Podcast: Download (Duration: 6:49 — 8.6MB)
Huwebes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 3, 18-23
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Lucas 5, 1-11
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 18-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayun din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos,
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
ALELUYA
Mateo 4, 19
Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Generaset. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayun nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayun din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Setyembre 4, 2024
Biyernes, Setyembre 6, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Diyos ang tumatawag sa atin na tugunin ang panawagan na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa kanyang Paghahari.
Ang Ebanghelyo ang nagpapakita tungkol sa Pagtawag ng Panginoong Hesus sa kanyang upang apat na mga Apostol, at sila’y mga mangingisda sa Lawa ng Galilea. Nang tinanong ni Hesus kung kamusta ang pagkuha nila ng isda, tumugon si Simon Pedro na wala silang kahit sila’y nagtrabahong maghapon. At inutusan niya siya na ihagis ang kanyang lambat sa katubigan, at bilang dumami ang mga isdang nahuli na sa puntong lulubog na ang bangka. Dahil sa nakitang kababalaghan ng pagdami ng mga isda, inutos ni Pedro si Hesus na layuan siya sapagkat itong Apostol ay itinuturing na siya’y makasalanan. Ngunit tugon sa kanya ni Hesus na kasama sina Andres, Santiago, at Juan, sumunod siya sa kanya at siya’y magmamalakaya ng mga tao.
Makikita natin dito sa pagtawag ni Kristo sa 12 alagad na maging kanyang mga Apostol, hindi espesyal ang kanilang antas sa lipunan katulad ng unang 4 na mga mangingisda. Lahat din sila’y mga karaniwang makasalanan din, lalung-lalo na si San Pedro nang makilala niya ang Panginoon sa malaking huli ng mga isda. Subalit naging espesyal ang pagtawag sa kanila ng Panginoon sapagkat ito ay karaniwang panawagan ng lahat ng tao na maglingkod sa kanya at ipahayag ang kanyang mensahe. Ang simbolo ng pagiging “mamalakaya ng tao” ay makikita sa misyon ng Simbahan na ipanalo ang mga kaluluwa para kay Kristo. Hindi sa paraan ng paghuhuli ng isang tao gamit ang lambat, kundi ang pagtuturo sa kanya tungkol sa kahalagahan ng Panginoon sa mundong ito kahit ang panahon ay nagbabago at umaasenso ang teknolohiya/agham.
Inaanyayahan tayo ni San Pablo sa Unang Pagbasa na huwag tayo masyadong kumapit sa mga makamundong bagay, kundi sa mga espirituwal na bagay na mula sa Diyos. Ang lahat ng mga makamundong bagay ay kaloob niya sa atin upang gamitin natin ang mga ito sa maayos na paraan upang makapaglingkod sa kanya at sa ating kapwa. At sa panahon ngayon, dapat aalahanin po natin na ang misyon ng “Evangelization” ay hindi lang para sa mga nasa Hierarkiya (Santo Papa, Obispo, Pari, Diyakono) at hindi lang para sa mga relihiyoso’t relihiyosa, kundi ito’y para sa lahat ng mga bininyagang Kristiyano na naging bahagi ng Laiko. Totoo naman na hindi po lahat kayang magparangal tungkol kay Kristo o kabisaduhin ang Bibliya, ngunit tayo’y hinihikayat ng Simbahan na ipahayag ang Mabuting Balita at isabuhay ang mga aral nito sa pagbibigay-saksi sa Panginoon kahit anumang ordinaryong pamumuhay mayroon tayo.
Kaya nawa’y maging tapat tayo sa ating misyon na maging mga tunay na saksi ng Diyos sa pagpapahayag ng kanyang mensahe ng katotohanan at kabutihan upang mas marami pa ang makikilala sa kanya at magiging bahagi sa misyong ito.
MAGNILAY: Hindi man kuwalipikado tinatawag at pinipili pa rin ng Panginoon. Madalas hindi ang mga kuwalipikado ang tinatawag niya. Bukod sa mapagmataas na mahirap pang turuan. Madalas niyang piliin ang mga hindi kuwalipikado. Aminado ang marami sa kanila ng kanilang pagiging hindi kuwalipikado. Dahil may pagpapakumbaba mas malaki ang posibilidad na turuan. Si Pedro at ang mga kasama niya ang hindi mo iisiping tatawagin at pipiliin ng Panginoon. Bukod sa makasalanan may taglay pang ibang kapintasan sa ugali. Pero aminado at mapagpakumbaba. Sapat na iyon upang pumasa sila. Ang awa at biyaya ng Diyos ang siyang gagawa ng paraan upang maging kuwalipikado sila sa gawain ng Panginoon. Huwag mong isiping hindi ka papasa dahil hindi ka rin kuwalipikado. Pagtiwalaan mo na puwede kang mabago ng awa at biyaya ng Diyos.
MANALANGIN: Panginoon, hindi ako karapat-dapat ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.
GAWIN: Huwag magmataas ni magmalaki kaninuman. Kinaawaan ka lang ng Diyos
We can never get wrong by obeying God.
Humbly accept that we are called not because of what we have done but because of what we can become. – Father Dave Concepcion.
Losing faith and appetite as a result of the world’s boasting rather than God’s ability to achieve anything. – Father Fidel Roura.
There are many fish in the sea with Jesus there is always a way and hope.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.