Podcast: Download (Duration: 6:05 — 8.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Natitipon bilang Bayan ng Diyos, dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Ama at manalig tayo na kanyang pagbibigyan ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, basbasan Mo ang taos puso naming pananalangin.
Ang Simbahan nawa’y maging gising sa kanyang tungkulin na ipalaganap ang katarungan para sa lahat sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y maging tapat sa kanilang pagbibigay ng serbisyo at pagsasakatuparan ng mga programa para sa mga mahihirap at napapabayaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga empleyado at mga manggagawa nawa’y maging magalang at magpakatotoo sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lumisan na sa buhay na ito nawa’y magkaroon ng walang hanggang kaligayahan sa piling ng mga banal sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, palalimin mo ang aming pananampalataya upang umunlad kami sa iyong pag-ibig at lagi kaming maglingkod sa iyo nang may kagandahang-loob at katapatan sa aming puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Lunes, Agosto 26, 2024
Miyerkules, Agosto 28, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong tinulugsa ng Panginoon ang mga eskriba’t Pariseo, na ang mga ito’y tinawag niyang mga mapagpaimbabaw. Ipinahayag ni Hesus ang kanyang hinanakit sa kanila dahil sa kanilang pagbabayad ng ikapu na ipinapagliban ang mga mabubuting tungkulin na kinakailangang gawin katulad ng katarungan, pagkahabag, at katapatan. Ito nga dahil kinakain nila ang niknik sa inumin at nilulunok ang kamelyo. Ibig sabihin ng Panginoon ay ang kanyang mataas na pagtingin sa sarili na binabalewala nila ang pangangailangan ng ibang tao. At isa pang realidad ay ang pagkunwaring may mataas na kabanalan sila kaysa sa kanilang kapwang Hudyo o kahit sinumang mamamayan. Ito yung ibig sabihin ni Kristo na nililinis ng mga Pariseo at eskriba ng labas ng tasa at pinggan, at hindi ang luob ng mga ito. Ito’y patungkol sa kalabasan at kalooban ng bawat tao. Minsan sa labas ay nagpapakaganda, nagpapapogi, at nagpapakabait tayo sa harap ng mga kamag-anak at mga paboritong kasamahan, ngunit sa loob ay kapag iba na ang ating kinakausap na ito at hinaharap na sitwasyon ay umiiba ang ating ugali. Kaya’t kahit sumuot pa tayo ng mga maskara ng pagpapakita ng katalinuhan ay hindi pa rin lamang nasusukat sa abilidad at talentong nahuhusayan tayo, kundi sa malinis na puso at kalooban.
Kaya nga ang hamon sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa na habang pinananabikan natin ang Muling Pagpaparito ng Panginoong Hesukristo ay maging matatag tayo sa mga mabubuting tradisyon na itinuro sa atin. Marahil bilang mga Katoliko sanay na po tayo sa mga kaugalian ng ating pananampalataya katulad ng Pagtanda ng Krus, pagdalo sa Banal ng Misa, pagkakaroon ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria at sa mga Banal, at iba pa. Marahil din nagbabasa tayo ng Banal na Kasulatan lalung-lalo na ang mga online app o website ng mga Pagbasa sa Misa upang malaman ang Salita ng Diyos sa bawat araw at pagnilayan ang mga ito. Kaya nga mas mahalaga kung pagpapahalagahan natin ang mga Tradisyong ating kinasanayan sa paggawa ng kabutihan at tamang gawain tungo sa ibang tao. Kinakailangan nating isabuhay ang ating pagkakilanlan bilang mga Katolikong Kristiyano na dala ang pag-ibig ng Panginoon mula sa ating mga isip, salita, at gawa.
MAGNILAY: Nakaiwas na malunok ang niknik o lamok pero di nakaiwas makalunok ng kamelyo. Ganito nilarawan ni Hesus ang mga eskriba at Pariseo na nakatutok nang husto sa mga ritwal na di naman gasinong mahalaga tulad ng sasalain mo pa ang anumang iinumin mo at baka makalunok ka ng insekto na tinuturing na marumi at ipagkakasala mo. Pero hindi nila alintana ang mandaya ng kapwa, ang magsamantala ng mga maliliit at magsinungaling sa iba. Hindi man sila nakalunok ng lamok pero kamelyo naman na dambuhalang hayop na itinuturing ding marumi ang katumbas ng di nila pagtutok sa talagang mahalaga – katarungan, habag at katapatan. Abalang-abala sila sa kakalinis ng panlabas pero ayaw linisin ang puso nila’t kalooban. Sa mata ng Diyos marumi sila.
MANALANGIN: Panginoon, huwag nawa naming takasan ang mas malalaking responsibilidad sa pamamagitan ng pagtutok sa mga di naman talaga mahalaga.
GAWIN: Maging abala sa mga bagay na importante sa kabanalan.
PAGNINILAY:
Nabubuhay tayo sa panahong napakahalaga ng kaanyuan, marami sa atin ang maaaring madaling matukso na bigyan ng higit na kahalagahan ang panlabas ngunit kadalasan ay hindi katulad ng nasa loob. Ang isang magandang mayaman na babae ay palaging nagsusuot ng mamahaling damit at alahas. May driver siya, marami siyang marangyang sasakyan. Madalas siyang pumupunta sa mga mamahaling hotel at shopping mall. Araw-araw din siyang nagsisimba. Pagkatapos ng isang Misa, paalis na sana siya ng simbahan nang tawagin siya ng isang kaawa-awang maruming babae at namalimos. Galit na galit ang mayamang babae habang sinisigawan siya, “Layuan mo ako, hinala ko may nakakahawa kang sakit at pwede mo akong mahawaan”! Maaaring maakit at humanga tayo sa panlabas na anyo ng mayamang babae habang siya ay kumikinang, ngunit tiyak na ang pag-ibig sa kanyang puso ay hindi nagniningning. Maaaring gumugugol tayo ng oras sa pag-aayos ng ating panlabas na anyo, gumugugol din ba tayo ng oras sa pag-aayos ng ating mga iniisip at pag-uugali? Nawa’y gawin natin ang pagsusuri sa konsensya sa pagtatapos ng ating araw bilang isang pang-araw-araw na gawaing hindi matatawaran. Hindi binibigyang importansya ni Hesus ang panlabas na anyo. Mas tinitingnan Niya ang kadalisayan ng ating puso. Sa katapusan ng ating buhay nawa’y masabi natin, hindi na ‘ginawa natin ito sa ating paraan’ ngunit ginawa natin ito sa Kanyang paraan’!
Panginoong Hesus, linisin Mo ang loob namin, upang ang aming puso ay mapuspos ng Iyong pag-ibig at biyaya. Amen.
***
Panginoon linisin mo PO Ang aming MGA puso ng iyong pagmamahal para kami ay laging maging makatarungan ,maging makatotoo at maging mahabagin sa aming kapwa. Gawin mo kaming magandang ehemplo ng kabutihan loob mo para sa aming kapwa. Amen.
Sa pagtatapos ng pangangaral ni Hesus tungkol sa diskurso ng “Tinapay na nagbibigay Buhay”, sa Ebanghelyo sa araw na ito ay deretchahang tinutuligsa Niya ang mga kapaimbabawan ng mga Pariseo at mga eskriba sa uri ng interpretasyon nila sa mga batas na malayo sa panukala ng Diyos. Mas pinahahalagahan nila ang walang kwentang ritwal na tumutukoy sa panlabas na anyo at mga walang halagang pagaalay.
Ito ay paalala sa ating lahat, na ang tunay na pagsunod sa Diyos ay ang pagtanggap sa ipinangaral ni Hesus na ang pundasyon ay pag-ibig. Ang kalinisan ng puso ng tao ang laging batayan ng isang pananampalatayang Kristiyano. Walang saysay ang anumang gawaing hindi nakikitaan ng pagmamahal sa Diyos at kapwa at ang pagsasabuhay ng mga Batas na ibinigay sa kapanahunan pa ni Moises.
Sa ating pang-araw araw na pamumuhay maaring maraming pagsubok na pwede maging hadlang upang masunod ang kalooban ng Diyos pero nang dahil sa Kanyang awa’t habag ay ipinadala Niya ang Banal na Espiritu upang bigyan tayo ng lakas, gabay, at inspirasyon upang maisakatuparan natin ang Kanyang kalooban. Kinakailangan lang na laging may puwang sa ating mga puso upang maging daluyan tayo ng Kanyang mga biyaya’t pagpapala at ito ay maibahagi ito sa iba. Palagi nawa tayo makitaan ng kadalisayan ng puso sa pagtugon sa nais iatas ng Panginoong Hesus.