Podcast: Download (Duration: 7:08 — 8.9MB)
Lunes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos
Ezekiel 1, 2-5. 24-28k
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Mateo 17, 22-27
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Jane Frances de Chantal, religious (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 1, 2-5. 24-28k
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ikalimang araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Joaquin. Ako na saserdote at anak ni Buzi ay nasa Caldea sa baybayin ng Ilog Kebar nang kausapin ng Panginoon.
Nang ako’y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. Sa sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buhay na anyong tao.
Nang sila’y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila’y tumigil, ibinaba nila ang kanilang mga pakpak. At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.
Sa ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa sapiro at may nakaupong animo’y tao. Mula sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakasisilaw, na ang kulay ay parang bahaghari.
Ganyan ang katulad ng kaningningan ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya’y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri’t magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo,
babae’t lalaki, mga kabataan,
matatandang tao’t kaliit-liitan.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Sa ngalan ng Poon lahat ay magpuri,
ang kanyang pangala’y pinakamaigi;
sa langit at lupa’y walang kasimbuti.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Siya’ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 22-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nagkakatipon sa Galilea sina Hesus at ang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila’y lubhang nagdalamhati.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. Tinanong siya, “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong Guro?” “Opo,” sagot ni Pedro. At nang dumating siya sa bahay, tinanong na siya agad ni Hesus, “Ano ba ang palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad sa lisensya o buwis ang mga hari sa lupa? Sa mga mamamayan ba o sa mga dayuhan?” “Sa mga dayuhan po,” tugon niya. Sinabi ni Hesus, “Kung gayun, hindi pinapagbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumaroon ka sa lawa at ihagis mo ang kawil. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Ibuka mo ang bibig nito at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo ito at ibayad sa buwis nating dalawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Agosto 11, 2024
Martes, Agosto 13, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sinisimulan ng Unang Pagbasa ngayon ang pangangaral ni Propeta Ezekiel, anak ni Buzi. Makikita natin si Ezekiel sa mga pangitain na ipinapahayag sa kanya ng Panginoon, at sa kanyang pagpapangaral, ang madalas na binabanggit dito ay ang pagpapanibago na gagawin ng Diyos sa kanyang bayang hinirang na nalugmok at nabulok sa kasalanan. Narinig natin sa pagbasa ang pangitain ni Ezekiel ukol sa apat na nabubuhay na nilalang, at pagkatapos ang isang anyo na parang anak ng tao na nakaupo sa isang trono. Ito ang pangitain tungkol sa Panginoong Hesus, Anak ng Diyos, na magpapahayag ng kanyang salita balang araw, at maihahayag ito sa pamamagitan ng apat na Ebanghelyo (bawat nilalang ay sinisimbolo ang mga Ebanghelista).
Itinuturo sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon ang tamang pamumuhay ng isang tao bilang mamamayan ng lipunan at higit pa bilang mananampalataya ng Diyos. Sa panahon ng mga Hudyo, bawat mamamayan ay kinakailangang bayaran ang buwis ng templo maliban nga lang sa mga relihiyosong pinuno ng Judaismo. Nang lapitan si Simon Pedro ng mga maninigil, tinanong nila siya kung nagbabayad ba ng buwis ang kanyang Guro, at tugon naman niya ay Opo. Ngunit ipinahiwatig ni Hesus na sa mga dayuhan nanggaling itong sistema at pinatutunguhan ng mga buwis na kinokolekta. Subalit upang hindi sila’y masaktan, iniutos niya na bumalik sa pangigisda si Pedro at kapag naghuli siya ng isang isda, bubuksan niya ang bibig nito na ang laman ay isang salaping pilak. At iyan nga ang natuklasan ng Apostol bilang pambayad ng kanyang buwis at ni Hesus sa Templo.
Tinuturan tayo ni Kristo na ang pagiging tao ay pagiging mamamayan ng lipunan na kung saan sinusundan natin ang mga batas ng ating bansa. Higit pa diyan, nais din ni Hesus na tayo’y maging mga mabubuting Kristiyano sa paggawa ng kabutihan bilang mga miyembro ng kanyang Katawan, ang Simbahan. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo ay hinula na ng Panginoon ang kanyang darating na Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ito’y nangyari dahil bagamat siya ay Diyos ay nagpakumbaba at narasan ang mga buhay ng tao maliban sa pagkakasala. Sa pag-aalay ng kanyang buhay sa Krus, natupad ang planong pangkaligtasan ng Diyos nang dahil sa pagiging masunurin niya.
Sa ating buhay, nawa’y sikapin nating maging mga mabubuting tao na sumusunod at isinasabuhay ang mga alintuntunin ng lipunan at mas mahalaga ay ang pagiging anak ng Diyos.
Salamat awitatpapuri.com sa paghahatid ng mabuting balita ng Panginoon..
Papuri sa iyo Hesus na aming tagapalaglitas..
Amen…
Salamat awitatpapuri.com sa paghahatid ng mabuting balita ng Panginoon..
Papuri sa iyo Hesus na aming tagapagligtas..
Amen…
God bless you!
Sa mga pagbasa ngayong Lunes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon o sa Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, mayroong ilang mahahalagang aral na mapupulot.
### 1. **Pagkilala sa Kaluwalhatian ng Diyos (Ezekiel 1:2-5, 24-28k)**
– Sa unang pagbasa mula sa aklat ni Ezekiel, ipinakita ang isang kahanga-hangang pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos. Makikita natin dito ang kadakilaan at kabanalan ng Diyos na higit sa anumang bagay sa mundo. Ang aral dito ay ang pangangailangang kilalanin at igalang ang Diyos, sapagkat Siya ay makapangyarihan at karapat-dapat sa ating pagsamba at pagpupuri.
### 2. **Papuri sa Diyos mula sa Lahat ng Nilalang (Salmo 148)**
– Ang Salmo 148 ay isang awit ng papuri na nag-aanyaya sa lahat ng nilalang, mula sa mga anghel sa langit hanggang sa mga hari, kabataan, at matatanda, na purihin ang Diyos. Ipinapakita nito na ang lahat ng nilikha ay may tungkulin na ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang aral dito ay ang pagpapahalaga sa papuri bilang isang unibersal na gawain, isang bagay na dapat ginagawa ng bawat nilalang bilang tugon sa dakilang kabutihan ng Diyos.
### 3. **Pagpapakumbaba at Pagsunod (Mateo 17:22-27)**
– Sa Ebanghelyo ni Mateo, inihayag ni Jesus ang Kanyang nalalapit na pagdurusa, kamatayan, at muling pagkabuhay, subalit hindi pa rin ito lubos na naintindihan ng Kanyang mga alagad. Sa parehong bahagi ng Ebanghelyo, ipinakita rin ang pagpapakumbaba ni Jesus sa pagbabayad ng buwis, kahit Siya’y Anak ng Diyos. Ginawa Niya ito upang hindi makatisod sa iba at upang magbigay ng halimbawa ng pagsunod sa mga batas. Ang aral dito ay ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, pagsunod sa awtoridad, at pag-iwas na makatisod ng kapwa, kahit sa mga bagay na tila maliit lamang.
### **Karagdagang Aral mula sa Buhay ni Santa Juana Francisca de Chantal**
– Kung ipagdiriwang din ang Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, may isa pang mahalagang aral na mapupulot mula sa kanyang buhay—ang malalim na pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok. Namatayan siya ng asawa, ngunit hindi ito naging hadlang upang magpatuloy sa kanyang misyon na maglingkod sa Diyos. Siya’y naging halimbawa ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay sa Diyos, ipinakita niya ang kabutihan at malasakit sa kapwa sa pamamagitan ng pagkakawanggawa at pagkakawangis kay Cristo sa lahat ng pagkakataon.
### **Pagninilay:**
– Ang mga pagbasa at ang buhay ni Santa Juana Francisca de Chantal ay nagtuturo sa atin na ang ating pananampalataya ay dapat isabuhay sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagsunod sa Diyos, at pagpupuri sa Kanyang kadakilaan. Mahalaga ring kilalanin na ang bawat nilikha ay may tungkulin na magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos, at tayo ay tinatawag na maglingkod at magbigay ng halimbawa ng Kristiyanong pamumuhay sa ating araw-araw na buhay.
Amen,
PAGNINILAY
Maraming praktikal na aral mula sa Ebanghelyo ngayon ang para sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Nagbayad si Hesus ng buwis, kahit hindi kinakailangan, para maturuan tayong maging responsableng mamamayan. Hiniling ni Hesus kay Pedro, dahil siya ay isang mangingisda, na kunin ang pera mula sa isda upang ituro sa atin kung paano magbayad ng buwis mula sa ating kinikita. Minsan tayo ay gumagawa ng mabuti kapag ito ay hinihiling sa atin o kapag tayo ay may pakinabang dito. Ngayon ay tinatawag tayong gumawa ng mabuti sa iba kahit na hindi tayo obligadong gawin ito. Nais ni Hesus na tuparin natin ang ating mga obligasyon, gumawa ng mabuti at gawin ang sinasabi nating gagawin natin. Ang paggawa ng mabuti ay gagawin tayong isang mabuting halimbawa sa iba, palaging kadaragdagan sa ating kredibilidad at tutulong sa atin na mamuhay ng may pagkakaisa at payapa.
Panginoong Hesus, tulungan mo kaming tumugon sa Banal na Espiritu sa paghangad naming mamuhay ng may dignidad, magbigay ng mabuting halimbawa at piliting huwag makasakit ng iba.
Amen.
***
MAGNILAY: Kung tutuusin hindi obligado si Hesus na magbayad ng buwis sa templo. Tahanan ito ng Diyos at siya ay Anak ng Diyos. Puwede sana niyang iginiit ang pribilehiyong ito pero hindi niya ginawa upang makiisa at hindi makaiskandalo sa mga ordinaryong taong matiyagang tumutupad ng kanilang obligasyon. Hindi lang tayo kumikilos dahil obligasyon. May pagkakataong kahit lagpas na at hindi na natin obligasyon gagawin pa rin natin sa ngalan ng pag-ibig. Kahit pribilehiyo natin ang isang bagay hindi na natin ito ipipilit bilang pakikiisa sa lahat na ating pinagsisilbihan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi nakakakilala ng limitasyon.
MANALANGIN: Panginoon, matularan nawa namin ang nag-uumapaw mong awa at pag-ibig sa amin.
GAWIN: Magmahal lang nang magmahal na hindi nagbibilang ni nanunukat.
Two things we never escape death and taxes.
There are no hopeless cases but there are hopeless people.
Kung malaki ang pagmamahal mas malaki ang pag asa.
Focus on God who never fails.
God will always provide.
There is nothing impossible with God.
Learning to love will have a big hope.
Increase my love so I hope greatly, Lord.