Huwebes, Setyembre 12, 2024

September 12, 2024

Huwebes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita sa Kamahal-mahalang Ngalan ng Birhen

1 Corinto 8, 1b-7. 11-13
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 23-24

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Lucas 6, 27-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of the Holy Name of Mary (White)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 8, 1b-7. 11-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, alam nating “may kaalaman tayong lahat.” Ang gayong “kaalaman” ay nagbubunsod sa tao upang magpalalo, ngunit ang pag-ibig ay nakapagpapatibay. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit kilala ng Diyos ang umiibig sa kanya.

Tungkol nga sa pagkaing inihandog sa diyus-diyusan, alam nating “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan,” at “iisa lamang ang Diyos.” Bagamat may sinasabing mga diyos sa langit o sa lupa, at maraming tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon,” sa ganang akin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Hesukristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo.

Subalit hindi lahat ay nakaaalam nito. May ilang nahirati sa pagsamba sa diyus-diyusan, kaya’t hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganitong pagkain, ang akala nila’y handog pa rin sa diyus-diyusan ang kanilang kaalaman, nababagabag ang kanilang kalooban sa pag-aakalang sila’y nagkakasala.

Kaya’t dahil sa inyong “kaalaman” ay napapahamak ang kapatid ninyong mahina pa at naging dahilan din ng kamatayan ni Kristo. Sa gayun, nagkakasala kayo kay Kristo sapagkat ibinunsod ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid at itinanim sa kanyang isipan ang maling paniniwala. Kaya’t kung dahil sa pagkain ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang di siya magkasala.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 23-24

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

O Diyos, ako’y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
kung ako ay hindi tapat, ito’y iyong nababatid,
sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
1 Juan 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling.
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.

“Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”

“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 11, 2018 at 4:48 pm

Pagninilay: Ang pagkakilanlan sa atin bilang mga Kristiyano ay dahil sa pag-ibig na ipinamalas ng Panginoong Diyos sa sanlibutan kahit laganap ang kasamaan. Ang Ebanghelyo ay isang mahabang pangangaral ni Hesus sa isang kapatagan sa harap ng napakaraming tao. Ang pinakapunto ng kanyang pangangaral ay tungkol sa relasyon ng tao sa isa’t isa. Isa sa kanyang mga pahayag ay ang pagmamahal sa mga kaaway at pagdarasal sa mga nang-uusig. Tila nga bang mahirap na mahalin ang mga taong may atraso laban sa iyo. Alam po natin na masakit sa ating damdamin na paulit-ulit tayong sasaktan ng iilang tao kahit ilang beses na silang nagkasala at naghingi ng kapatawaran. Ngunit ang nais ipaalala sa atin ng Panginoon ay ang mas malalim na pagtingin natin sa kasalanan. Ika nga ng isang kasabihan: “Hate the sin, but not the sinner.” Tumpak ito’y patungkol sa hinding mabilis na paghahatol sa isang indibiduwal. Ngunit kailangang bigyan-pansin ang “hate the sin” sapagkat inaanyayahan tayo ng Panginoon ang Fraternal Correction upang itaguyod natin ang diwa ng isang Kristiyano, ang pag-ibig ng Diyos. Sa huli, hinihikayat tayo ni Kristo na isabuhay itong pahayag na naging tema ng Hubileyo ng Awa (2016): “Maging maawain katulad ng Ama” (Lucas 6:36). Ang pagiging mahabagin ay katumbas sa pagiging “perpekto” ayon kay San Mateo 5:48. Mahirap maging perpekto dahil inaamin nating tayo’y tao lamang na nagkakasala. Ngunit ang pagiging perpekto at maawain ayon sa pamantayan ni Hesukristo ay isang hamon sa kabanalan. Tayo’y nilikha sa imahe at kaanyuhan ng Ama upang tayo’y maging katulad niya na banal at matapat ang pamumuhay. Patuloy natin isabuhay ang kabutihang-loob ng ating mga puso sa kabila ng lahat ng mga pagkakasalang nakakalat sa ating mga paligid. Nawa’y patuloy natin patatagin ang ating relasyon sa Diyos at sa ating kapwa.

Reply

Flor September 10, 2020 at 10:11 pm

Salamat Po Panginoong Hesukristo Sapagkat Tinuruan Po Ninyo Kaming Aming Bukas Palad. Amen

Reply

Malou Castaneda September 11, 2024 at 10:13 pm

PAGNINILAY
Ang awa ng Diyos ang idiniin sa halip na ang pagiging perpekto ng Diyos. Tayo bilang mga tagasunod ni Hesus ay mga anak ng isang mabait at mapagpatawad na Diyos kung kaya’t dapat nating tularan ang ating banal na Magulang sa Kanilang mapagmahal na kabaitan sa iba. Kung paanong pinatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan, bilang mga tagasunod ni Hesus, dapat nating patawarin ang mga kasalanan ng iba. Sinabi ni San Agustin, “Ang pagpapatawad ay may dalawang anak na babae: Katarungan at Habag”. Nawa’y sundin natin ang Ginintuang Alituntunin upang tratuhin ang iba. Nawa’y gumugol tayo ng panahon sa pagninilay-nilay kung gaano kaawain ang Diyos sa atin, kahit na tayo ay ‘walang utang na loob at masama’. Iyon ay magpapahinto sa atin bago husgahan at kondenahin ang ating mga ‘kaaway’.

Panginoong Hesus, alang-alang sa Iyong namimighating pagdurusa, maawa Ka sa amin, mga makasalanan. Amen.
***

Reply

Celine loveko September 12, 2024 at 2:32 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA!

Reply

Marz September 12, 2024 at 2:58 pm

May magagawa ang Diyos.
Kung tayo’y magtatapat at maglilingkod.
Diringgin ng Diyos ang samo natin.
Magpatawad tulad ng pagpatawad ng Diyos na utos sa atin.
Mahirap sundin pero pilitin at gawin natin unti-unti.
Tutulungan nya tayo,sapat ang tulong na ibibigay sa atin ni Kristo.
Walang impossible sa ngalan ng Panginoon.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: