Lunes, Hulyo 29, 2024

July 29, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 29
Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro

Sa kapistahang ito nina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro, alalahanin natin ang mga taong naglilingkod sa atin araw-araw. At hilingin natin sa Diyos na ipagkaloob sa kanila ang mga pagpapala at biyayang nais nilang makamit.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Tagapagbigay ng mga kakayahan at gawain ng paglilingkod,
basbasan Mo ang aming mga gawa.

Ang mga naglilingkod sa Simbahan nawa’y tunay na maging halimbawa sa kanilang pananalangin at paggawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nanunungkulan sa bayan nawa’y tumupad sa kanilang mga tungkulin sa diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Tulad nina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro, tayo nawa’y magkusa at maging bukas-palad sa pagbibigay ng kagalakan at ginhawa sa mga ipinagkatiwala sa ating pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at matatanda nawa’y makaranas ng pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong mananampalataya na naglingkod noong sila ay nabubuhay pa nawa’y umani sa Langit ng mga bunga ng kanilang mga pagsisikap, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, humihingi kami ng biyaya ng paglilingkod. Marapatin mo na ang aming buhay at gawain ay maging mabunga para sa marami upang kami ay makapaglingkod nang katulad ni Marta. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Ethel de ungria July 28, 2024 at 7:52 pm

PAGNINILAY: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig” (1 Juan 4, 7). Sa mga salitang ito mula sa pangaral ni Apostol San Juan na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang parangalan ang tatlong banal na tao na naging mga malapit na kaibigan ng Poong Jesus Nazareno – sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania. Binuksan nila ang kanilang mga sarili sa paanyaya ng Poong Jesus Nazareno upang maging Kaniyang mga kaibigan at lagi nilang ipinakita sa Kaniya ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa kanilang kaibigang mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Itinuturo ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania sa bawat isa sa atin kung paanong maging mga minamahal na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ipinapaalala sa atin ng magkapatid na ito na nais makipag-ugnayan sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kailangan nating gawin ay maging bukas at tanggapin ang paanyayang ito. Sa pamamagitan nito, ang ating tapat at taos-pusong pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ating pinapatunayan. 

Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan; “Palagi kong pupurihin ang Dakilang Poon natin” (Salmo 33, 2a). Tanging mga tapat at taos-puso sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poon ang makagagawa nito. Ang mga tapat at taos-pusong nananalig at sumasampalataya sa Panginoong Jesus Nazareno ay tunay ngang nag-aalay ng tapat at taos-pusong pasasalamat, papuri, at pagsamba sa Kaniya. Sabi nga rin sa alternatibong Salmong Tugunan na galing rin sa isa sa mga taludtod nito: “Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin” (Salmo 33, 9a). Ang magkapatid mula sa Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro na kilala rin bilang mga minamahal na kaibigan ni Kristo ay mga halimbawa nito. 

Tampok sa Ebanghelyo ang tapat at taos-pusong pananalig ng magkapatid mula sa Betania sa kanilang minamahal na kaibigang si Kristo. Sa isa sa dalawang tampok na salaysay sa Ebanghelyo, inihayag ni Santa Marta sa Panginoong Jesus Nazareno ang kaniyang tapat at taos-pusong pananalig sa Kaniya bilang Anak ng Diyos at Mesiyas na kaloob ng Diyos sa tanan. Sa alternatibong Ebanghelyo, ibinigay ng kapatid nina Santa Marta at San Lazaro na si Santa Maria ang kaniyang atensyon kay Kristo Hesus habang nangangaral Siya sa kanilang bahay sa Betania. Ang buo niyang atensyon ay buong puso niyang inihandog sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isinantabi niya ang lahat para lamang sa Poong Jesus Nazareno. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makipag-ugnayan sa atin. Inaanyayahan tayo ni Jesus Nazareno na makipagrelasyon sa Kaniya. Maging bukas nawa tayo sa paanyayang ito ng Poong Jesus Nazareno, gaya ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania.

Reply

Malou Castaneda July 28, 2024 at 8:48 pm

PAGNINILAY
Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Si Hesus ay Panginoon ng ating pisikal at espirituwal na buhay. Ngunit ang pinakadakilang himala ni Hesus ay hindi ang pagpapanumbalik kay Lazarus sa pisikal na buhay. Ang pinakadakilang himala ay nakasalalay sa kapangyarihan ni Hesus na magbigay ng walang katapusang espirituwal na buhay sa atin na naniniwala sa Kanya. Ang mga taong lubos na nagtitiwala sa Diyos ay hinahayaan ang Diyos Mismo na kumilos at… sa kanila ay walang imposible. Ang pananampalataya na nais ni Hesus mula sa atin ay isang lubos na mapagkakatiwalaang saloobin na nagbibigay-daan sa Diyos na ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay. At ang pananampalatayang ito ay hindi nakalaan para sa ilang natatanging tao. Ito ay posible para sa lahat ng mananampalataya.

Panginoong Hesus, bigyan Mo kami ng pananampalataya na maniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay, at sa buhay sa daigdig na darating. Amen.
***

Reply

Reynald David Perez July 28, 2024 at 11:09 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Paggunita sa tatlong magkakapatid ng Betania, sina Sta. Marta, Sta. Maria, at San Lazaro. Isa si Santa Marta sa mga kababaihang tagasunod ni Hesus at mga malalapit niyang kaibigan. Siya ang kapatid nina San Lazaro at Santa Maria ng Betania. Kilala siya sa paglilingkod sa mga pisikal na pangangailangan ng mga panauhin sa kanilang sambahayan. Minsan nga siya’y nagreklamo sa Panginoong bisita sa kanilang bahay na pagsabihan ang kanyang kapatid na si Maria na tulungan siya. Ngunit ipinaalala ni Hesus sa kanya na hindi dapat siya maging abala sa maraming bigay, kundi gawin ang nararapat na makinig sa Panginoon, katulad na ginagawa ni Maria.

Nang nabalitaan ni Hesus na may sakit ang kanyang kaibigang si Lazaro, alam ni Hesus na mamatay si Lazaro hindi dahil nais niya ito, kundi upang iphayag sa magkapatid, mga bisita nina Marta at Maria, at pati na rin sa mga Apostol ang tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nang makita ni Marta si Hesus, parang nanumbat siya sa Panginoon na dapat dumating rito noong buhay pa ang kanyang kapatid na si Lazaro. Ngunit idineklara ni Kristo kay Marta bilang Muling Pagkabuhay at ang Buhay, na sinumang sumasampalataya sa kanya ay mabubuhay kailanman at hindi na mamamatay. Kaya sumampalataya si Marta sa paniniwalang si Kristo ay ang Anak ng Diyos. Bagamat naging abala rin si Marta nang ipinauurong ni Hesus ang bato mula sa libingan dahil sa naagnas na katawan ni Lazaro, ipinaalala rin ng Panginoon sa kanya na makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos kung siya’y sasampalataya. Kaya binuhay muli ni Hesus ang kanyang kaibigan mula sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng isang piging sa Betania, na kung saan si Marta ay naghanda, samantala si Maria ay nagbuhos ng langis sa paa ni Hesus. Ito ang kanilang pasasalamat sa Panginoon sa pagbubuhay ng kanilang minamahal na kapatid na si Lazaro.

Makikita natin sa buhay ni Santa Marta ang kahalagahan ng pagsisikap at paglilingkod para sa Panginoon. Kasama nina Santa Maria at San Lazaro, siya’y nagbigay ng aliw sa ating Panginoong Hesukristo sa nalalapit na Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus nito sa Jerusalem. At ipinaalala rin sa atin sa kwento ng magkakapatid na taga-Betania ang pananamapalataya na hindi lahat ay natatapos sa kamatayan, subalit mayroon pang darating na kaligayahan sa buhay na walang hanggan kung tayo ay patuloy na mananalig kay Kristo.

Reply

lance dz July 29, 2024 at 1:53 am

PAGNINILAY Sa panahon natin ngayon ay maraming nagbibigay ng aliw
tulad ng mga ppop groups halimbawa ng BINI, mga palabas sa telebisyon , laro at social media kagaya rin ito sa ating natunghayan sa ebanghelyo natin ngayon maraming dumalaw na Judio kila Maria at Marta upang ito ay aliwin .
Nang marrinig naman ni Marta na parating si Hesus ngunit si Hesus ay nagpahayag nang sinalubong siya ni Marta
“Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sumagot naman si marta at may nalaman ito.
MGA KAPATID , sa ating nararamdaman ngayon sa winika na panginoon, kung kayo po naririto hindi sana namatay ang aking kapatid . Ngunit walang imposible naman kung sa diyos tayo lumapit .
Kung may tiwala naman tayo sa panginoon nating diyos, magtiwala tayo pagsisihan at talikdan natin ang ating mga pagkakasala upang makuha natin ang ating pinapangarap at panalangin upang mapagaan ito .
Kasalanan ang humahadlang sa pagtupad ng panalangin natin , ito ay base sa speech ni Bro.Mike Z.Velarde sa Bagong Liwanag magazine noong 1999.
Kung mananalig naman talaga tayo sa diyos, walang imposible
MGA KAPATID , noong huwebes ay binaha tayo lalo na ang nasa Manila. Ngunit mapapayo lang natin is magbayanihan tayo at humiling sa diyos, ipagdasal nila sa tulong natin at sa awa ng diyos
MAKAKABANGON ANG ATING BANSA SA DELUBYO O SAKUNA, KAHIT ANO PA YAN
SA NGALAN NG AMA ANAK AT ESPIRITU SANTO AMEN..

Reply

Group of Believer Poblite July 29, 2024 at 8:42 am

MAGNILAY: Sina Marta, Maria at Lazaro ay hindi lang mga disipulo ni Hesus. Sila’y magkakapatid na mga kaibigan o kabarkada ng Panginoon. Alam natin ang pagmamahalan ng mga magkakaibigan. Minsan mas higit pa sa tunay na magkakapatid. Maaaring nagsimula ang kanilang relasyon sa pagkakaibigan pero nauwi sa pananampalataya at pagiging mga disipulo nila ng Panginoon. Sukdulan ang pagmamahal ni Hesus sa kanyang mga kaibigan na nakita sa kanyang pagtangis at paghagulgol nang malamang namatay na si Lazaro na nauwi sa pagbuhay niyang muli upang maging patikim ng Muling Pagkabuhay kay Kristo.

Ang mga kaibigan natin ay kaibigan hindi lang dahil sa kanila natin nailalabas ang mga kalokohan natin na hindi tayo huhusgahan. Sila’y mga kaibigan natin dahil sa kanila lumalago ang pananampalataya natin sa Diyos. Sila ang mga kaagapay natin sa pananampalataya. Katuwang natin sila sa pagkakamit ng kabanalan at kaligtasan. Kay Hesus mas lalo natin natutuklasan kung ano ang tunay na kahulugan at kung paano maging tunay na kaibigan.

MANALANGIN: Panginoon, magkaroon nawa kami ng mga tunay na kaibigan na aakayin namin at aakay sa amin sa pananampalataya.

GAWIN: Palakasin mo ang pananampalataya ng kaibigan mong nawawalan ng tiwala sa sarili, sa kapwa at sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: