Podcast: Download (Duration: 7:24 — 9.2MB)
Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27
Salmo 83, 3. 4. 5-6. 12
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Lucas 6, 39-42
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. John Chrysostom, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko nang walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan.
Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito. Alam ninyo na ang mga kasali sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang putong na panandalian lamang, ngunit ang putong na hinahangad natin ay panghabang panahon. Kaya ako’y tumatakbo patungo sa isang tiyak na hangganan; at hindi ako sumusuntok sa hangin. Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6. 12
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad na sa Sio’y makarating.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Ikaw ang haring dakila, ang tunay naming sanggalang,
kami’y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.
“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Setyembre 12, 2024
Sabado, Setyembre 14, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay ang takbo ng misyon ni San Pablo sa kanyang pangangaral ng Mabuting Balita ni Kristo. Ito ang layunin ng Apostol sa kanyang pagpapahayag hindi para sa kanyang pansariling interes, kundi para sa kaluwalhatian ng Panginoong Diyos. Kahit siya’y nakakaranas ng pangkaraniwang buhay ng tao, hindi siya naging alipin sa kalakaran ng mundo. Bagkus tinakbo niya ito na parang isang atleta na nais tapusin ang karera hindi para sa koronang nabubulok, kundi para sa korona ng buhay na walang hanggan. Kaya ang misyon ni San Pablo sa pagpapangaral ng Mabuting Balita ay maging tagumpay na patuloy na ipahayag ang mensahe ng Diyos para ang lahat ay makamtan ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pangangaral ni Hesus sa maraming tao sa isang kapatagan. Ang turo niya ngayon ay tungkol sa isang mabuting relasyon sa isa’t isa. Sinasabi ng Panginoon na hindi maaring iakay ng bulag ang isa pang bulag dahil kapwa ay mahuhulog sa bangin. Ito ay tumutukoy tungkol sa ating pagkilala sa pagkatao ng isa’t isa. Hindi natin maaring sabihin sa isang tao na bulag sa kanyang kasinungalingan kung tayo rin mismo ay nabubulag sa ating sariling kahinaan. Madalas pinag-iinitan natin ang kamalian ng kapwa natin, na hindi rin natin tinitignan ang ating sariling kamalian. Kaya sinasabi rin ng Panginoon na tanggalin natin ang puwing sa ating mata bago nating tanggalin ang puwing sa mata ng kapwa natin. Kapag kinikilingan natin ang ating sariling opinyon ukol sa ibang tao na walang pagsusuri, halos di natin nakilala ang tunay na kalooban ng bawat isa. Kaya kailangan natin ng bukas na isip upang unawaan ang sitwasyon ng ibang tao, at ganun rin ang kaliwanagan upang ipakita natin ang tunay nating anyo sa pagiging mapagmahal, maawain, at matuwid.
Ang punto ng ating mga pagbasa ngayon ay tungkol sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay sa mundong ito. Katulad ni San Pablo, patuloy tayo sa pagtupad ng misyon na itinakda ng Diyos para ating gawin. At nawa maisabuhay natin ang mga salita ni Hesus na tayo ay magkaisa at magkaroon ng mabuting relasyon sa pamamagitan ng pagpapahalaga ng mga aral na ibinigay niya sa atin.
MAGNILAY: Natural na magalit sa kaaway at nanakit sa atin. Ngunit kung hahayaan ang galit na lumala sa puso at magdikta ng kilos natin sarili na natin ang mananakit sa sarili natin. Tulad tayo ng ahas na dahil sa galit tinuklaw ang sarili nang hindi namamalayan.
May mas matinong tugon kaysa galit. Sugpuin ang galit ng pagmamahal. Sa una, mukha kang lugi. Sa una parang hindi makatotohanan. Sa una parang imposible. Ngunit kung pipiliin nating umangat mula sa nakakaparalisang galit matutuklasan nating kaya pala nating makagawa ng isang bagay na magbibigay-daan para mas respetuhin natin ang ating sarili. Kaya pala nating lagpasan ang galit. Hindi pala ang galit ang pinakamatino at pinakalohikal na tugon sa kaaway. Hindi pala ito ang pinakamagaling at pinakamabungang opsyon kundi pang-unawa, pagpapatawad, pakikipagkasundo at sa huli, pagmamahal. Kapag natuto kang mahalin ang kaaway nanalo ka at natalo mo ang iyong kaaway.
