Lunes, Setyembre 2, 2024

September 2, 2024

Lunes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 2, 1-5
Salmo 118, 97. 98. 99. 100. 101. 102

Iniibig ko nang lubos
tanang utos mo, Poong D’yos

Lucas 4, 16-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 2, 1-5

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya’t hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 97. 98. 99. 100. 101. 102

Iniibig ko nang lubos
tanang utos mo, Poong D’yos.

Ang taglay kong karununga’y higit pa sa matatanda,
pagkat ang ‘yong mga utos ay hindi ko sinisira.

Iniibig ko nang lubos
tanang utos mo, Poong D’yos.

Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.

Iniibig ko nang lubos
tanang utos mo, Poong D’yos.

Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.

Iniibig ko nang lubos
tanang utos mo, Poong D’yos.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Doktor, gamutin mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman sa ‘yong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’” At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at pinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 21, 2020 at 2:02 pm

PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (1 Corinto 2:1-5), ipinaalala ni San Pablo sa Kristiyanong pamayanan ng Corinto tungkol sa pagpahahayag ng Mabuting Balita na ginawa niya sa pamamagitan ng patotoong mula sa Espiritu Santo. Ito yung kanyang katatagan na ipahayag at bigyan-saksi si Kristo sa pagpaparangal niya ng kaluwalhatian ng Krus ng Panginoon. Kaya dumaan si Pablo sa napakaraming hirap at pagsubok sa kanyang misyon at tungkulin. Subalit hindi ito humadlang sa kanya sapagkat patuloy siyang naging matatag sa pananampalataya sa ating Panginoon. Kaya makikita natin kung paano nagsasalita ng Diyos hindi lang ng ginhawa, kundi pati na rin ng katotohanan na bagamat masakit sa ating damdamin, ito ay totoo dahil matalas ang kanyang dila at isip.

Sa ating Ebanghelyo (Lucas 4:16-30), narinig natin kung paanong hindi tinanggap si Hesus ng kanyang mga kababayan sa Nazaret. Ani nila na imposible raw siya maging Mesiyas dahil siya’y isang anak ng karpintero sa Galilea. Ayon sa mga Hudyo, pinaniniwalaan nila na ang Mesiyas ay magmumula sa linya ni Haring David at ng mga hari ng Israel. Kaya inaasahan nila na siya’y isang makapangyarihang pinuno na magliligtas sa kanya mula sa pananakop ng mga Romano. Subalit hindi ganun ang layunin ni Hesus bilang Tagapagligtas. Siya ang tumupad sa pahayag ni Propeta Isaias (Isaias 61:1-2), na siya’y magpaparangal ng Mabuting Balita sa mga maralita, magpapagaling sa mga maysakit, magpapalaya sa mga bilanggo, at magpapahayag ng isang taon ng Panginoon. Sinabi din niya na ang Diyos ay maawain din sa mga Hentil gaya ng balo sa Sarepta at ni Naaman na taga-Siria, ang pinunong sundalo ng mga kawal. Dahil dito, tinangkang siyang patayin ng kanyang mga kababayan, ngunit tumakas siya sa paanan nila.

Ang Pagtanggi kay Hesus sa Nazaret ay isang masakit na pangyayari sa buhay ng ating Panginoon. Subalit inilawaran ni San Lucas na tunay ngang mahabagin at maawaain ang Diyos sa kanyang tao. Kaya si Kristo’y nagkatawang-tao para sa ating kaligtasan, at inalay niya ang kanyang buhay sa Krus. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y tanggapin natin siya sa ating puso’t kaisipan, lalung-lalo na palapit na tayo sa Panahon ng Kapaskuhan.

Reply

Marz September 2, 2024 at 3:15 pm

Our past cannot be changed but we can hope for our future.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.
God bless.

Reply

Group of Believer Poblite September 3, 2024 at 7:02 am

MAGNILAY: Maaaring ito ang pinakamaikling sermon ni Hesus pero hindi ibig sabihin pinakamahina. Maikli man pero tumimo pa rin sa puso ng mga nakikinig. Hindi kailangang mahaba o mabulaklak o sopistikado. Kailangan lang galing sa puso at sinsero. Hindi nagpapasiklab o nagpapabilib lang. Higit sa lahat sinasabuhay mo ang iyong sinasabi. Ito ang mga katangian ng epektibong pagpapahayag ng salita ng Diyos.

Dahil hindi ka nagpapasiklab o pinabibilib lang ang nakikinig sa iyo nasasabi mo ang katotohanan ng salita ng Diyos kahit masakit. Hindi mo pinapalabnaw o binabalutan ng asukal ang mapait na katotohanan. Kung kailangang masaktan at madistorbo hahayaan mong mangyari kung yun ang daan upang lumaya sila. Pinahayag ni Hesus ang katotohanan kahit itaboy siya ng kanyang mga kababayang hindi pa handa sa katotohanan.

MANALANGIN: Panginoon, palayain nawa kami ng katotohanan ng iyong mga salita.

GAWIN: Ipahayag mo ang salita ng Diyos nang walang labis o kulang.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: