Podcast: Download (Duration: 7:18 — 5.2MB)
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8
Salmo 14, 2-3a. 3kd-4ab. 5
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Green)
World Day of Prayer for the Care of Creation
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ito nang walang labis at walang kulang. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon, makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayon, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon?”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3a. 3kd-4ab. 5
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kanyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi siya nagbabago. Hindi niya tao iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang.
Buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyos na natanim sa inyong puso. Ito ang makapagliligtas sa inyo.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y D’yos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.
“Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Agosto 31, 2024
Lunes, Setyembre 2, 2024 »
{ 9 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Pagkatapos nating pagnilayan ang mga Kasabihan ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay (Juan 6), ang mga sumusunod na Ebanghelyo para sa mga darating na Linggo sa Karaniwang Panahon ay magmumula kay San Marcos dahil tayo’y nasa Taon B ng Liturhiya ng Simbahan. Ngayon, sinisimulan natin ang Linggong ito sa ating mga Pagbasa ngayon tungkol sa utos ng Diyos.
Sa ating Unang Pagbasa (Deuteronomio 4:1-2, 6-8), ipinahayag ni Moises sa mga Israelita na sundin ang lahat ng mga utos ng Panginoong Diyos, at huwag baguhin ang mga Ito. Kung ating natatandaan, ang Panginoon ang nagligtas sa kanilang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto sa pamamagitan ng kanyang lingkod si Moises. Kaya ang nais niya sa kanyang pinagpala ay sundin ang kanyang utos at sumamba sa kanya. Subalit sa paglipas ng panahon, umusbong ang ilang mga pinuno ng Hudyo katulad ng Pariseo, Saduceo, at eskriba, at dumagdag sila ng higit na 500 utos, hanggang mabuo nila ang 613 utos. At kung sinuman ang lalabag sa mga ito ay aarestuhin ng mga Romano. Hindi lang Kautusan ang kanilang hinigpitan, kundi pati rin ang kanilang mga tradisyong ginawa ng kanilang mga ninuno.
Kaya sa ating Ebanghelyo (Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23), tinuligsa sila ni Hesus dahil hindi makabuluhan ang kanilang pagsamba sa Diyos. Kung ating susuriin, kapag nakikita nila siyang lumalabag sa utos, bibintangin nila siya at susubukang patayin siya. Ilan sa mga ito ay ang Araw ng Pamamahinga, pang-aayuno at pangingilin, pagbabayad ng buwis kay Emperador Cesar, pagkakasal at pagkakahiwalay ng isang mag-asawa, atbp. Higit sa lahat, tingin nila lumalabag si Hesus sa mga ito, pati pa rin daw ang pagdeklara ng kanyang sarili bilang Anak ng Diyos. Subalit ang kanilang pagkikilala sa Diyos ay hindi makabuluhan dahil ang sabi nga ni Propeta Isaias: “Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal” (Isaias 29:13). Kaya nga hinihigpitan nila ang Kautusan para tuparin ito ng lahat ng mga tao, at mismo sila’y hindi sinusunod ito. Mga kapatid, ang pinupunto lamang ni Kristo ay ang tamang pagkilala at pagsamba sa Ama.
Mahalaga naman na sundin ang Kautusan, subalit huwag tayo masyadong mapagmataas. Huwag din natin maliitin at gawing paslit ang ating mga kapwa. Ang Diyos ay tumitingin sa puso ng bawat isa, kung paano ang isang tayo’y sumunod sa kanyang utos at gumawa ng mga mabubuting bagay sa ibang tao. Kaya nga sa ating Ikalawang Pagbasa (Santiago 1:17-18, 21b-22, 27), hinihikayat tayo ni Apostol Santiago, kauna-unahang Obispo ng Jerusalem, na ang tunay na pakikipagkilala sa Diyos ay nababatay rin ng mahabagin at maawaing puso ng isang indibiduwal tungo sa kanyang mga kapwa.
Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang mga utos nang buong puso, at nang hinding pagpapaslit sa ibang tao.
Maging matapat at patas po sa kapwa
Salamat Panginoong Diyos. Tunay kang kapuri-puri magpakailanman. Turuan nyo nawa kaming mamuhay ng kalugod lugod sayo. Linisin mo po ang ang aming puso at isipan ng sa gayon, mamuhay kami ng naayon sa inyo at hindi lamang sa mata ng mga tao. Higit na mahalaga ang kalinisan ng kalooban kaysa kalinisang pang labas lamang. Ang dumi ng kalooban ay nagbubunga ng paninirang puri sa kapwa at iba pang kasalanan. Mamuhay kaming nagpupuri sayo. Maraming Salamat Panginoon ko. Amen!
Ako ay isang lay minister sa aming parokya, nung nakaraang biernes santo, pagkatapos kami ay magprosisyon ay kasabay naming nananghalian ang aming kura paroko. Ang inihain ng parin ay pritong manok, lechon paksiw at ribs. At sinabi nyang marahil nagtataka kayo at puro karne ang ating kakainin ngayong biernes santo. At ito ang kanyang sunod na tinuran, “Hindi ang pag iwas sa karneng pagkain ang magdadala sa inyo sa langit, at hindi rin nangangahulugan na kapg isda at gulay lamang ang kinain nyo ngayong biernes santo ay makakarating na kayo sa langit. Hindi ang ipinapasok natin sa bibig natin tayo sinusukqt ng Diyos, kung ano ang lumalabas sa ating bibig at ginagawa mula sa puso tayo tinitingnan ng Diyos. Kahit sundin mo ang mga tradisyon ng semana santa katulad pagpapahirap sa sarili, hindi kumakain, pinapalo ang sarili kung hindi ka nman magbabalik loob sa Diyos ay niloloko mo lamang ang iyong sarili.
Mahalaga rin na nililinis natin ang mga panlabas – ang mga gamit natin, ang paliligo sa ating katawan, ang tahanan at silid, at iba pa. Subalit mas una nating linisin ang ating panloob.
Ang kasalanan ay nagmumula sa isang isipin (seed thought). Halimbawa, nakakita ka simbahan ng babaeng maiksi ang suot. Dahil alam mo ang tamang kasuotan sa pagdulog sa templo ng Diyos, huhusgahan mo agad ang babaeng nakita mo. Mula sa pag-iisp (thought) na masama ang kasuotan ng babaeng ito, magiging isang salita ang iyong iniisip. Maaring sabihin mo sa iyong kasama, “Grabe naman ang babaeng ito! Hindi na iginalang ang Diyos.”
Ang malubha ay kung gumawa ka ng aksyon na hindi mabuti. Halimbawa ay ipahiya ang babae sa pamamagitan ng pagkompronta sa kanya sa harap ng maraming maninimba. Mas lalong lumala ang iyong naging kasalanan.
Ang punto rito, tama naman na marapat lamang na magsuot ng disente kapag sumisimba. Subalit, ang husgahan ang babaeng iyon ang hindi tama. Saan nagmula ang kasalanan? Sa loob, sa pag-iisp, at lumabas pa sa bibig. Ito ang nakapagpaparumi sa isang mananampalataya – ang humusga sa mga kapwa mananampalataya na hindi sumusunod sa “kautusan.”
May paraan kung paano iwawasto ang hindi tamang gawi ng ating mga kapatid – maawaing pananalita (merciful words). Kung hindi alam kung anong salita ang sasabihin upang maiwasto ang gawi ng ating kapwa, maaari rin natin silang ipanalangin upang kasihan sila ng liwanag ng Espiritu Santo upang maunawaan ang kanilang ginagawa at sa gayon ay makapagwasto.
Ito ang Divine Mercy way.
Ang ebanghelyo ay nag-aanyaya sa atin na suriin ang ating mga puso. Tinatawag tayo ni Jesus na alisin ang ating pagkapit sa mga tradisyong panlabas na walang tunay na laman, at sa halip, ituon ang ating pansin sa tunay na diwa ng pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang ating kalinisan sa harap ng Diyos ay hindi nasusukat sa panlabas na ritwal, kundi sa kalinisan ng ating mga puso at kaisipan.
Nawa’y patuloy nating linisin ang ating mga puso at magpakumbaba upang maging karapat-dapat tayong maglingkod sa Diyos at sa ating kapwa.
MAGNILAY: Ang isang ritwal na hindi na nagpapahayag ng nasa kalooban ng tao ay wala nang kahulugan. Pinamukha ni Hesus ang walang saysay nilang ritwal ng paghuhugas ng kamay dahil hindi na ito sumasalamin ng kanilang kalooban. Naghuhugas sila ng kamay pero hindi hinuhugasan ang kalooban sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi. Iniisip nilang magkakasala sila kapag nakahipo sila ng mga bagay na tinuturing na makasalanan at simulang hawakan at kainin ang pagkain nang hindi ginawa ang ritwal ng paghuhugas ng kamay. Inaakala nilang naipapasa ang kasalanan sa pagkain. Sabi ni Hesus na hindi ang maruming pagkain na pumapasok sa bibig ang ipagkakasala nila kundi ang marumi nilang puso na pinagmumulan ng masamang gawain. Maganda namang ritwal ang paghuhugas ng kamay bago kumain kung sinasalamin nito ang tunay na pagsisisi na nagaganap sa puso ng tao.
MANALANGIN: Panginoon, linisin mo ang marumi kong puso dahil sa kasalanan.
GAWIN: Magsisi at hugasan ang puso sa marami nitong pagkakasala.
Higit sa lahat ay ang pagkakaruon ng malinis na puso’t kalooban na sinasabi ng Panginoon. Hindi katulad ng mga minanang turo na ukol sa mga ritwal na ginagawa at nakaugalian nila. Ang pagiging malinis ang puso’t kalooban ay bunga ng ating pagbabagung-buhay at malalim na kaugnayan kay Hesus, na Siyang naging dahilan ng ating pagiging tunay at ganap na tagasunod ng Panginoong Jesu-Cristo.
Pagpalain Mo pong lagi ang aming buhay Panginoon at lagi Mo kaming samahan sa araw-araw ng aming buhay upang kami ay magtagumpay.
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-22: Pagninilay at Paliwanag
Talata: Ang ebanghelyo ay naglalahad ng isang tagpo kung saan kinuwestiyon ng mga Pariseo at mga eskriba si Jesus tungkol sa kaugalian ng paghuhugas ng kamay bago kumain. Ginamit ni Jesus ang pagkakataong ito upang ituro ang mas mahalagang aspeto ng tunay na kadalisayan—hindi ang panlabas na ritwal kundi ang kalinisan ng puso.
Pagninilay at Paliwanag:
1. Marcos 7, 1-8:
Dito, kinukuwestiyon ng mga Pariseo at mga eskriba si Jesus dahil hindi sinusunod ng Kanyang mga alagad ang kaugalian ng paghuhugas ng kamay bago kumain. Sinagot sila ni Jesus sa pamamagitan ng pagtukoy sa propeta Isaias, na nagsabi na ang mga tao ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa Kanya. Ipinapakita nito na ang Diyos ay mas nakatingin sa ating panloob na disposisyon kaysa sa mga panlabas na ritwal. Ang pangunahing aral dito ay huwag magpakahigpit sa mga tradisyon o seremonyang walang kabuluhan sa harap ng Diyos kung hindi naman bukal sa ating mga puso.
2. Marcos 7, 14-15:
Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at ipinaliwanag na walang anumang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas mula sa kanyang puso. Dito binibigyang-diin ni Jesus na ang kasamaan o karumihan ay hindi nagmumula sa panlabas na bagay kundi sa kalooban ng tao. Tinutukoy dito ang ating mga iniisip, hangarin, at galaw na lumalabas sa ating puso—ang tunay na pinagmumulan ng kasamaan.
3. Marcos 7, 21-22:
Pinangalanan ni Jesus ang mga masasamang bagay na nagmumula sa puso ng tao: masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamataas, at kahangalan. Ipinapakita nito na ang ugat ng lahat ng kasalanan ay nasa ating puso at isipan. Kaya ang tunay na pagsunod sa Diyos ay hindi lang sa pagsunod sa mga kautusan, kundi sa pagkakaroon ng pusong dalisay at malinis.
Pagninilay:
• Pagtutuon sa Puso: Sa araw-araw na pamumuhay, madalas tayong makakalimot na suriin ang ating mga puso. Madalas ay inuuna natin ang mga panlabas na anyo ng kabanalan, tulad ng pagsisimba at pagsunod sa mga ritwal, ngunit kinakalimutan natin ang paglinis sa ating mga damdamin at kalooban.
• Pagpapaunlad ng Kalinisan ng Loob: Ang paanyaya ni Jesus ay maging malinis hindi lamang sa panlabas kundi, higit sa lahat, sa kalooban. Tinatawagan tayo na baguhin ang ating mga puso, iwasan ang masamang pag-iisip, at pahalagahan ang kagandahang-loob.
• Pag-ibig sa Diyos at Kapwa: Ang tunay na kabanalan ay makikita sa ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, na isinasabuhay sa mabubuting gawa na nagmumula sa isang pusong busilak.