Miyerkules, Agosto 14, 2024

August 14, 2024

Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit
sa Mahal na Birheng Maria

Pagmimisa sa Bisperas

1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

1 Corinto 15, 54b-57
Lucas 11, 27-28


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Vigil of the Assumption of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2

Pagbasa mula sa Unang aklat ng mga Cronica

Noong mga araw na iyon, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga saserdote at ang mga Levita.

Pinasan ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga pingga, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Iniutos din ni David sa mga pinunong Levita na pumili ng mga kasamang marunong umawit at tumugtog ng kudyapi, alpa at pompiyang.

Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David. Naghandog sila ng mga haing susunugin, at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos ang paghahandog, binasbasan ni David ang mga tao sa ngalan ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Aming nabalita
na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi,
“Ang templo ng Poon ay puntahan natin
sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Ang mga saserdote
bayaang maghayag ng ‘yong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
Sa lingkod mong David,
may pangako ikaw, Panginoon namin,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Pinili ng Poon,
na maging tahanan ang Lungsod ng Sion.
Ito ang wika niya:
“Doon ako titira panghabang-panahon,
ang paghahari ko’y magmumula roon.”

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 54b-57

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan: ganap na ang tagumpay!”

“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”

Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan, at nagpasuso sa inyo! Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez August 11, 2022 at 4:26 pm

PAGNINILAY: Sa ating pagdiriwang ng Bisperas na ito para sa Dakilang Kapistahang ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria, ating pagnilayan ang pinakapunto ng ating selebrasyon ngayon, ang ating Mahal na Inang Maria. Tunay siyang pinagpala sa babaeng lahat dahil siya’y itinakda ng Diyos para idala sa kanyang sinapupunan ang ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtatalima, ipinakita niya ang isang dakilang patugon sa kalooban ng Panginoon.

Sa ating Unang Pagbasa (1 Mga Cronica 15:3-4, 15-16; 16:1-2), nakita natin kung paanong nagalak si Haring David nang makita niya ang Kaban ng Tipang laman ang mga Kautusan ng Panginoong Diyos dahil nasakop na niya ang Jerusalem. Kaya ipinautos niya ang kanyang mga kawal at ang mga Levita na magsaya sa pamamagitan ng pagtugtog at pagsayaw. Pagkatapos, gumawa siya ng tolda, kung saan inilagay ang Kaban. At sila’y naghain ng mga handog para sa Diyos. Kaya ang bagay na ito ay nakabanal para kina David at ng mga Israelita. Sa Bagong Tipan, ang Kaban ng Tipan ay sumisimbolo sa Mahal na Birheng Maria. Gaya ng dinala ng Kaban ang Kautusan, dinala ni Maria ang ating Panginoong Hesukristo, ang Katurapan ng lahat ng batas at nasusulat sa Banal na Kasulatan, sa kanyang sinapupunan.

At nangyari ito dahil sumangayon siya sa dakilang plano ng Diyos na ipinahayag ng Arkanghel San Gabriel. Kaya siya’y tinawag ni Elisabet bilang pinagpala sa babaeng lahat. Sa ating Ebanghelyo (Lucas 11:27-28), narinig natin ang isang babaeng sumigaw kay Hesus na pagpapala sa kanyang Ina. At bilang pagtugon, sinabi din ni Hesus na pinagpala din ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tinutupad ito. Ang itinutukoy ng mga pahayag ay ang Mahal na Birheng Maria. Tunay ngang si Maria ay sumunod sa kalooban ng Panginoon kahit nagdurusa siya sa Pagpapakasakit at Pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya siya ay ipinalagay sa pangangaalaga ni Apostol San Juan. At sa itinakdang araw, siya’y inakyat ng Diyos papuntang langit dahil sa simula pa lang, siya’y nilihing walang kasalanan (Immaculada Konsepsiyon).

Hindi masasabi ng Simbahan kung siya’y namatay o kaya siya’y natutulog, ngunit ang totoo ay ang kanyang Pag-aakyat sa Langit ay sumasalamin sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo dahil sa huling araw, makakamit din natin ang buhay na walang hanggang ipinangako ni Kristo para sa atin. Kaya nga sa ating Ikalawang Pagbasa (1 Corinto 15:54b-57), umawit si Apostol San Pablo ng isang himig na nagsasalaysay na nanaig na ang kamatayan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.

Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y tayo rin maging mga mapalad na anak ng ating Panginoong Diyos katulad ni Maria, at sundin at tuparin ang kanyang kalooban para sa ating lahat.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: