Podcast: Download (Duration: 4:35 — 3.3MB)
Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir
2 Corinto 9, 6-10
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Juan 12, 24-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Saint Lawrence, Deacon and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 9, 6-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan — upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:
“Siya’y namudmod sa mga dukha;
walang hanggan ang kanyang kabutihan.”
Ang Diyos na nagbigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang loob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila
pati mga angkan ay pinagpapala.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Ang mapagpautang nagiging mapalad
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid.
Di malilimutan kahit isang saglit.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
ALELUYA
Juan 8, 12bk
Aleluya! Aleluya!
Kapag si Kristo’y sinundan
liwanag n’ya’y makakamtan
para mabuhay kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 12, 24-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Agosto 9, 2024
Linggo, Agosto 11, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sa ating Ebanghelyo (Juan 12:24-26), ginamit ni Hesus ang imahe trigo bilang kaugnayan sa ating mga buhay bilang Kristiyano. Nais niyang ipahayag sa atin kung ano ang kahalagaan sa pagiging mga alagad niya. Katulad ng pagkamatay ng isang trigo, pagkahulog nito sa lupa, at pagiging masagana ang bunga, si Hesus din mismo ay namatay sa Krus at muling nabuhay upang tayo’y iligtas mula sa kasalanan at makibahagi sa misyon ng Diyos. Ang imahe ng trigo ay may kaugnayan sa buhay ng mga martir, lalung-lalo ngayon si San Lorenzo (hindi Ruiz). Siya’y isang diyakono noong ikatlong siglo, at naging bukas palad siya sa pagbenta ng mga mahaling kagamitan sa mga mahihirap. Kaya ito’y ginalitan ng Prefek ng Roma at iniutusan siyang ibalik ang mga kayamanan sa emperador. At dinala niya ang mga mahihirap bilang kayamanan ng Simabahan. Kaya hinatulan siya na patayin gamit ang gridiron. Bago siya pinatay, sinabi niya sa Prefek, “Hayaang nakatabingi ang katawan ko. Sapat na ang isang tagiliran ay maluto.” Si San Lorenzo ay namatay para sa mga mahihirap dahil binuwis niya ang kanyang buhay sa pagbibigay ng kanilang mga pangangailangan. Kaya’t totoo ang pahayag ni Tertuliano: “Ang dugo ng mga martir ay binhi ng mga Kristiyano.” At tayo din ay dadanas ng mga pahihirap at pagsubok sa ating buhay. Pero ang mahalaga dito ay nagtitis at nagtiyaga, ginawa natin ang mabuti at tama alang-alang sa Panginoon. Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga alagad ni Kristo at iharap ang bawat hamon ng buhay nang may pananampalataya sa kanya at pagmamahal sa kapwa.
It’s our duty to serve the Lord after demonstrating His greatest act of love by giving Him his only begotten Son to for our sins. Likewise it is the reason why we are still on Earth. To continue His mission through evangelization
Paginoon salamat po sa pag bigay mo sa amin ng magandang kalusugan upang maka pag lingkod sa aming kapwa. Salamat sa lakas na ibinigay mo sa amin para sundin sa iyong daan at gumawa ng ayon sa iyong kalooban. AMEN
**Pagninilay sa Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir**
Sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir, tayo ay pinapaalalahanan ng kanyang kahanga-hangang buhay ng paglilingkod at sakripisyo. Si San Lorenzo ay kilala sa kanyang pagmamahal sa mga dukha at matibay na pananampalataya sa Diyos kahit sa harap ng kamatayan.
Ang Unang Pagbasa mula sa 2 Corinto 9, 6-10 ay nagbibigay-diin sa prinsipyo ng pagtatanim at pag-aani. Sinasaad dito na ang naghahasik nang sagana ay aani nang sagana. Ang pagbibigay nang bukas-palad at mula sa puso ay nagdudulot ng biyaya hindi lamang sa nagbigay kundi pati na rin sa nakatanggap. Ang ganitong uri ng pagbibigay ay nagmumula sa isang pusong puspos ng pag-ibig at pananampalataya sa Diyos, tulad ng ipinakita ni San Lorenzo sa kanyang buhay.
Ang Salmo 111 ay nagpapaalala sa atin na ang taong matuwid ay mahabagin at mabait. Ang biyaya at kaligayahan ng buhay ay nagmumula sa pagiging matapat at mapagbigay, isang katangian na lubos na makikita kay San Lorenzo.
Sa Ebanghelyo ni Juan 12, 24-26, sinabi ni Jesus na ang butil ng trigo na nahuhulog sa lupa at namamatay ay nagbubunga ng marami. Ito ay isang paanyaya sa atin na handang mamatay sa ating mga sariling kagustuhan upang mabuhay para kay Cristo. Ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo, tulad ng ginawa ni San Lorenzo na nag-alay ng kanyang buhay para sa Diyos at sa kapwa.
**Pagninilay:**
Ang buhay ni San Lorenzo ay isang paalala sa atin na ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan sa paglilingkod at pagbibigay ng sarili. Ang kanyang halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod at matibay na pananampalataya ay dapat magsilbing inspirasyon sa ating araw-araw na buhay.
Nawa’y matuto tayong magbigay nang bukas-palad at mula sa ating puso, na may malalim na pananampalataya na ang Diyos ay nagbibigay ng higit pa sa ating inaasahan. Tulad ni San Lorenzo, nawa’y maging handa tayong mag-alay ng ating buhay at talento para sa kapakanan ng iba at sa kaluwalhatian ng Diyos.
Sa ating pagninilay, hilingin natin sa Diyos ang biyaya na maging mapagbigay at mahabagin, at nawa’y makita natin si Jesus sa bawat taong ating pinaglilingkuran. Patuloy tayong magtiwala na ang Diyos ay gagantimpalaan ang ating mga sakripisyo at tayo’y magiging bahagi ng Kanyang walang hanggang kaharian.
Amen
PAGNINILAY
Madalas nating iniisip na ang kamatayan ay ang katapusan ng buhay, ngunit ang kamatayan ay hindi ang katapusan ng buhay kundi ang simula ng isang bagong buhay. Maliban kung ang butil ng trigo ay mamatay ito ay nananatiling nag-iisa, ngunit kapag ito ay nahulog sa lupa at namatay, ito ay nagiging maraming butil. Ang kamatayan ng isang banal at makadiyos na tao ay maaaring tila isang katapusan sa mga mata ng mundong ito, ngunit maraming mga banal at makadiyos na mga tao ang ipapanganak mula sa kamatayan ng taong iyon. Ang pagiging martir ni St. Lawrence ay nagsilang ng pananampalataya sa Diyos at katapangan sa buhay ng maraming tao. Sa katulad na paraan, ang bawat Kristiyano ay dapat mamuhay ng kanyang buong buhay na nakatuon sa Diyos. Hindi ito gagawin para sa butil ng trigo na mamatay lamang upang magbunga. Dapat itong ‘mahulog sa lupa’. Wala tayong makakamit sa ating sarili. Kailangan natin ang pagkain na ibinibigay ni Hesus, dahil Siya ang ating buhay. Dapat tayong sumunod muna at hayaan Siyang akayin tayo kung saan Niya tayo gustong maglingkod. Hindi natin masasabi, ginawa ko ito sa aking paraan!” Ang isang gumagawa ng mga bagay sa kanyang paraan, ay hindi matatawag na tagasunod sapagkat siya ang panginoon ng kanyang sariling kalooban.
Panginoong Hesus, idinadalangin namin na ang aming buhay ay magbunga ng mabuting bunga upang kami ay makabahagi sa iyo ng buhay na walang hanggan.? Amen.
***
MAGNILAY: Ang dugo ng mga martir ang binhi ng pananampalataya. Dahil sa kanilang pagpapakasakit marami ang yumakap sa pananampalataya. Isa si San Lorenzo na diyakono sa mga unang martir ng Simbahan. Ang kahandaan niyang mamatay para sa pananampalataya ang kumurot sa puso ng marami upang manampalataya rin. Halimbawa siya ng binhing nahulog sa lupa na namunga matapos mamatay.
Hindi laging madugo ang maging martir. Ang pagsisilbi nang tapat araw-araw ay paraan ng pagiging martir. Ang limutin ang sarili upang pagsilbihan ang iba ay katumbas na rin ng dugo ng mga martir na dumanak upang magbigay-buhay. Ang sakripisyo natin ang patotoo kay Hesus na siyang unang nagpakamartir upang lahat ay mabuhay.
MANALANGIN: Panginoon, huwag nawang maging patay ang aking pananampalataya dahil duwag akong magpakamartir.
GAWIN: Maging abala na mamatay sa pagkamakasarili araw-araw.
PAGNINILAY: Sa ating Ebanghelyo (Juan 12:24-26), ginamit ni Hesus ang imahe trigo bilang kaugnayan sa ating mga buhay bilang Kristiyano. Nais niyang ipahayag sa atin kung ano ang kahalagaan sa pagiging mga alagad niya. Katulad ng pagkamatay ng isang trigo, pagkahulog nito sa lupa, at pagiging masagana ang bunga, si Hesus din mismo ay namatay sa Krus at muling nabuhay upang tayo’y iligtas mula sa kasalanan at makibahagi sa misyon ng Diyos. Ang imahe ng trigo ay may kaugnayan sa buhay ng mga martir, lalung-lalo ngayon si San Lorenzo (hindi Ruiz). Siya’y isang diyakono noong ikatlong siglo, at naging bukas palad siya sa pagbenta ng mga mahaling kagamitan sa mga mahihirap. Kaya ito’y ginalitan ng Prefek ng Roma at iniutusan siyang ibalik ang mga kayamanan sa emperador. At dinala niya ang mga mahihirap bilang kayamanan ng Simabahan. Kaya hinatulan siya na patayin gamit ang gridiron. Bago siya pinatay, sinabi niya sa Prefek, “Hayaang nakatabingi ang katawan ko. Sapat na ang isang tagiliran ay maluto.” Si San Lorenzo ay namatay para sa mga mahihirap dahil binuwis niya ang kanyang buhay sa pagbibigay ng kanilang mga pangangailangan. Kaya’t totoo ang pahayag ni Tertuliano: “Ang dugo ng mga martir ay binhi ng mga Kristiyano.” At tayo din ay dadanas ng mga pahihirap at pagsubok sa ating buhay. Pero ang mahalaga dito ay nagtitis at nagtiyaga, ginawa natin ang mabuti at tama alang-alang sa Panginoon. Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga alagad ni Kristo at iharap ang bawat hamon ng buhay nang may pananampalataya sa kanya at pagmamahal sa kapwa.
PANALANGIN: Panginoong Hesus, idinadalangin namin na ang aming buhay ay magbunga ng mabuting bunga upang kami ay makabahagi sa iyo ng buhay na walang hanggan, Amen! San Lorenzo, Ipanalangin mo kami!
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!