with the church in the evangelization. Pwede rin tayo sa pagpapahayag ng kaharian ng Diyos.

Reply

Celine loveko September 21, 2024 at 2:24 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: