Podcast: Download (Duration: 5:26 — 3.9MB)
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Isaias 35, 4-7a
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Santiago 2, 1-5
Marcos 7, 31-37
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Twenty-third Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 35, 4-7a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
lakasan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay
magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 2, 1-5
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, bilang sumasampalataya sa ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa: pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit nang magara, at isa namang dukha na panay sulsi ang damit. Kung asikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y, “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
Tingnan ninyo, mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Setyembre 7, 2024
Lunes, Setyembre 9, 2024 »
{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Panginoon ay puno ng dakilang habag na tumutugon sa mga hinaing ng tao. Ngayong Linggo, ipinapakilala niya ang kanyang sarili bilang isang maawaing Diyos na may mga magandang kinabukasan sa kaligtasan ng sangkatuhan.
Ang Unang Pagbasa ay isang magandang pahayag mula kay Isaias tungkol sa mabubuting gawain ng Panginoong nagbibigay ng paningin sa mga bulag at tinig sa mga bingi. Itong propesiya ang tumutukoy sa misyon ni Hesukristo bilang Mesiyas na siya’y isinugo upang ipahayag ang Magandang Balita sa mga dukha at ipakita ang kagandahang-loob ng Diyos Ama sa mga nangangailangan.
Isang halimbawa nito ay ang Ebanghelyo ngayon tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa isang lalaking bingi at pipi. Itong lalaki ay nakatira sa rehiyong tinatawag na “Decalopis”o kaya “Mga Sampung Siyudad”. Ayon sa paniniwala ng mga Hudyo, mula sa kanilang lahi lamang magaganap ang lubos na kaligtasan mula sa Diyos. Ngunit ipinakita sa atin ni Hesus na ang kabutihan at kaligtasan ay bukas rin sa mga Hentil. Kaya nga nang iniutos niya sa lalaki na “Effata” o “Magbuksan”, hindi lang ito nakakarinig at nakakasalita. Ang mga taongbayan din na nakasaksi sa pangyayari ay tila nga ba’y nabuksan ang kanilang mga puso sa mabuting kababalaghang ipinamalas ni Hesus.
Makikita natin dito kung paano tayo’y inaalagan at tinutulungan ng Panginoon kahit sa mga panahon ng pagsubok. At sinasabi ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa na ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi batay sa mga pisikal at emosyonal na anyo ng bawat mamamayan, kundi inaanyayahan niya na ang lahat ng uri ng tao ay magkasundo, maging mabuti sa isa’t isa, at maglingkod nang matapat sa kanya.
Minsan po ang ating mga tainga at bibig ay nakasarado sapagkat tingin natin sa ibang tao ay mas mababa, at itinuturing natin ang ating sarili bilang mas karapat-dapat. Kaya’t mahalaga ang “Effata” ni Kristo hindi lang sa mga may pisikal na problema, kundi pati na rin sa mga may espirituwal na suliranin na ipantay ang relasyon ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng pagiging mabuting Kristiyano sa bawat mamamayan, na handang ituro ang tamang pamumuhay at gumawa ng mga mabubuting bagay.
Nawa’y sa ating buhay ay mas palaliman pa natin ang dakilang habag ng Panginoon sa pagpapakita ng awa at pag-ibig sa ibang tao.
Marami hong salamat sa magandang reflection at dito po sa website ng awit papuri na tagalog ang Gospel reading. Mas lalo ko pong naintindihan ang mga readings at Gospel. God bless po at lalo po sanang madaming magtangkilik nito para ma spread at maintindihan ang Gospel truth. Purihin ang Diyos!
Tunay na napaka buti ng Dios sa atin.Sa bawat pagkakataon ay naroon siya upang tayo ay gabyan at hindi nag tatangi ang lahat ay pantay pantay sa kanyang paningi.At nag bibigay ng pag asa ang kanyang mga salit. Tunay na wala tayong magagawa kung hiwalay tayo sa Diyos.Lalo na sa panahong ito ng pandemic hindi natin alam kung sino ang mayron dali ng viruz siya ang tunay nating mangagamot.
Pinupuri kita o Dios
At maraming salamat sa page na ito.
Ang tema ng mga pagbasa ngayon ay ang pagpapagaling ni Hesus sa mga sakit na wala ng kagalingan o kapansanan na hindi kaya ninumang manggagamot, at isa’y tungkol nman sa pagtatangi.
Malamang sa ikalawang pagbasa ay guilty tayong lahat, yan ang ugali ng karamihan sa ating mga pinoy, nagtatangi tayo. Hindi pala kinalulugdan ng Diyos ang ganoong ugali, kaya nga’t sinabi din sa isang ebanghelyo ni Hesus na kapag may okasyon ka o papiging ay ang imbitahan mo ang mga mahihirap sa ganoong paraan ay hindi ka nila kayang suklian at ang Diyos sa langit ang mag gagantimpala sa iyo. Kung ikaw nman ay may bisitang mayaman at mahirap ay ibigay mo ang pantay na atensyon at pagturing sa kanila.
Sa ebanghelyo ngayon ay napapanahon, ngayong may pandemya ay marami ang pinanghihunaan ng loob, marami ang nagkakaroon ng depresyon at nakakalungkot dahil marami ang namamatay at hindi na maiburol, Pinaaalala ng Mabuting Balita na lakasan ninyo ang inyong loob at mas palakasin pa ang pananampalataya sa Diyos. Ang mga pinagaling ni Hesus ay masasabi ng imposible ng gumaling katulad ng pipi at bingi. Ngunit walang imposible sa Diyos, tandaan mo yan kapatid walang imposible kay Hesus basta’t manalig ka lamang at kaya nyang ibigay sayo ang imposibleng ito kung ikaw ay lubos na naniniwala at walang pangamba o agam agam. Mapagpalang Linggo sa inyo!
MAGNILAY: Effata – Mabuksan ka! Ito ang sinabi ni Hesus sa lalaking bingi na pipi pa. Ang maging bingi at pipi ay magkakambal na kapansanan. Kapag bingi ka magiging pipi ka rin. Hindi mo mabibigkas ang hindi mo narinig. Ang lalaking pinagaling ni Hesus ay bingi dahil hindi siya kailanman nakarinig ng Mabuting Balita ng pagmamahal ng Diyos. Sarado ang isip at kamalayan niya sa kabutihan ng Diyos. Kaya naman pipi din siya. Sarado ang bibig niyang ipahayag ang pagmamahal at kabutihan ng Diyos. Kaya naman binuksan ni Hesus ang kanyang tainga upang makarinig ng Mabuting Balita. At nang makapakinig hindi na napigilang mabuksan ang bibig upang magsalita at magpahayag ng Mabuting Balita ng pagmamahal at kabutihan ng Diyos.
Maraming bingi pa sa Mabuting Balita kaya balitaan natin sila. Puro masama at pangit na balita ang kanilang naririnig kaya yun din ang lumalabas sa kanilang bibig – mga sama ng loob, hinanakit, galit, muhi, mura. Kapag marinig nila ang pag-ibig ng Diyos at baguhin nito ang kanilang puso’t isipan lalabas sa kanilang bibig ang Mabuting Balita. Bubukas ang kanilang bibig upang ipahayag si Hesus.
MANALANGIN: Panginoon, buksan mo ang aking pandinig upang pakinggan ko ang iyong mga salita. Buksan mo ang aking bibig upang ibalita ang pagmamahal mo.
GAWIN: Buksan ang mga nakakandadong isip at puso ng mga hindi nakarinig ng Mabuting Balita.
God favors the poor.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.