Ang kakayanan nating mahalin ang kaaway ay nanggagaling sa karanasan natin ng pagpapatawad at pagmamahal ng Diyos. Mahirap at imposibleng mahalin ang kaaway nang hindi nagmumula sa karanasan ng pagmamahal ng Diyos. Ang Diyos kapag nagmahal nag-uumapaw. Ang puso nating umaapaw sa pag-ibig ng Diyos ay dumadaloy maging sa mga taong sinaktan tayo. Sabi nga sisiw lang ang patawarin at mahalin ang kaaway kung naranasan mo ang nag-uumapaw na pagmamahal ng Diyos sa iyo.
MANALANGIN: Panginoon, lusawin nawa ng pag-ibig mo ang galit sa puso ko.
GAWIN: Buksan mo ang puso mo para sa pag-ibig ng Diyos at palayain mo na ang sarili mo sa galit at muhi.
PAGNINILAY:
Gaano tayo mapanghusga sa iba habang nananatiling masaya na kalimutan ang ating sariling mga kabulagan. Sinasabi ni Hesus na ito ay isang tanda ng pagkukunwari upang tawagin ang iba ng maamang tatak at pangalan: matigas, maramot, mayabang, mababang antas, hindi nakapag-aral, atbp habang nagpipinta tayo ng mga banal na larawan ng ating sarili. Ang mga ito at higit pang paghatol ay kadalasang lubhang nakakalason sa pag-ibig at pagkakasundo. Walang sinuman ang nagnanais ng isang taong patuloy na kumundena o naghahanap ng mali. Si Hesus ay nagbigay ng praktikal na gabay sa ating espirituwal na paglago. Ang tanging daan tungo sa kapayapaan ay ang bawasan ang dami ng paghatol sa ating buhay at ipinid ang ating mga labi kapag natutukso na maghatol sa iba. Ito ay hahantong sa isang mas malalim na kaalaman sa ating sarili at higit na habag para sa iba, dahil dito ay malalaman natin na bilang tao, tayo ay higit na magkatulad kaysa magkaiba sa ating mga kabulagan sa sarili.
Panginoong Hesus, buksan Mo ang aming mga mata sa aming sariling mga kamalian upang hindi kami humatol sa mga pagkukulang ng iba.? Amen.
***
PAGNINILAY:
Gaano tayo mapanghusga sa iba habang nananatiling masaya na kalimutan ang ating sariling mga kabulagan. Sinasabi ni Hesus na ito ay isang tanda ng pagkukunwari upang tawagin ang iba ng maamang tatak at pangalan: matigas, maramot, mayabang, mababang antas, hindi nakapag-aral, atbp habang nagpipinta tayo ng mga banal na larawan ng ating sarili. Ang mga ito at higit pang paghatol ay kadalasang lubhang nakakalason sa pag-ibig at pagkakasundo. Walang sinuman ang nagnanais ng isang taong patuloy na kumundena o naghahanap ng mali. Si Hesus ay nagbigay ng praktikal na gabay sa ating espirituwal na paglago. Ang tanging daan tungo sa kapayapaan ay ang bawasan ang dami ng paghatol sa ating buhay at ipinid ang ating mga labi kapag natutukso na maghatol sa iba. Ito ay hahantong sa isang mas malalim na kaalaman sa ating sarili at higit na habag para sa iba, dahil dito ay malalaman natin na bilang tao, tayo ay higit na magkatulad kaysa magkaiba sa ating mga kabulagan sa sarili.
Panginoong Hesus, buksan Mo ang aming mga mata sa aming sariling mga kamalian upang hindi kami humatol sa mga pagkukulang ng iba.? Amen.
***