Podcast: Download (Duration: 7:18 — 9.1MB)
Paggunita kay San Ezekiel Moreno, pari
Ezekiel 24, 15-24
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Mateo 19, 16-22
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Ezechiel Moreno, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 24, 15-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”
Umaga nang ako’y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos ng Panginoon.
Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. Sinabi ng Panginoon na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayun, makikilala ninyong ako ang Panginoon.'”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Tinalikdan nila ang Diyos na lumikha sa kanila,
ang Diyos na sa kanila’y nagbigay-buhay.
Nasaksihan niya ang pagsamba nila sa diyus-diyosan
kaya’t kanyang itinakwil,
sila na itinuring niyang mga anak.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Sinabi niya, “Tatalikdan ko sila,
tingnan ko lang kung ano ang kanilang sapitin,
pagkat sila’y isang lahing masama, mga anak na suwail.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
“Pinapanibugho nila ako nang sambahin nila yaong hindi Diyos.
Ginalit nila ako dahil sa kanilang diyus-diyosan.
Kaya, paninibughuin ko rin sila at gagalitin,
sa pamamagitan ng bansang di kumikilala sa akin.”
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Agosto 18, 2024
Martes, Agosto 20, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay isang pagtalikod ng Panginoong Diyos sa kanyang bayang Israel dahil sa pagmamatigas at pagkakasala nito. Kaya nga ang Israel ay sinakop ng mga kalabang bansa, at itinapon ang mga tao sa bihag. Ngunit si Propetang Ezekiel ay magiging tanda para sa mga tao na tumalikod sa kanilang mga pagkakasala at mamumuhay nang mararapat para sa Panginoon. Kaya ang Diyos ay ang Diyos na mahabagin na sa kabila ng lahat, papanumbalik pa niya rin ang mga taong sumusuway sa kanya at sa mga utos niya.
Ang Ebanghelyo ay isang pag-uusap ni Hesus sa isang mayayamang lalaki. Tinanong itong mamayamang ito kung ano ang dapat niyang gawin upang magkamit ang buhay na walang hanggan. Tumugon si Hesus na gawin niya ang nakasaad sa Sampung Utos/Dekalogo, at sigurado ng lalaki na mula pagkabata niya ay sinundan niya ang mga utos ng Diyos Ama. Subalit nang sabihin ni Hesus na ibenta niya ang kanyang mga ari-arian sa mga mahihirap at sumunod sa kanya, bigla na lang umalis ang lalaking mayaman dahil nalungkot siya sa nalamang marami siyang mga yaman sa buhay na hindi pwedeng ipagwalang-bahala.
Ang panawagan ng Panginoon na sumunod sa kanyang landas ay sadyang napakahirap sapagkat sino bang taong gustong ipagbenta ang lahat ng mayroon siya? Sa literal na konteksto, ang mga misyonerong nagpaparangal tungkol sa pananampalataya ay talagang iiwanan ang kanilang mga ari-arian upang itugon ang tawag ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Ngunit ang tanong ay ninanais ba ni Hesus na ipamigay natin ang lahat nating ari-arian? Kung susuriin natin nang mabuti ang Ebanghelyo, hindi naman sinasabi niya na mali ang pag-aangkin sa mga tinuturing na yaman, sapagkat alam ni Kristo na pinaghirapan niya ng tao upang makagawa ng mabuting kinabukasan hindi lang para sa sarili, kundi para sa ibang kapwang-tao rin. Subalit ang hinihiling lang naman ni Hesus ay sa kabila ng lahat ng ating mga yaman at ari-arian ay dapat mas pahalagahan natin ang ating pananampalataya sa kanya at sa Ama. Hindi dapat maging hadlang ang mga makamundong bagay sa pagkikilala sa Diyos na gumabay sa atin ng mga ito para sa ikauunlad ng tao, komunidad, at lipunan.
Ang mga mayroon tayo ngayon ay lilipas din, subalit ang tunay na kayamanan sa langit ay ang makamit natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan kasama ang Panginoon at ang kanyang mga Banal sa patuloy na pagsisikap na gumawa ng mga nararapat at mabubuting bagay ayon sa kanyang dakilang kalooban.
Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo!
Ang mga pagbasa sa araw na ito ay paalala at imbitasyon ng Panginoong Hesus sa lahat kung papano ba maging tunay na ganap ang pakikipag-relasyon sa Diyos. Ang malaki at pinaka-unang hakbang ay ang paghahandog ng ating sarili na hindi nalilimitahan sa yaman kundi ng pagaalay ng sarili sa Diyos at kapwa.
Sa Five Fingers Gospel ni St Mother Theresa of Calcutta, sinasabi niya na ang susi ng pintuan ng langit ay nasa ating limang daliri. “Ang Lahat ng mga ito ay Ginawa Niyo sa Akin”. Sa madaling salita ang lahat ng ginawa nating kabutihan sa pinaka-aba sa ating mga kapatid ay parang ginawa na din natin sa ating Panginoong Hesus.
Thank You so much and Praise to You Father God and Lord Jesus Christ Hallelujah! Hallelujah!!! Amen!