Podcast: Download (Duration: 7:11 — 9.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 22
Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria
Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na gumawa ng mga dakilang bagay kay Maria at naghatid sa kanya sa maluwalhating trono sa Langit. Ipaalam natin sa kanya ang ating mga pangangailangan sa tulong ni Maria.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa tulong ng aming Inang Maria, pakinggan mo ang aming mga panalangin, Panginoon.
Tulad ni Maria nawa’y magpatotoo ang Simbahan sa mapagligtas na pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamahalaan nawa’y makinig sa tinig ng Diyos sa Simbahan na nananawagang sugpuin ang hindi pantay-pantay na paglago ng pangkabuhayan na siyang namamayani sa pagitan ng mga tao at mga bansa, manalangin tayo sa Pangnioon.
Tulad ni Maria, nawa’y maging matatag tayo sa pananalangin at sa pagnanais na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at maysakit nawa’y makatanggap mula sa Bayan ng Diyos ng tulong at pagtataguyod na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay kasama ni Kristo nawa’y muling buhaying kasama niya sa isang bago at ganap na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng aming reyna, ang Pinagpalang Birheng Maria, ipagkaloob mo ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Agosto 22, 2024
Biyernes, Agosto 23, 2024 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Diyos ay nag-aanyaya na lumapit sa kanya at maging tapat sa kanyang mga utos at kalooban.
Sa ating Unang Pagbasa (Ezekiel 36:23-28), ninanais ng Panginoon na mapanumbalik ang kanyang bayang Israel sa kabila ng kanilang mga pagkakasala at pagmamatigas. Titipunin niya ang kanyang piniling bayan at ang lahat ng mga bansa upang ipagbalik sa orihinal ng bayan. Ito ay patungkol sa ating pagiging mga Kristiyano, mga mamamayan ng Kaharian ng Langit. Sa pagwiwisik ng tubig na dalisay, tayo’y pinalilinis ng ating mga kasalanan. At tayo’y bibigyan ng bagong puso’t diwa upang tayo’y magiging masunurin sa kanya. Kaya nga noong tayo’y bininyagan, inalis na ang orihinal na kasalanan upang tayo’y magkaroon ng grasya mula sa Panginoon na maging miyembro ng kanyang Simbahan at tuparin ang ating misyon. Ito’y niloob ng Diyos upang mas makilala natin siya bilang ating Panginoon, sapagkat tayo’y mga anak niya.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 22:1-14), makikita natin ang pagkumpara ni Hesus sa Kaharian ng Diyos gamit ang isang malaking piging ng kasalan. Bilang tao at bilang Pilipino, mayroon tayong kultura ng paghahanda ng isang malaking piging dahil may magandang nangyari sa isang tao, at nais natin ipagdiwang ito. Nagluluto tayo ng mga masasarap na pagkain, naghahanda ng mga inuman, at nagsasama sa isang mesa, kung minsan malaki, bilang kapamilya, kapuso, kapatid, kabarkada, at kasama. Kapag may isang espesyal na okayson katulad ng Pasko, anibersaryo, at kaarawan, ganun din ang ginagawa natin. At siyempre hindi mawawala ang pakikipag-usapan, pakikipagkwentuhan, at pakikipagkalokohan. Kaya makikita natin sa ganyan klaseng piging ang kasiyahan ng mga taong nagtitipun-tipon. Ganun din kapana-panabik ng taong gustong makapasok sa Langit. Kaya nga inaanyayahan tayo ng Diyos sa kanyang piging. Para siya yung haring mayroong malaking piging dahil sa kasalan ng anak. Pero may mga taong tumatanggi sa kanyang imbitasyon dahil tingin nila pagsasayang lang ng oras.
Sa ating buhay, ang piging ng Diyos ay ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tayo’y kanyang inaanyayahang makibahagi sa pagdiriwang ng kanyang pag-ibig na ipinakita ng kanyang Anak na namatay sa Krus at muling nabuhay. Kaya ang bawat Linggo at Banal na Araw ay mahalaga para sa atin ay dumulog hindi lang basta-basta, kundi upang maranasan natin ang kanyang presensiya sa ating piling. At kapag tayo’y nagsisimba, dapat mayroon tayong maayos na disposyon sa labas at sa loob ng ating mga puso. Sa handaan ng hari, may isang lalaking hindi nakasuot ng pangkasalan, kaya’t siya’y pinagapos at pinalayas palabas sa isang lugar kung saan may pagnanais ng mga ngipin. Mahalaga ang ating kasuotan at porma sa loob ng simbahan, at mas mahalaga ang ating saloobin at intensyon kapag hinaharap natin ang Diyos. Ang Eukaristiya ay ang unang karansan ng piging ng Diyos sa Kaharian ng Langit.
Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y maging makabuluhan ang bawat pagsimba natin hindi lang sa mga debosyon at ritwal ng ating pananampalataya, kundi pati rin sa ating pagiging mabuting kapwa sa isa’t isa. Huwag nawa nating tanggihan ang anyaya ng Panginoong Diyos.
MAGNILAY: Reyna ang Mahal na Birheng Maria sa tatlong paraan:
Una, siya ang pinakamaganda sa lahat ng nilalang ng Diyos. Noong unang sandali pa lamang na siya’y ipaglihi iniadya na siya sa kasalanan dahil siya ang nakatakdang maging Ina ng Manunubos. Siya ang perpektong tao na hindi nabahiran ng kasalanan. Maningning ang kanyang kalinisan at kabanalan.
Ikalawa, siya ang tagumpay ng sangkatauhan. Ang kanyang kagandahan ay hindi lang dahil ipinaglihi siyang walang kasalanan kundi dahil sa pinili niyang huwag magkasala buong buhay niya. Ang tanging pinagkaabalahan niya ay sundin ang kalooban ng Diyos. Siya ang ipinagmamalaki natin bilang lahi ng sangkatauhan dahil nagwagi siya laban sa kasalanan.
Ikatlo, siya ang Ina ng Simbahan at ng sangkatauhan. Dahil Katawan tayo ni Kristo at siya ang Ina ni Kristong Manunubos siya rin ay atin ding Ina. Bilang Ina tagapagtanggol natin siya. Ang panalangin niya ay sanggalan natin laban sa kasalanan. Taga-akay natin siya sa kanyang anak na si Hesus.
MANALANGIN: Panginoon, sundan nawa namin ang yapak ng Mahal na Birheng Maria na aming Ina at Reyna.
GAWIN: Ipagmalaki mo na ikaw ay anak ng isang huwarang Ina at Reyna.