Sabado, Setyembre 7, 2024

September 7, 2024

Sabado ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

1 Corinto 4, 6b-15
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21

Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.

Lucas 6, 1-5


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 6b-15

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba. Ano ang kahigtan ninyo sa iba? Hindi ba lahat ng nasa inyo’y kaloob ng Diyos? Kung gayun, bakit ninyo ipinagyayabang na waring hindi kaloob sa inyo?

Kayo pala’y nasisiyahan na! Mayayaman na kayo! Kayo pala’y mga hari na – hindi na ninyo kami isinama! Sana nga’y naging hari kayo upang kami nama’y maging hari, kasama ninyo. Sapagkat sa wari ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na maging pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan, isang panoorin ng sanlibutan – ng mga anghel at ng mga tao. Kami’y mga hangal alang-alang kay Kristo; kayo’y marurunong tungkol kay Kristo! Mahihina kami; kayo’y malalakas! Hinahamak kami; kayo’y pinararangalan! Hanggang sa oras na ito, kami’y nagugutom, nauuhaw, halos hubad; pinagmamalupitan kami at walang matahanan. Nagpapagal kami upang may ipagtawid-buhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami’y pinag-uusig; tinitiis namin ito. Malumanay na pananalita ang isinusukli namin sa mga naninirang-puri sa amin. Hanggang ngayon, kami’y parang mga yagit – pinakahamak na uri ng tao sa daigdig.

Ito’y sinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang parangalan bilang mga anak na minamahal. Sapagkat maging sampunlibo man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo’y naging anak ko sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21

Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.

Yaong kailangan niyong mga taong may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
yaong umiibig sa kanya nang lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama’y wawasakin niya’t walang mabubuhay.

Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.

Aking pupurihin ang Panginoong Diyos, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!

Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.

ALELUYA
Juan 14, 6

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 1-5

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Hesus sa triguhan. Ang kanyang mga alagad ay nangitil ng uhay, at kanilang kinain ang mga butil matapos ligisin sa kanilang mga kamay. “Bakit ninyo ginagawa sa Araw ng Pamamahinga ang ipinagbabawal ng Kautusan?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Panginoon, kumuha ng tinapay na handog sa Diyos at kumain nito. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama, bagamat ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez September 4, 2020 at 9:03 pm

Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.

Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan.

Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.

Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan.

Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: