Podcast: Download (Duration: 6:26 — 8.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Amang Diyos upang ilapit niya tayo sa kahalagahan ng Ebanghelyo para panibaguhin ang Simbahan at ang daigdig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panibaguhin Mo kami, O Panginoon.
Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at mga pinuno nito, nawa’y sundin ang pag-akay ng Espiritu Santo upang ipahayag sa mga tao ngayon ang walang-kupas na wika ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y ating buksan sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na higit na mahalaga kaysa mga panlabas na gawain ng pagpapakabanal, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapagtanto na laging mapangyayari ang himala ng pagbabago sa lahat ng humihingi ng tulong ni Kristo na makamtan ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit, nawa’y maging daan tayo ng mapagpagaling na kamay ng pagmamalasakit ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay natin ng pagmamahal at kalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapahingahan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, dinggin mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong bayan mo na pinalaya ng pag-ibig ni Jesu-Kristo naming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Setyembre 5, 2024
Sabado, Setyembre 7, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay paalala ni San Pablo sa mga taga-Corinto na maging matapat sa Panginoon sa bawat kilos na ating ginagawa. Tayong lahat ay inaasahang isabuhay ang mga aral ni Kristo at sundin ang kanyang ehemplo. Kaya hindi dapat natin hinuhusgahan agad ang ating kapwa, bagkus ay ituwid natin ito kapag nagkakamali. Sa huli, ang Panginoon ang maghahatol sa atin batay sa pag-ibig na ipinakita natin sa mundong ito. At dahil sa ating kagandahang-loob, kabutihan, at katapatan, makakamit natin ang kaligayahan ng buhay ng walang hanggan sa kalangitan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paalala tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Tinatanong ng mga Pariseo at eskriba kung bakit hindi nag-aayuno si Hesus at ang kanyang mga Apostol, hindi katulad ng ginagawa ng mga alagad ni San Juan Bautista at ang alagad ng kanilang grupo. Bahagi ng rituwal ng mga Hudyo ang pag-aayuno bilang pagdadalamhati sa kanilang mga kasalanan. Subalit tugon ni Hesus ng isang larawan ng mga panauhin sa kasal na hindi sila mag-aayuno habang kasama nila ang Lalaking ikakasal. Subalit kung ang Lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, diyan na pwedeng mag-ayuno ang mga panauhin. Ito ay isang pagpapahayag ni Hesus ukol sa kanyang gawain bilang Mesiyas para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kailangan siyang dumadaan sa kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay upang hindi na magkaroon ng kalungkutan, kundi ng kaligayahan na mayroong buhay na parating. At ito ang buhay na walang hanggan sa kalangitan na katulad sa isang kasalan. Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristiya ay ang paglasap ng walang hanggang kapistahan ng langit.
Gayundin ang kanyang parabula sa damit, alak, at sisidlang-balat. Hindi maaring ihalo ang mga luma sa mga bago. Kinakailangan lumipas ang luma upang magkaroon ng bago. Ganito ang nangyari sa kasaysayan ng kaligtasan, nang ialay ni Kristo ang kanyang buhay sa Krus upang gawin ganap ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Bagong Tipan ay tanda ng muli’t-muling pagkakaisa ng Ama sa kanyang bayan sa pamamagitan ng kanyang Anak. Dahil sa ginawa ni Hesus na masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos Ama, tayo ngayon ay minamarapat na makabahagi sa kanyang buhay. Kaya nawa’y ipahayag natin sa bawat nilalang ang pag-ibig ng Diyos at ipakita ito sa ating pagmamahal sa isa’t isa.
Maraming salamat po sa araw-araw na mga pagninilay, dahil ditoy lalo ko pong nauunawaan ang Salita Ng Diyos at ang Ebanghelyo sa bawat araw….maraming salamat pong muli?
Kapag dadalo tayo sa kasal anong kadalasan nating napapansin? Ang kasiyahan ng ikinasal. At pupunta tayo sa kasal para makigalak sa mag-asawa.
Sa ating ibanghelyo sinasabi ni Hesus na siya ang lalaking ikinasal. At dahil jan marapat lamang na magalak ang mga inaanyayahan sa kanyang piging/salu-salo.
Sa ating mga katoliko ang piging ng panginoon ay ang banal na misa. Dadalo tayo ng may kagalakan sa ating mga puso upang masulyapan si Hesus. Tayo ay makikinig sa kanyang banal na salita, at makisalu-salo sa kanyang banal na piging.
Sa anong okasyon hindi naman maling maybibit o magSharon diba? lalo na pagsagana sa pagkain.
Ganun din sa piging ng Panginoon, dahil may kasaganaan nararapat din na may bitbit tayo daladala. Dapat bitbit natin ang salita ng Diyos. At itoy dadalhin natin sa ating mahal na pamilya at kapitbahay. At sa bawat salita ng Diyos ay binubusog tayo. Kaya dapat isinasabuhay din natin ang salita ng Diyos na siyang nagbibigya buhay.
Kaya sa misa natin ngayon, may ipapabaon ng Panginoon sa ating lahat.
At sabi, Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Dahil kay Kristo lamang nating makakamtan ang tunay na kaligayahan at kagalakan. At ang kagalakang pangako niya ay kagalakan sa buhay na walang hanggan.
MAGNILAY: Hindi na napapanahon ang pag-aayuno noong dumating na si Hesus dahil siya nga ang Mesiyas. Ang dahilan ng pag-aayuno noon ay para ipahayag ang pangungulila sa pagdating ng Mesiyas. Isang paraan ito ng pananalangin na ipadala na ng Diyos ang Mesiyas. Dumating na nga kaya ang dahilan ng pag-aayuno ay lumipas na. Panahon na ng pagsasaya. Katulad ito ng paghihintay sa ikakasal. Habang wala pa siya nangungulila ang lahat. Pero kung dumating na wala nang lugar ang pangungulila. Oras na ng pagsasaya. Ganito ang mga alagad kay Hesus. Hindi na sila nag-aayuno dahil ipinagsasaya na nila na dumating na ang Mesiyas. Pero pansamantala lamang. Mawawala uli si Hesus. Maghihintay uli sila sa kanyang ikalawang pagbabalik. Mangungulila uli sila, mananalangin sa kanyang pagdating at mag-aayuno.
May panahon na may dahilan para malungkot. Sa mga panahong iyon malungkot tayo. Pero kapag lumipas ang dahilan ng kalungkutan at dumating ang dahilan para magsaya matuto naman tayong magsaya. Nakakalungkot naman kung may dahilan magsaya pero malungkot pa rin tayo. Hindi plano ng Diyos na malungkot tayo. Plano niya na maging maligaya tayo habang buhay at ang dahilan ay mahal niya tayo magpakailanman.
MANALANGIN: Panginoon, makita nawa namin ang dahilan bakit dapat kaming magsaya.
GAWIN: Huwag maging bilanggo ng kabiguan at kalungkutan.