Lunes, Setyembre 9, 2024

September 9, 2024

Lunes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Pedro Claver, pari

1 Corinto 5, 1-8
Salmo 5, 5-6. 7. 12

Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.

Lucas 6, 6-11


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Peter Claver, Priest (White)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 5, 1-8

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, nakarating sa akin ang di mapag-aalinlangang balita na napakasama ng ginagawa ng isa sa inyo – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit ang mga pagano’y di gumagawa ng ganyang kahalayan. At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana’y mahiya kayo at tumangis, at itiwalag ang gumagawa nito! Bagamat wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya’t parang nariyan din ako. Dahil dito, ang gumagawa niyan ay hinahatulan ko na sa ngalan ng Panginoong Hesus. Ako’y kasama ninyo sa espiritu sa inyong pagtitipon. At sa kapangyarihan ng ating Panginoong Hesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang mapahamak ang kanyang katawan at nang maligtas ang kanyang espiritu sa Araw ng Panginoon.

Hindi kayo dapat magpalalo. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napaaalsa ng kaunting lebadura ang buong masa”? Alisin ninyo ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayun, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang lebadura – at ganyan nga kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskuwa – si Kristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang Paskuwa, ngunit hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang lebadura ng kasamaan at kahalayan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang lebadura, sagisag ng kalinisan at katapatan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 5-6. 7. 12

Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.

Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.

Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.

Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.

Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.

Ang nagtitiwala sa ‘yo’y magagalak,
masayang aawit sila oras-oras;
iyong ingatan yaong mga tapat,
na dahil sa iyo’y lumigayang ganap.

Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 6-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Isang Araw ng Pamamahinga, muling pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lakaki roong tuyot ang kanang kamay. Sa hangad ng mga eskriba at mga Pariseo na maparatangan si Hesus, nagbantay sila upang tingnan kung siya’y magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Subalit batid ni Hesus ang kanilang mga iniisip, kaya’t sinabi niya sa lalaking tuyot ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit naman ang lalaki at tumayo roon. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan ni Hesus ang nasa palibot niya at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga niya ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Nagngingitngit sa galit ang mga eskriba at ang mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 10, 2018 at 6:58 am

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang kababalaghang ginawa ng Panginoong Hesukristo sa kabila ng mga banta ng paghahamak sa kanya ng mga Pariseo na nilalabag niya raw ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga. Para sa mga Hudyo, ang Araw ng Pamamahinga o Sabat ay isang banal na araw na ipinagdiriwang tuwing ikapitong araw ng isang linggo (Sabado). Ito’y pag-aalaala at pagpupuri sa Diyos na Maylikha ng langit at lupa sa loob ng 6 na araw, at sa ika-7 ay nagpahinga matapos ang kanyang gawain. Kaya itong pista para sa mga Hudyo ay isang araw na kung saan sila’y magpapahinga at hindi maaaring magtrabaho. Kapag may isang mamamayang lalabag sa batas na ito, siya’y ihaharap sa sakdalan at maaaring mapahatol ng parusang kamatayan. Ngunit alam ni Hesus na mabigat ang interpretasyon ng mga pinuno ng Judaismo noong kapanahunan niya. Sa katunayan, mayroong 613 na batas ng mga Hudyo, ngunit mga ordinaryong tao lang ang sumusunod, at hindi mga pinuno. Kaya’t matapos pagbintangan ang kanyang mga alagad na namimitas ng mga trigo sa mismong Araw ng Pamamahinga, muli siyang napasailalim ng isa pang banta nang mapansin niya sa sinagoga ang isang lalaking tuyot ang kamay. Kaya’t pinatayo niya ang lalaki sa kanilang piling at binato ang tanong kung labag ba sa batas ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga, ang pagliligtas ba o pagpapatay. Hindi sila makasagot hanggang hinawak ng Panginoon ang tuyot na kamay at sinabi sa lalaki na iunat nito. Kaya’t naunat niya ang kanyang kamay na patunay ito’y gumaling, ngunit binalak ng mga Pariseo at eskriba kung paano sila magbubunyi laban kay Hesus. Nakita natin sa Ebanghelyo ang isang pagpapagaling ni Kristo sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit nais ipakita sa atin ni Hesus na bilang Panginoon ng Sabat, ang banal na araw na ito ay ginawa ng Diyos para sa tao, hindi ang tao ang lumikha ng Sabat para higpitin ito. Bilang mga Kristiyano, ang ating Araw ng Pagmamahinga ay Linggo/Sunday, ngunit hindi lang siya pisikal na pagpapahinga pagkatapos ang isang linggo ng pagtatrabaho. Nariyan rin ang espirituwalna pagpapahinga sa pamamagitan ng pagdiriwang sa Banal na Misa at paggawa ng tama at kabutihan sa kapwa. Ito’y paalala sa atin na ang bawat araw na Linggo ay isang araw ng Panginoon sapagkat inaalala natin ang kanyang Muling Pagkabuhay na nagdulot ng “dawning of a new creation”. Kaya nawa sa ating buhay na sa bawat pagsunod natin sa mga batas ng panahon ay huwag nating kalimutan na isabuhay ang mga diwa nito sa pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa-tao.

Reply

Malou Castaneda September 8, 2024 at 8:18 pm

PAGNINILAY
Isang babae na abalang-abala sa pagpunta sa simbahan upang isagawa ang kanyang mga debosyon na hindi niya napapansin ang mga pulubi o mga bata sa daan na tumatawag sa kanya. Isang araw, dumating siya sa tamang oras para sa serbisyo, ngunit sarado ng mahigpit ang pinto ng simbahan. Sa kanyang pagkabalisa ay tumingala siya at nakita ang isang paunawa na nakaipit sa pinto. Sinasabi nito, ‘Nandiyan ako sa labas!’ Tunay na ginagawa natin ang mga kumikislap kung saan pinipili nating makita ang buhay. Batid ba natin ang panganib ng pagsasara ng ating sariling puso sa pagdurusa ng iba at maging sa presensya ng Diyos kay Hesus para sa katulad na mga kadahilanan?

Panginoong Hesus, bigyan Mo kami ng pusong mahabagin upang tumulong sa mga nangangailangan.? Amen.
***

Reply

Rosalinda M. Jubilado September 10, 2024 at 8:18 am

sinabi ng Panginoon kapag nakikita mo ang iyong kapwa na nasa ilalim ng kasalanan at hindi mo pinagsabihan o pinaaalalahanan tayo din ay nagkakasala.
bilang tayo ay binyagan, tunay na kabahagi sa misyon ni Jesus sa pagkapari, propeta at hari, mahalaga at lakas loob natin kondenahin ang ating kapatid na gumagawa ng labag sa ating pananampalataya tulad ni San Pablo at lahat ng Apostol at mga propeta. Ganon din sa ating sambahayan ,sa ating comunidad, at sa mga namumuno sa ating bansa. dapat maipahayag natin ng may paninindigan ang liwanag na ipinagkaloob sa atin ng ating Panginoon sa pamamagitan ng social media at iba pang platforms.
sa ating ebanghelyo, ipinapakita ng ating Panginoong Jesus kung paano Niya ipinapahayag ang mabuting balita sa salita at gawa.
ganon din dapat tayo, every words we speak ay kaakibat nito ay gawa.
it is wrtten, without holiness no one will see God. Holiness is loving God and your neigbhors. this is inseparable. every gising is an opportunity to glorify God, love God through our neighbors- family, relatives, friends, community, country.
we must be an active contemplation of God’s love in all circumstances. AMEN
Dear Lord,we cannot be like you, imitate you withour your graces.
May we request to give us the strength, courage, and understanding to fulfill the mission given to us. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: