Podcast: Download (Duration: 7:20 — 9.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Habang ating pinagninilayan ang simulain ng ating Simbahan, manalangin tayo nang may bukas na puso sa ating Diyos Ama para sa sarili nating pangangailangan at ang pangangailangan ng sandaigdigan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Buhay na Diyos, basbasan mo ang iyong bayan.
Ang mahal na Papa, ang tagapagmana ng tungkulin ni San Pedro, nawa’y gamitin nang matalino at ayon sa kalooban ng Diyos ang kapangyarihan ng susing ipinagkaloob sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga may tungkulin ng pamumuno sa mga lipunan nawa’y hindi manaig ang kapangyarihan ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa paningin ng mga sumasampalataya nawa’y hindi mawala si Kristo na kanilang panulukang bato at pundasyon ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga matatanda nawa’y maalalayan at matulungan ng kanilang mga kapamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na sa buhay na ito nawa’y makatagpo ng kapahingahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Amang pinagmumulan ng lahat ng karunungan, ipinagkatiwala ng iyong Anak ang kanyang kapangyarihan sa Simbahan. Habang iniaalay namin ang aming mga panalangin, tulungan mo kaming maging ganap ang iyong kalooban sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Agosto 7, 2024
Biyernes, Agosto 9, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Diyos ay patuloy na magiging tapat sa atin sa kabila ng lahat ng ating mga pagkakasala at pagkukulang. Ganyan ang inilarawan ni Propetang Jeremias tungkol sa planong paggawa ng Bagong Tipan na kung saan ito ay isusulat sa mga puso ng bawat tao. Ito’y magiging tanda na isasapuso ng tao itong dakilang kasunduan na mayroon tayong isang Panginoon at tayo’y kanyang bayan. Itong Bagong Tapan ay natupad nang dumating ang ating Panginoong Hesukristo at inialay ang kanyang buhay sa Krus upang tayo’y mailigtas at marapat na tawaging mga anak ng Diyos.
Inilalahad naman ni San Mateo sa Ebanghelyo ang pagkakilanlan ng tao tungkol sa Panginoon. Tinanong ni Hesus ang kanyang mga Apostol kung sino siya sa paningin ng mga tao, at sinabi nila na siya’y parang si San Juan Bautista, Elias, at isa sa mga propeta. Ngunit nang tanungin sila nang personal kung sino siya para sa kanila, matuwid ang tugon ni Pedro na siya ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At siya’y ipinagkaloob ng Panginoon ng awtoridad na magpastol sa Simbahang itinayo sa Batong saligan upang kahit kamatayan ay hindi madadaig nito ng kahit anumang makamundong kapangyarihan. Ang Simbahan ay siyang magiging tagapangalaga ng pananampalataya ng tao sa Diyos. Ipinamalas din ni Hesus kay San Pedro ang Kapangyarihan ng Susi sa pagpapahintulot at pagbabawal ng mga kaluluwa dito sa lupa para nang sa langit. At iyan ang patuloy na misyong ginagawa ng Santo Papa, mga Obispo, at Pari lalung-lalo na sa Sakramento ng Kumpisal.
Kaya nga mahalaga ang papel ng Simbahan sa ating buhay. Bagamat napakaraming pagkukulang at pagkakamaling ginagawa ng mga taong nasa Hierarkiya at Laikong na kabilang tao, patuloy na ipapamalas ng Panginoon ang pagmamahal niya sa Sambayanang kanyang pinagbuklod sa Diyos Ama, ang Simbahang Iisa, Banal, Katolika, at Apostolika. Patuloy na magiging matapat sa atin ang Panginoon sa kabila ng ating mga kahinaan sa buhay. Ang hamon sa atin ay ang patanggap sa ating pananampalatayang Katoliko na tayo’y napabilang na isang anak ng Diyos, at nawa’y isabuhay natin ito sa pagbibigay-saksi sa mensahe ng pag-ibig nang may kasamang mabuting paggawa.
PAGNINILAY:
Ang ating mga pagbasa ngayon ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagiging tapat sa Diyos at sa Kanyang mga plano. Sa unang pagbasa, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang malasakit at pagmamahal sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong tipan. Sa halip na isulat ang batas sa mga bato, ito’y isusulat Niya sa mga puso, nagpapahiwatig ng mas malalim at personal na relasyon sa Diyos.
Ang tugon natin sa Salmo ay isang panalangin na lumikha ang Diyos ng isang malinis na puso at bagong espiritu sa atin, nagpapakita ng ating pagnanais na maging malapit sa Kanya at maging tapat sa Kanyang mga kalooban.
Sa Ebanghelyo, makikita natin ang pagpapahayag ni Pedro ng kanyang pananampalataya kay Jesus bilang Cristo. Subalit, sa kabila ng kanyang pananampalataya, nagkaroon din si Pedro ng kahinaan nang subukang pigilan si Jesus sa Kanyang misyon ng pagdurusa at kamatayan. Ang tugon ni Jesus kay Pedro ay nagbabalik sa atin sa kahalagahan ng pag-unawa at pagtanggap ng plano ng Diyos, kahit na ito’y mahirap o masakit.
Sa paggunita natin kay Santo Domingo, na naglaan ng kanyang buhay sa pangangaral ng Salita ng Diyos at pagtatanggol sa pananampalataya, nawa’y maging inspirasyon siya sa atin upang palaging magtiwala at maging tapat sa kalooban ng Diyos. Harinawang ang ating mga puso ay laging bukas sa pagtanggap ng Kanyang mga salita at handang sumunod sa Kanyang mga plano para sa ating buhay.
Amen
PAGNINILAY
Lahat tayo ay may kanya-kanyang larawan ng ating Panginoong Hesus. Ang ilan ay naglalarawan sa Kanya bilang isang dakilang Story-teller, habang ang iba ay nakikita Siya bilang ang Banal na Manggagamot Na magpapagaling sa lahat ng kanilang mga karamdaman. Inilarawan ng iba si Hesus bilang ang Isa na magbibigay sa kanila ng gusto nila. Ang pananampalataya kay Hesus ay ginagawa tayong “mga bato” o “mga espirituwal na bato.” Minsan sinusubok tayo sa parehong tanong na itinanong ni Hesus sa Kanyang mga disipulo, “Sino ako, ayon sa inyo?” Mahalagang pagnilayan natin kung Sino si Hesus para sa atin. At dapat natin Siyang ipahayag bilang Panginoon at Tagapagligtas ng ating buhay, bilang Mesiyas at Anak ng Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga bibig kundi sa pamamagitan ng ating mga aksyon bawat araw. Dapat nating naisin na mas makilala si Hesus dahil nakikita natin kung paano Siya may positibong epekto sa atin, kahit na tayo ay nahaharap sa tuyo at baog na mga araw. Dapat tayong makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Panginoong Hesus, nawa’y maipahayag namin na “Ikaw, Panginoon, ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay” hindi lamang sa mga salita kundi sa ating pamumuhay. Amen.
***
MAGNILAY: Dapat laging timbangin at suriin kung galing ba sa Diyos o baka sa diyablo ang bulong ng puso nati’t isipan. Pinuri ni Hesus si Simon dahil sa pahayag nitong siya ang Kristo kaya’t tinawag siyang Pedro na batong katatayuan ng simbahan. Pero tinawag din siyang Satanas upang ipamukha sa kanyang mali ang kanyang palagay na hindi dapat maghirap ang Kristo.
Madalas gayahin ng diyablo ang tinig ng Diyos. Akala natin bunga ng panalangin ang naiisip natin pero mula pala sa hangad nating magmagaling. Marahil akala ni Pedro ang galing-galing at ang banal-banal na niya nang mapuri siya ng Panginoon noong una niyang pahayag. Laking gulat siguro niya nang masupalpal siya ng Panginoon noong ikalawa.
Magpakumbaba sa lahat ng oras. Huwag magmagaling. Huwag isiping lagi kang tama. Makinig nang may mababang-loob tuwing magdadasal. Kumonsulta sa iba dahil hindi mo alam lahat. Kailangan mo ang pananaw ng iba para makatiyak kung galing nga sa Diyos ang nadarama natin. Higit sa lahat siguraduhing galing sa pagmamahal natin sa Panginoon ang iniisip natin hindi pagmamahal sa sarili lang.
MANALANGIN: Panginoon, ituwid mong lagi ang mga mali naming akala.
GAWIN: Maging ugaling ikunsulta at ipagdasal bawat pananaw, desisyon at hakbangin natin.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!