Podcast: Download (Duration: 7:22 — 9.1MB)
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Filipos 2, 6-11
Juan 3, 13-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of the Exaltation of the Cross (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 21, 4b-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin
ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.
Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos.
Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Setyembre 13, 2024
Linggo, Setyembre 15, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang ika-14 ng Setyembre ay pagdiriwang ng Pagtatampok ng Banal na Krus. Itinatag itong Kapistahan kasunod ng paghahanap ni Reyna Sta. Elena sa tunay na Krus ng ating Panginoong Hesukristo noong taong 324 A.D. Ang Krus ni Hesus ay tinaguriang simbolo ng Kristiyano, ngunit paano natin mauunawaan ang kahulugan nito? Ipinakita sa Unag Pagbasa ang pagtatampok ni Moises ng isang ahas na yari sa tanso sa isang poste. Minasdan nito ng mga Israelitang nakagat ng mga ahas. Mula sa pagiging masuwayin at mareklamong bayan, sila’y nagsisi at naligtas sa pagkalason ng mga kagat. Ipinahayag ni Hesus kay Nicodemio sa Ebanghelyo na ganyan rin amg mangyayari sa kanya nanh siya’y itataas mula sa daigdig nito upang ang mga sumampalataya sa kanya ay mabubuhay magpakailanman. At itong pagtatampok niya sa Krus ay ang plano ng Panginoong Diyos Ama na minahal tayong lahat. Kahit tayo’y nagkasala at tumalikod sa kanya, ibinigay sa atin ang kaligtasang tinupad ni Kristo na kanyang Anak, upang palalim natin ang pananampalataya sa kanya at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa kapanahunan ni Kristo, ang pagpapako sa krus ay isa sa mga brutal na parusang ipinatong sa mga itinuturing na criminal at rebelde. Kaya’t marami sa mga Hudyo ay itinuturing ang simbolo ng krus bilang parusa at kahihiyan. Ngunit nang si Hesus ay mismong ipinako sa Krus, ito’y naging simbolo ng bagong pag-asa at tagumpay sapagkat pagkatapos ang kanyang pagkamatay riyan ay ang Muling Pagkabuhay. Kqya ang Banal na Krus ay tinuturing na Puno ng Buhay na magkaiba roon sa Puno ng Kaalaman ng Mabubuti at Masasama sa Aklat ng Genesis. Si Hesus ay itinuturing na bagong Adan sapagkat kung si Adan ay sumuway sa Diyos sa pagkain ng prutas nang may pagmamataas, siya naman ay sumunod sa kalooban ng Diyos sa pag-aalay ng kanyang buhay sa Krus, at tayo’y nagkaroon ng buhay na mas makilala natin ang tunay na Diyos ng ating buhay. Kaya’t ipinaalala sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang “kenosis” o ang pag-aalay ng buong sarili ni Hesus nang may kababang-loob na sundin ang plano ng Ama. Dahil siya’y nagpakumbaba, siya’y idinakila nang may pangalang higit pa sa lahat upang makilala natin siya bilang halimbawa ng pagiging matapat sa dakilang kalooban. At kasama na rito sa pagiging masunurin ay ang pagpapasan ng mga krus ng buhay na sumasagisag sa lahat ng ating mga pagdurusa at paghihirap. At nawa’y alalahanin natin na kasama natin ang Panginoon at kumapit sa kanya habang dumadaan sa mga ganitong pagsubok nang may lubos na katapatan sa kanyang dakilang kalooban.
Binibigyan halaga ng pag basa ang paghubog ng sarili sa pagmamahal sa Maykapal dahil habang Ikaw ay sigurado sa kalinawan ng pag ibig – sa kapwa at sa Dios, alam mo ang sinasampalataan mo, ang pinagtitiwalaan mo, ang kasama at kasangga. Ang paghahangad ng pag bibigay pugay at ang pananatili sa kagalakan at kapayapaan.
Bagamat kung minsan nababahadiyaan ng takot Mahalaga pa rin sayo ang sumulong sa kalaliman ng katotohanan, tumanglaw at maging parte sa kapurihan ng Dios na hatid ng Ama kay Kristo tungo sa ating lahat. Binibilin na tayo ay dapat Magpa salamat, Magalak – umasa na may kulay ang buhay at ito ay pa punta sa buhay na walang hanggang
MAGNILAY: Magkakambal ang pag-ibig at sakripisyo. Ang desisyong umibig ay desisyong magsakripisyo. Walang pag-ibig na hindi nagsakripisyo. Ang umiibig pero hindi nagsasakripisyo ay sinungaling. Ang tagumpay ng pag-ibig ay nasa pagsasakripisyo.
Pinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus. Ginugunita natin ang ilang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na may kinalaman sa Banal ng Krus. Una, ang pagkakatagpo sa tunay na krus ni Santa Elena, ina ni Constantino na emperador ng Roma, noong ito ay maglakbay sa Jerusalem taong 320. Itinampok ito at iniluklok kinalaunan sa simbahang itinayo mismo sa kinamatayan at kinalibingan ng Panginoon noong taong 335. Taong 614 winasak ang mga ito ng mga Persiano noong sila’y manakop at tinangay ang banal na krus. Nabawi muli ang banal na krus noong taong 629. Ang kasalukuyang simbahan sa kinalibingan ng Panginoon ay naitayo noong taong 1149.
Sa araw na ito, maringal nating itinatampok ang krus na banal. Sa kahoy na ito ipinakita ni Hesus kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig. Pinabanal ng pag-ibig at sakripisyo ni Hesus ang krus na dating larawan ng kahihiyan at kalupitan. Ngayon, simbolo na ito ng pananampalataya kay Hesus. Kung nananampalataya ka sa kanya sundan mo siya sa krus. Tulad niya magmahal ka rin at magsakripisyo.
MANALANGIN: Panginoon, sinasamba kita sapagkat sa pamamagitan ng krus iniligtas mo ang mundo.
GAWIN: Pasanin mo ang iyong krus