Miyerkules, Setyembre 4, 2024

September 4, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Katulad ng mga taong nagdala kay Jesus ng lahat ng maysakit o sinasapian ng demonyo, dalhin natin sa ating makalangit na Ama ang lahat ng mga taong puspos ng paghihirap, pagkalumbay at nangangailangan ng mapagpagaling na pagmamahal.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na manggagamot, pagalingin Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y mapalaya ang mga tao sa anumang hadlang upang maipahayag ang Ebanghelyo sa mga lalaki at babae sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang nagugutom na daigdig lalo na ang mga hindi makatarungang pinagkaitan ng pagkain, damit o kalayaan nawa’y busugin ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa pag-aalala at pagkabahala nawa’y makatagpo kay Kristo ng sandigan bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa pagkakasakit, at may mabigat na pasanin sa buhay, nawa’y makita ang higit na kahulugan ng kanilang buhay sa pagsubok na kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao at nagdadalamhati nawa’y magkaroon ng pag-asa sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, bantayan mo ang iyong pamilya; iligtas at arugain kami sapagkat nasa iyo ang lahat ng aming pag-asa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristo aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez August 25, 2020 at 1:24 pm

Pagninilay: Ang Diyos ay puno ng awa at malasakit sa mga mahihina upang sila’y maging malakas hindi lang sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa.

Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita kung paanong pinagaling ng Panginoong Hesus ang mga maysakit ay iba pang bigat ng karamdaman. Matapos niyang mapalayas ang isang demonyong sumasanib sa lalaki (Ebanghelyo kahapon), dumalaw naman siya sa bahay ng 2 sa kanyang Apostol, ang magkapatid na sina San Andres at San Pedro. Dito’y pinagaling niya ang biyenan nila na nilalagnat noong panahong iyon sa pagpapatong ng kanyang kamay upang mawala ang sakit. At ang sumunod sa pagkalubog ng araw ay marami pang ginawang kababalaghan si Hesus na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Sa sumunod na umaga ay pumunta siya sa ilang, ngunit natagpuan siya ng mga tao. Subalit sinabi niya na kinakailangan niyang ipahayag ang Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos sa iba’t ibang nayon at bayan, at ito’y kanyang ginawa sa rehiyon ng Judea.

Makikita dito na sa ilang ay nariyan ang lakas ng Panginoon na gumawa ng mga himala ay sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay ang komunikasyon niya sa Diyos Ama bilang pagpapahayag ng pagtalima sa dakilang kalooban nito. Itinuturo sa atin ni Kristo na ang pagkaranas ng pagpapagaling sa buhay ay kinakailangan ng kaakibat na pananampalataya sa kanya. At ang pananampalatayang iyon ay isinasama sa pagsasabuhay ng kanyang kabutihan sa pagiging mabuti rin sa ating kapwa.

Kung nais nating maranasan ang tunay na kagalingan sa ating buhay ay maglingkod din po tayo sa ibang tao nang ipakita natin ang mabubuting pamamaraan upang kanilang sundan ang halimbawang iyan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: