Martes, Agosto 20, 2024

August 20, 2024

Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan

Ezekiel 28, 1-10
Deuteronomio 32, 26-27ab. 27kd-28. 30. 35kd-36ab

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

Mateo 19, 23-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Bernard, Abbot and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 28, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinasasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagamat ang totoo’y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo’y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo’y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo’t kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinasasabi ng Diyos na Panginoon: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipalulusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa lalim na walang hanggan, papatayi’t ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Noon mo malalamang ikaw pala ay tao lamang at may kamatayan. Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong Panginoon ang may sabi nito.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 26-27ab. 27kd-28. 30. 35kd-36ab

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

Ipinasya ko nang sila’y lipulin
at pawiin sa alaala ng madla.
Ngunit di ko tutulutan ang kanilang kaaway
ay maghambog at sabihing:

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

“Kami ang lumupig sa kanila,
at hindi ang Diyos nila.
Mahina ang pang-unawa ng Israel
at sila’y maituturing na bansang mangmang.”

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

Paanong ang sanlibo ay matutugis ng isang tao
at mapipigilan ng dalawa ang sampunlibo?
Sila’y pinabayaan ng Diyos na Poon,
itinakwil na sila ng kanilang dakilang Diyos.

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

Darating ang araw ng aking paniningil at paghihiganti,
hanggang sa sila’y humapay at mabuwal
pagkat ang wakas nila ay malapit na.
Ililigtas ng Poon ang kanyang bayan
siya’y mahahabag sa mga maglilingkod sa Kanya.

Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 16, 2020 at 1:27 pm

PAGNINILAY: Ang ating Ebanghelyo ngayon ay pagpapatuloy sa ating narinig na pagpapahayag ni Hesus tungkol sa pagiging mayaman na nakita natin sa anyo ng mayamang binata (Ebanghelyo kahapon). Nakita natin kahapon kung paanong nilapitan si Hesus ng binatang ito at tinanong kung ano ang dapat gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan. Tugon sa kanya ni Hesus na kung tinupad ng lalaki ang mga Sampung Utos, ipamigay niya ang kanyang mga ari-arian at sumunod sa Panginoon, kaya’t malungkot na umalis siya. At dahil dito, nagsalita si Hesus na mahirap pumasok ang isang mayayamang tao sa Kaharian ng Langit, ngunit mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom. Hindi po literal na makakapasok ang isang malalaking kamelyo sa maliit na butas ng karayom. Ito po ay tungkol sa paghahangad ng tao sa tunay na kaligayahan at kayamanang nakasalalay sa Kaharian ng Langit. Kaya’t ito’y panawagan sa pagsunod sa yapak ng Panginoon tungo sa buhay na walang hanggan. Ngunit ang magiging sakripisyo nito ay ang pagdaraan sa mga pagsubok ng buhay. At patuloy na nagsasalita si Hesus na kung sino man ang nag-iwan sa lupain, tahanan, at pati na mga kapamilya ay magkakamit ng kaligayahan sa kalangitan. Iyon nga ba ang gusto nating gantimpalaan kahit isasakrispiyo natin ang mga mahal natin sa buhay?

Makikita natin dito na mahirap sundin ang panawagan ni Hesus, subalit ang nais niyang ipahayag ay ang katatagan ng ating pananampalataya sa kanya at sa Diyos Ama. Hindi naman minasama ni Hesus ang ating mga pamilya at tahanan, subalit ang nais niya ay siya’y unang prioridad sa tawag ng pagsunod sa kanya. Hindi naman kinakailangang ibenta natin ang lahat ng mayroon tayo dahil alam ng Diyos na pinaghirapan natin ang mga ito sa edukasyon at trabaho, subalit dapat manatili tayong simple at mababa ang loob sa kabila ng mga kayamanan natin sa buhay. At matuto din tayong magbahagi ng iilang-ilang ari-arian at pagpapala sa ibang tao, lalung-lalo na ang ating mga buhay sa espirituwal na pangangailangan nila. Ito yung sinasabing “poor in spirit” o sa ibang salita “kababang-loob”.

Ito’y ang kababang-loob na ipinahayag ni Propetang Ezekiel sa mga prinsipe ng Tiro sa Unang Pagbasa na bagamat matalino at malalakas sila, mas makapangyarihan pa rin ang Panginoon na nagpapasya ng kamatayan at nagbibigay ng buhay.

Reply

Mel Mendoza August 19, 2024 at 3:38 pm

Ang Pagbasa sa araw na ito ay isang paalala na ang lahat ng bagay sa ibabaw ng mundong ito ay nanggaling sa Diyos at walang hindi nakapangyayari sa kapangyarihan Niya. Sa panahon ni propeta Ezekiel inutusan siya ng Diyos na itigil ang pag-aastang diyos-diyusan ng namumuno sa Tiro at ang mga pagkamal ng katakot-takot na yaman sa pamamagitan ng masamang pamumuno bago niya sapitin ang hindi malirip na kaparusuhan. Sinasabi sa unang Pagbasa na kailanman ay hindi pwede mapantayan ang dunong at kapangyarihan ng Panginoong Diyos na sinasabi naman sa Salmo “Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan”.

Ang mahalagang aral sa Mabuting Balita ay sa kabila ng mga tagumpay at sa mga pinagkakaabalahan sa buhay ay may Diyos na pinanggalingan ng mga ito. Kailanman, ang kapangyarihan , yaman, at talento ay hindi ito pwede ipagpalit sa Diyos na Siyang may lalang ng lahat. Hindi masama ang magkaroon ng yaman sa buhay, katanyagan atbp kung gagamitin ang mga ito sa paggawa ng kabutihan. Ang nagpapasama sa tao ay ang paghahangad ng sobra sa sariling kapakanan lamang. Dito pumapasok ang pagsamba sa diyos-diyusan, sa pera, sa kapangyarihan, sa pagka-lunod sa tagumpay. Ang lahat ng mga gawaing ito ay naglalayo sa tao sa Diyos.

Inaanyayahan tayo ng mga pagbasa na maging daluyan ng biyaya para sa iba upang maging ganap ang pakikipag-relasyon natin sa Diyos. Ang pagaalay ng sarili para sa ikagiginhawa ng buhay ng iba, katulad ng pagpapakita ng habag, awa, at pag-ibig sa kapwa lalo higit sa mas nangangailangan ay kapara ng pagpupundar ng malaking kayamanan sa langit dito palang sa lupa. Nawa’y umiral sa atin ang pag-ibig at ang espiritu ng pagbibigayan, pagkaka-isa, at kasaganahan.

Reply

Becca GG August 20, 2024 at 4:02 pm

Lahat tayo ay may sari sariling yaman at talino.Ngunit ito ay mananatili lamang sa Mundo habang buhay tayo. Ang sabi ni Hesus, madadala natin Ang lahat ng ating yaman sa langit kung ating ipapamahagi ito sa ating kapwa na salat sa buhay. At sa langit natin matatamasa Ang buhay na walang hangan.Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: