Podcast: Download (Duration: 8:18 — 10.0MB)
Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria
Mga Pagpipiliang Pagbasa
Isaias 9, 1-6
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
Lucas 1, 26-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of The Queenship of the Blessed Virgin Mary (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
o kaya: Aleluya.
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
ALELUYA
Lucas 1, 28
Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Agosto 21, 2024
Huwebes, Agosto 22, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Reflection: August 22, 2022
Gospel: Luke 1, 26-38
Memorial of the Queenship of Mary
Ang pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria bilang pagtugon sa nais ng Diyos ay isa sa mga halimbawa at marapat nating tularan bilang isang Katolikong Kristyano. Sa kanyang kababang-loob na pagtugon sa Diyos ay isinalang ang ating Mesiyas na kung saan ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay nagsilbing Kaban ng Tipan ng ating Panginoon. Kaya nga, mataas at malaki ang pagrespeto natin sa Mahal na Birhen dahil sa kanyang ipinakitang kabanalan na pagtugon sa nais ng Ama. Ang kanyang pagka-reyna ay ating isalamin sa ating buhay dahil ang kanyang kalinis-linisang puso at pagka-birhen na walang bahid ng dungis ng kasalanan dahil sa pag-ibig at pagsunod sa Diyos ay isang halimbawa ng pagiging banal at pakikiisa sa Panginoon. Kaya naman, sana’y tayo rin ay matutong makitungo sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal o pakikipagusap sa Kanya, pagmeditate at damhin ang Kanyang presensya, ang hindi paggawa ng mga kasalanan na labag sa Kanyang kautusan at pakikipagkapwa tao. Ang ikinilos ng Mahal na Birheng Maria ay ikinalugod ng Diyos, kaya marapat nating gawin ang pagtugon at pagsunod sa Kanya. Manalangin tayo, Panginoon itulot Mo ring gampanan namin bilang isang Kristyano ang mga gawaing kabanalan na kalugud-lugod sa Iyo. Patawarin Mo kami kung minsan ay nakagagawa kami ng kasalanan na labag sa Iyong kautusan. Ibaba Mo rin sa amin ang Banal na Espiritu Santo upang maisalamin namin ang pagiging banal at may kalinisang puso tulad ni Maria na aming Ina. Isinusumamo namin ang lahat ng ito sa Ngalan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.
Kalinis-linisang puso ni Maria, ipanalangin mo kami.
Maraming salamat po sa inyong pagbabahagi.
PAGNINILAY: Noong nakaraang Martes (Agosto 15, 2023), ipinagdiwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat ng Mahal na Birheng Maria sa Langit. Dito natin nakita kung paanong inakyat si Maria sa langit nang buong katawa’t kaluluwa dahil siya ay ipinanganak ng walang kasalanan at tunay na kalugud-lugod ng ating Panginoong Diyos. Sa araw na ito, isang linggong nakalipas (7 araw nakalipas), ginugunita natin ang Pagka-Reyna ng Mahal na Ina. Ang kanyang pagiging reyna ng langit at lupa ay nasaksihan ni Apostol San Juan sa kanyang pangitain sa Aklat ng Pahayag: “Lumitaw sa langit ang isang kagilas-gilas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin” (Pahayag 12:1). Ang kagandahan ni Maria ay nakasalaylay sa pagiging tunay na pinagpala ng Diyos.
Sa ating Ebanghelyo (Lucas 1:26-38), narinig natin kung paanong pinili siyang maging Ina ng Tagapagligtas na ang ating Panginoong Hesukristo. Nang marinig niya ang mensaheng dala ni Arkanghel San Gabriel, siya’y nagtaka dahil hindi niya alam na pipiliin siya. Subalit sinabi sa kanya ng Arkanghel na ang Diyos ay sumasainyo, at walang imposible sa kanya. Kaya tumugon si Maria at tinangaap ang kalooban ng Ama. Mula sa kanyang Fiat, nakita natin ang mga pagpapahalagang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtatalima. Mula sa araw na iyon, sinunod niya ang dakilang kalooban, at isinilang niya si Hesus sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi dito natapos ang kwento. Ang kanyang pagtalima sa Diyos ay naging matatag noong siya’y tumayo sa paanan ng Krus ng kanyang Anak. Hindi siya naggalit o nagduda, kundi tinanggap nito at gusto rin na maging kanyang mga pagdurusa. Pagkatapos iyon, siya’y nasa ilalim ng pangangalaga ni Apostol San Juan, hanggang sa araw na siya’y iaakyat ng Diyos sa langit nang buong katawa’t kaluluwa. Dahil siya’y tunay na pinagpala, hinirang siya bilang Reyna ng Langit at Lupa.
Siya ay ang ating Inang gumagabay sa atin patungo kay Hesus, na kumukupkop sa atin patungo sa Ama. Kaya tularan natin ang halimbawa ni Maria sa ating araw-araw na pamumuhay. Hindi na kailangan tayo’y maging mga hari’t reyna, kundi magkakamit din natin ang buhay na walang hanggan sa langit. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y isabuhay natin ang mga diwa ng pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtatalima sa pagsunod sa kalooban ng ating Panginoong Diyos.