Miyerkules, Setyembre 18, 2024

September 18, 2024

Miyerkules ng Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 12, 31 – 13, 13
Salmo 32, 2-3. 4-5. 12 at 22

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Lucas 7, 31-35


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 31 – 13, 13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila. At ngayo’y ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.

Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na tumataginting. Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupat napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian, at ialay ko man ang aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ito sa akin.

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos; ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap.

Noong ako’y bata pa, nagsasalita ako, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa akin ng Diyos.

Ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 4-5. 12 at 22

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
Mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 7, 31-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? At ano ang nakakatulad nila? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro:

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!

Sapagkat naparito si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, at sinasabi ninyo, ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ Naparito naman ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom tulad ng iba, at sinasabi ninyo, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at naglalasing, kaibigan ng mga publikano at ng mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kanyang mga anak.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 18, 2018 at 11:44 pm

Pagninilay: Ang pagkakilanlan sa ating mga Kristiyano ay dahil sa pag-ibig. Ito ang ipinamalas ng Panginoong Diyos nang naparito ang Panginoong Hesukristo na kanyang Anak upang magkaroon tayo ng kaligtasan at bagong buhay na patuloy na ipahayag ang kanyang dakilang pag-ibig. Sa Unang Pagbasa (1 Corinto 12:31—13:13), ito ang isa sa mga pinakapaborito nating mga pahayag mula sa Bibliya sapagkat ito’y tumutukoy sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay matiyaga at may magandang-loob at hindi ito’y naninira o nagpapahamak. Ito yung pag-ibig na ninanais ng Panginoong ipakita natin sa isa’t isa na tayo’y sumikap na maging mabuti sa ibang tao upang sila rin ay maging mabuti. Ang pag-ibig rin ay nagagalak sa katotohanan, at hindi sa kasamaan. Kung mahal natin ang isang tao kahit ang mga makasalanan, gagawin natin ang tama at matuwid upang sumunod din sila sa ganitong landas habambuhay. Kaya ang pag-ibig ay ang pinakamataas sa mga mabuting kahalagahan/virtues. Sabi ng Apostol na mananatili ang Tatlong “Theological virtues” kahit tayo’y lumipas sa mundong ito, at ang pinakadakila sa kanilang lahat ay ang pag-ibig. Sa ating Ebanghelyo (Lucas 7:31-35), makikita natin ang isang pahayag ng Hesus tungkol sa henerasyon ng kanyang kapanahunan. Ito’y katulad daw ng mga batang nakikisayaw at tumutugtog ng plauta, at sinabi nila sa mga hindi sumasabay sa kanila na parang ayaw nilang makisabay sa takbo ng panahon. At idinugtong ni Hesus ang pagdating ng kanyang pinsan na si San Juan Bautista na parang ang tingin sa kanya ng mga Pariseo at eskriba na demonyo raw dahil nag-aayuno at hindi nag-iinom. Ngayon nabatid nila si Hesus nang makita nila siya’y nakikisalo at nakikikain kasama ang mga makasalanan, at siya’y itinuring na lasenggero at matakaw. Ngunit ang karunungang mula sa Panginoong Diyos ang nagpapatibay sa kanyang misyon at mga gawain. TIla nga bang dalawang magkatunggaling sitwasyon ang ipinakilala ni Hesus sa Ebanghelyo. May mga taong nakikisaya at ang ibang ayaw ay parang tinuturing na mainip na buhay. May mga taong tumitingin sa ibang nakikisalamuha sa mga kapwang tinataguriang “walang kwenta” o “walang silbi” na ang mga ito ay nagsasayang lang daw ng oras at ng mga mapagkunan na yaman. Hindi ba minsan kapag nakikiusap tayo sa mga taong niyuyurakan o kaya tinatawag na salot at binansagang makasalanan, marami ang magkokomento ng mga masasamang hinala laban sa atin? Ito’y natural sapagkat kadalasa’y mataas ang paningin ng tao sa kanyang sariling “karangalan”. Ngunit ang pahiwatig ni Kristo na ang ating misyon ng awa at malasakit ay matuwid ayon sa karunungan ng Diyos. Kung tayo’y sisiraan ng mga matalas na nagmamasdan sa atin dahil lang sa pagtulong natin sa mga nangangailangan ng pisikal at espirituwal na tulong, laging alalahanin natin na ang Diyos ang makakasabi mula sa ating mga konsensiya kung ang mga desisyon natin ay tama o mali. Mahal niya tayong lahat, kaya ang ninanais niya na gumawa tayo ng matuwid at mabuting bagay sa lahat ng aspeto ng buhay. Huwag tayong mawalan ng gana kung sasabihin ng iba na parang tayo’y nag-aaksaya ng oras sa paggawa ng kabutihan sa mga nangangailangan. Patuloy tayo sa pagtupad ng misyong itinkada sa atin ng Panginoon para sa pagpaparangal ng Mabuting Balita tungkol sa kanyang paghahari.

Reply

Marz September 18, 2024 at 3:54 pm

Three theological virtues: love, hope, and faith
explains the three questions “What, Why, How”
Love, however, is the greatest of them all.
Everything will be measured in the end by love.
Without hope, life has no purpose. Give up the desire to live.
Hope provides an answer to the Why.
Faith provides an answer to the query What?
Hope. Faith. Love provides an answer to the query. How.
Make the most of what you have rather than what you lack.
Lord, please don’t make me too wealthy so that I forget you or too poor so that I curse you.
It matters more what your heart can hold than what your hands can hold.
The good of others is the definition of love.
You’ll get to know people and how they manage with what they have vs what we lack.
Don’t wait until we are ill to express gratitude; show gratitude now.
-Father Dave

Reply

Group of Believer Poblite September 18, 2024 at 10:55 pm

MAGNILAY: Kinumpara ni Hesus ang mga tao noon sa mga batang naglalaro sa plasa. Minsan tumutugtog sila ng masaya gamit ang plauta at nagsasayawan sila tulad ng sa kasalan. Minsan naman tumutugtog sila ng malungkot at nag-iiyak-iyakan sila tulad pag may nililibing. Pero minsan sa laro may mga batang may sumpong. Ayaw makisali sa laro. Kapag tumugtog ng masaya ayaw makisayaw o tumugtog ng malungkot ayaw makiiyak. Hindi mo malaman kung ano gusto.

Ganito kinumpara ni Hesus ang mga tao noon kasi dumating at nangaral si Juan Bautista pero hindi sila nakinig at hindi siya tinanggap dahil baliw daw at may sapi kasi namumuhay siya sa disyerto sa istriktong pagsasakripisyo sa sarili. Dumating naman si Hesus na kabaligtaran ni Juan Bautista dahil nakikihalubilo sa mga tao lalo sa mga makasalanan. Nakikikain at nakikiinom sa kanila. Pinaratangan naman siyang matakaw at lasenggo. Ayaw na man nilang makinig at tanggapin siya.

Ang totoo ay sarado lang ang isip at puso nila kaya’t kung anu-anong paratang ang ginagawa para pagtakpan ang katigasan ng ulo nila. Ang ayaw maraming dahilan. Pero lalabas din ang katotohanan kinalaunan. Kahit sino pa ang dumating hindi sila makikinig dahil ayaw nilang magbago sa sarili.

Mapalad ang mga nakinig at makikinig. Makakasama sila sa kaharian ng Diyos.

MANALANGIN: Panginoon, ang gusto mo nawa ang masunod hindi akin.

GAWIN: Tigilan mo na ang sumpong mo. Huwag matigas ang ulo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: