Podcast: Download (Duration: 7:38 — 9.4MB)
Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir
Ezekiel 9, 1-7; 10, 18-22
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Mateo 18, 15-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Maximillian Kolbe, Priest and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 9, 1-7; 10, 18-22
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sumisigaw ang Panginoon, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lungsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Mula sa pintunan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.
Noon, ang kaningningan ng Panginoon ay lumagay sa itaas ng kerubin sa may pagpasok ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng kayong lino at may panulat sa baywang. Sinabi niya rito, “Libutin mo ang lungsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tanda sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatanda ng bayan sa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Lakad na kayo!” Lumakad sila at pumatay nang pumatay sa lungsod.
Ang kaningningan ng Panginoon ay umalis sa may pagpasok ng Templo at lumagay sa may ulunan ng kerubin. Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaningningan ng Diyos ng Israel.
Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila’y mga kerubin. Sila’y tig-aapat ng mukha at tig-aapat din ng pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mukha nila’y tulad din nang makita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi yaong isa ay doon din yaong iba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Laganap sa sansinukob
ang kadakilaan ng D’yos.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Agosto 14, 2024
Huwebes, Agosto 15, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Bawat Kristiyano ay may tungkuling maging mabuting tao sa kanyang kapwa. Subalit paano naman kung may isa’y nagkasala sa isa?
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 18:15-20), tinuro tayo ng ating Panginoong Hesukristo ang isang mahalagang aral na nagpapatatag sa ating relasyon sa ibang tao kung sakali man may isang nagkamali o nagkasala, at iyan ay ang fraternal correction. Ang fraternal correction ay isang kahalagang aral na ang layunin ay makipagsundo ang dalawa o higit pang mga tao. Noong si Hammurabi ay namumuno sa Babilonia, itinatag niya ang kodigong ito: “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.” Ang ibig sabihin nito ay kung may isang taong nagkasala sa iyo, tatanggalin mo ang kanyang mga bahagi ng katawan hanggang imperpekto na ang kanyang itsura. Naging maayos naman ang pamumuno ni Hammurabi sa Babilonia. Ganito ang naging pagmamalakad ng mga Hudyo. Subalit noong dumating si Hesus sa lupa, tinupad niya ang batas na ito sa pamamagitan ng pagturo ng batas ng pagmamahal, pagpapala, at may kalayaan. Katulad ito ng Batas sa Lumang Tipan, ngunit itinuro niya sa ating mga Kristiayno ang mabubuting relasyon sa isa’t isa.
Kaya ang fraternal correction ay isang paraang nakikipagsundo tayo sa ating mga kapwa. Kapag isa ay nagkasala, imbes na saktan siya, ituro mo sa kanya ang tamang gawain para hindi niya mauulit ang kanyang maling ginawa. Huwag din natin ipahiya o kaya asarin siya, subalit makipag-usap sa kanya at magbigay ng mga magagandang hamon para maging isang mabuting tao. Dito natin makikita ang hamon ni Kristo bilang mga kapatid sa isa’t isa. Ganyan ang kanyang hamon bilang isang sambayanan ng Diyos sapagkat ang misyon ng Simbahan ay magkaisa tayo sa pamamagitan ng pagiging mabubuting Kristiyano sa isa’t isa at sa ibang tao. At hindi pinababayaan ni Hesus kailanman ang ating Simbahan sapagkat kung tayo’y nagtitipun-tipon, naroroon siya sa ating piling. Lahat tayo’y dapat sumailalim sa kanyang mga turong ipinapatupad ng Simbahan.
Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y isabuhay natin ang kahalagan ng fraternal correction para maging maayos ang relasyon ng isang Kristiyano sa kanyang mga kapwa. Nawa’y tumalima tayo sa mga turo ni Hesus at sa dakilang kalooban ng Diyos para sa ating lahat, upang tayo’y makibahagi sa misyon ng Simbahang ipalaganap at bigyang-saksi ang mensahe ng Panginoon tungo sa pagkakaisa.
**Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, Pari at Martir**
### Mga Pagbasa:
1. **Ezekiel 9, 1-7; 10, 18-22**
– Sa unang pagbasa, ipinapakita ang galit ng Diyos sa mga kasalanan ng Jerusalem at ang paghatol Niya sa mga hindi nagsisisi. Ipinahayag ni Ezekiel ang propesiya ng kaparusahan sa mga makasalanan, ngunit may tanda ang mga makaliligtas—ang mga nagdadalamhati at nagsisisi sa mga kasalanan.
2. **Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6**
– Ang Salmo ay nagpapahayag ng kadakilaan ng Diyos na sumasaklaw sa buong sansinukob. Pinupuri ang Panginoon dahil sa Kanyang kabutihan, katarungan, at awa sa Kanyang bayan.
3. **Mateo 18, 15-20**
– Sa Ebanghelyo, tinuturo ni Jesus ang tamang paraan ng pagharap sa mga nagkasala sa kapwa. Una ay ang personal na pag-uusap, kung hindi siya makikinig, magsama ng dalawa o tatlo pang saksi, at kung hindi pa rin, dalhin ang usapin sa simbahan. Ipinapakita dito ang kahalagahan ng pakikipagkasundo at pagkakaisa sa komunidad. Binibigyang diin din ni Jesus ang kapangyarihan ng panalangin ng dalawa o tatlo na nagkakaisa sa Kanyang pangalan.
### Mga Aral at Punto ng Pagninilay:
1. **Pagpapatawad at Pakikipagkasundo:**
– Itinuturo ni Jesus ang proseso ng pagpapatawad at pakikipagkasundo. Mahalaga ang personal na pakikipag-usap sa nagkasala, at kung kinakailangan, ang pagdulog sa mas malawak na komunidad. Ang pagpapatawad ay isang mahalagang aspeto ng buhay Kristiyano, na dapat ay batay sa pagmamahal at pagnanais ng pagkakaisa.
2. **Paghatol ng Diyos at Pagsisisi:**
– Sa unang pagbasa, makikita ang pagiging matuwid ng Diyos at ang Kanyang galit laban sa kasalanan. Gayunpaman, pinapakita rin na ang mga nagsisisi at nagdadalamhati sa kanilang kasalanan ay may tatak ng kaligtasan. Ito ay nagpapaalala sa atin na ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay daan tungo sa Kanyang awa at kaligtasan.
3. **Pananampalataya sa Panalangin:**
– Sa Ebanghelyo, ipinapaalala ni Jesus ang kapangyarihan ng sama-samang panalangin. Kapag ang dalawa o tatlo ay nagkakaisa sa Kanyang pangalan, ang Diyos ay kasama nila at tutugon sa kanilang mga panalangin. Ito ay nagbubunsod sa atin na palakasin ang ating pananampalataya at magtiwala sa kapangyarihan ng panalangin, lalo na sa loob ng komunidad.
4. **Inspirasyon mula kay San Maximiliano Maria Kolbe:**
– Ang buhay at sakripisyo ni San Maximiliano Kolbe ay nagpapakita ng tunay na halimbawa ng pagmamahal at sakripisyo para sa kapwa. Siya ay nag-alay ng kanyang buhay upang iligtas ang isang kapwa bilanggo sa Auschwitz, na nagpapakita ng pinakamataas na uri ng pag-ibig—ang pagbibigay ng sariling buhay para sa iba. Ang kanyang buhay ay nagpapaalala sa atin na tayo rin ay tinatawag na maging saksi sa pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa, maging sa pamamagitan ng ating sariling mga sakripisyo.
Ang mga pagbasa at ang alaala kay San Maximiliano Maria Kolbe ay nag-aanyaya sa atin na pagnilayan ang halaga ng pagpapatawad, pagkakaisa, pagsisisi, at sakripisyo bilang mga alagad ni Cristo.
Amen.
PAGNINILAY
May mga posibleng ganti kapag may nagkasala sa atin: pag-uugaling parang bata, pagtatampo at pagmumuni-muni, pag-iisip ng paghihiganti, pag-urong ng sagot, pag-iwas sa nagkasala, pagbibigay-katwiran sa sarili at paghihiganti. Itinuro sa atin ng Panginoon ang isang bagong landas na tatahakin: dapat nating gawin ang unang hakbang sa pagkakasundo, kailangan nating lumapit sa kanya ng mag-isa upang ipaalam sa kanya kung paano niya tayo nasaktan, dapat nating ipagkatiwala ang bagay sa panalangin at dapat nating gawin ang lahat ng pagsisikap na mapagtagumpayan ang pagkakasundo sa ating kaparid. Sino ang nagkasala sa atin na ayaw nating patawarin o makipagkasundo? Inaanyayahan tayo ng Panginoon na bumangon at ipanalo ang ating kapatid patungo sa Panginoon.
Malalaman natin na tayo ay mas masaya at mas malaya. Maaaring hindi lang natin napalaya ang nagkasala sa atin, maaaring napalaya din natin ang ating sarili mula sa sakit, galit at sugat na dinadala natin. Ano ang sakit, kirot, at pagkabigo na ating dinadala? Nawa’y maging handa tayong palayain na ito!
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming tularan ang Iyong halimbawa ng kabaitan at pagmamalasakit sa mga naliligaw. Amen.
***
MAGNILAY: Kung sino ang mauunang makipagbati ay laging ang malaking isyu sa pakikipagkasundo. Maraming gustong makipagkasundo pero ayaw maunang makipabati. Nakaturo sa kaaway ang daliri nila na nagsasabing siya ang may kasalanan kaya mauna siyang makipagbati. Hindi na mahalaga kung sino ang may kasalanan. Mauna kang kumilos upang makipagkasundo at walang mawawala sa iyo. Magkakaroon ka pa nga ng mas higit na respeto sa sarili mo kahit tanggihan ka pa. Mas lalo ka ring magkakamit ng respeto mula sa ibang tao. Higit sa lahat magiging mas kalugud-lugod ka sa mata ng Diyos.
Sa proseso ng pakikipagkasundo unang hakbang ay mag-usap nang sarilinan ang nagkaalitan. Kung hindi umubra magsama ng iba. Kung hindi pa rin isangguni na sa komunidad. Kaya lang madalas nababaligtad ang proseso. Kapag may nakaalitan nalalaman na agad ng lahat na nagiging tampulan ng tsismis. Minsan yung taong nakaalitan pa ang huling nakalaam na nasaktan pala niya ang taong iyon.
Isantabi na ang pagmamalaki. Mauna kang kumilos para makipagkasundo. Gawin mo ito sa pinakamaingat na paraan upang wala nang madamay pang iba lalo ang mga ang libangan ay tsismis.
MANALANGIN: Panginoon, bigyan mo ako ng tapang maunang makipagkasundo.
GAWIN: Huwag hayaang lumala ang alitan dahil ayaw mong maunang makipag-ayos
We can only correct the wrongs we accept.
What is worse than sin is the attempt to rationalize our depravity.
Do not forget that arrogance is worse than hypocrisy.
It is enough to do the right thing; let us seek for the grace that when we reprimand someone, we do so with love.
Amen.