Podcast: Download (Duration: 9:17 — 10.9MB)
Huwebes ng Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Junuario (Jenaro), obispo at martir
1 Corinto 15, 1-11
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 28
Butihing Poo’y purihin
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Lucas 7, 36-50
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Januarius, Bishop and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-11
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang ebanghelyo na inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.
Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 28
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako’y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
Butihing Poo’y purihin,
pag-ibig n’ya’y walang maliw.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 36-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya — isang makasalanan!” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.” “Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Setyembre 18, 2024
Biyernes, Setyembre 20, 2024 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Diyos ay puno ng awa at habag sa sangkatauhan. Sa kabila ng pagkakasalang ginawa ng tao, patuloy siyang nag-aanyaya na ito’y kanyang mapanumbalik at mamuhay nang matuwid at mabuti. Isinalaysay ng Ebanghelyo ang pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng makasalanan. Ito’y ganap sa bahay ng Pariseong si Simon, na kung saan si Hesus ay minamasdan ng maybahay tungkol sa kanyang relasyon sa mga makasalanan. Hindi binaggit ni San Lucas kung ano ang naging mabigat na kasalanan ng babae, kundi napakalaki ang kanyang pagkakasala. Ayon sa tradisyon, siya’y minsan kinilala rin bilang si Sta. Maria Magdalena. Ngunit hindi opisyal na itinuturo ng Simbahang Pangkalahatan na siya ang babaeng tumangis ng luha upang hugasan ang paa ng Panginoon. Hindi rin itinuturo na siya ang babaeng nahuling nakikiapid at iniligtas ni Hesus mula sa parusang pambabato sa kanya. Ngunit ang narinig natin kung paano ang babaeng ito ay nagpakita ng isang kakaiba-ibang gawain ng pagmamahal. Tumangis siya at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinarihan din niya ang mga paang ito ng langis at hinalikan. Makikita natin ang lubos na paghihingi ng tawad ng babaeng makasalanan, at ito’y ginawa niya sa harapan ni Kristo. Ngunit para sa Pariseong si Simon, hindi niya tanggap na makipagtago si Hesus sa ganyang klaseng babae. Makikita natin dito ang pananaw ng mga tao noon na ang mga makasalanan ay dapat parusahan ng Diyos sapagkat sila’y lumabag sa kanyang utos. Ngunit ang hindi nakita ni Simon ay ang pagtanggap ng babae kay Kristo, kahit mismo siya’y nagkulang sa mainit na pagsalubong sa Panginoon sa kanyang bahay. Kaya’t tama ang ikinuwento ni Hesus sa parabula na ang mga taong may mabibigat na utang ang may magagampanan ng pagpapatawad. Ito’y tumutukoy sa mga taong lubos na tumalikod sa Diyos, subalit lubos rin sila’y nagnanais na magbalik-loob sa kanya. Ipinahayag ni San Pablo sa Unang Pagbasa tungkol sa kanyang pagtawag bilang Apostol na siya’y nahuli na sa oras. Alam po natin siya ay isang dating Pariseo at dalubhasa ng Kautusan ni Moises. Ngunit mas kilala siya sa mga laganap na pag-uusig sa mga Kristiyano sa Jerusalem dahil hawak niya noon ang mga balabal ng mga nambabato kay San Esteban. Habang lumalakbay siya patungong Damasco para ipagpatuloy ang gawain, nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesus na Namatay, ngunit Muling Nabuhay. Dito’y nabagabag ang kanyang loobin na gawin ang iniutos ni Kristo. Matapos ang sunud-sunuran ng mga pangyayari, siya’y naging isang ganap na Apostol hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Isa siya sa mga pinakadakilang tagapangaral ng Mabuting Balita ng Panginoon. Pinapaala niya sa atin na tunay ngang namatay si Hesus at muling nabuhay ayon sa plano ng Diyos Ama na isinasalaysay ng Kasulatan. Ang Misteryong Paskwal ay ang pinakadakilang gawain ng awa ng Panginoon sapagkat tayo’y kanyang nilikha sa kanyang larawan at kaanyuan. Kahit tayo’y nagkasala, lubos niya tayong minahal kaya nagpakumbaba sa ating katauhan, at inialay niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas at muling nabuhay magkaroon ng bagong buhay. At patuloy tayong pinapanibago ng Espiritu Santo na gawin ang mga niloob ng Panginoon, at ito’y ating sundin palagi. Ngunit alam po natin na tayo’y tao lamang na nagkakasala at nagkukulang. Gayunpaman malaki ang habag ng Diyos sa atin, at tayo’y patuloy na humihingi ng lubos na pagpapatawad katulad ng babaeng napatawad ni Hesus. Higit sa lahat, tayo’y kanyang inaanyayahan na maging mga misyonero ng habag upang ipakita sa lahat ang awa at malasakit ng Panginoon, lalung-lalo sa mga taong matagal nang tumalikod sa kanya. Atin po itong isabuhay at gawin sa araw-araw na pamumuhay.
MAGNILAY: Minsan kailangan pang madapa tayo nang husto sa buhay para matigil ang ating pagiging mapanghusga at mapagmataas. Nasasabi tuloy natin na mabuti nga na nasadlak tayo sa matinding pagkakasala para matikman natin ang pait ng malayo sa Diyos para matauhan tayo na hindi natin kaya ang wala siya. Ang dumanas ng sariling kahinaan at pagpapatawad ng Diyos ay nagiging daan upang mas maging maunawain at mapagpatawad tayo sa kapwa nating makasalanan. Kung sino ang nagkasala nang mas grabe ay mas grabe rin ang potensyal maging banal.
Hinusgahan ang makasalanang babae na humipo sa Panginoon pero pinalutang ng Panginoon ang kanyang potensyal sa mas higit na kabanalan at pagmamahal sa Diyos. Siya na mas higit na nadapa sa buhay ay mas higit ang pagbangon upang mahalin ang Diyos at paglingkuran Siya nang walang pasubali.
MANALANGIN: Panginoon, patawarin mo sila at lalo na ako!
GAWIN: Tulungang ibangon ang kapatid na nadapa dahil minsan ka na ring nalugmok sa pagkakasala.