Huwebes, Hulyo 25, 2024

July 25, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 25
San Tiago, Apostol

Si San Tiago, kapatid ni Juan, ay tinawag mula sa pagsusursi ng kanyang lambat upang sumunod kay Kristo. Sa tulong ng Apostol na natutong maglingkod sa iba, manalangin tayo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, basbasan Mo ang Iyong bayang itinatag sa mga Apostol.

Ang mga lingkod ng Simbahan nawa’y gampanan ang kanilang tungkulin sa diwa ng paglilingkod at paglalaan ng sarili, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y makatupad sa kanilang tungkulin nang may katapatan at pag-aalay, manalangin tayo sa Panginoon.

Magkaroon nawa ng maraming kabataang bukas-loob na tutugon sa tawag para sa pagpapari at buhay-relihiyoso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y matutong makibahagi sa kalis ng paghihirap ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y tanggapin sa kagalakan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Ama, tulungan nawa kami ng mga panalangin ni San Tiago sa paglalapit namin sa iyo ng aming mga kahilingan. Nawa ang paglalakbay naming ito sa buhay ay mamukod sa paglilingkod sa iba. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 22, 2022 at 9:27 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni Apostol Santiago, ang kapatid ni San Juan na isa sa mga anak ni Zebedeo. Kilala silang 2 bilang “Boanerges” o “mga anak ng kidlat” sapagkat kapag sila’y nagsasalita ay parang malakas ang epekto ng kanilang mensahe.

Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita kung gaano ninanais nila na itugon ni Hesus ang kanilang tugon. Ang kanilang ina [Santa Salome] ay lumapit kay Hesus at hiniling na kapag iniluwalhati na diya bilang Anak ng Diyos, ipaupo sina Santiago at Juan sa kanan at kaliwa niya. Ngunit alam ni Kristo na hindi gaanong madali ang hiniling nila, sapagkat ayon sa kanya ay kailangan nilang uminom sa kalis ng pagdurusa. At sa paggalit ng iba pang Apostol dahil sa kanilang hiling, tinipon sila ng Panginoon at ipinahayag tungkol sa pagkakamit ng kadakilaan.

Nais ipahiwatig sa atin ni Hesus na ang pagkakaroon ng maraming tagumpay ay kinakailangang magdusa hindi dahil tayo’y pinaparusa ng Diyos, kundi upang maging mas matatag pa ang pananampalataya natin sa kanya. At tungkol sa pagiging una at dakila, kinakailangan nating magpakumbaba at maglingkod gaya ng ginawa ni Hesus nang ialay niya ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng karamihan.z

Kaya nga si Santiago ay ang kauna-unahang Apostol na pinatay noong ika-44 ng Taon ng Panginoon sa utos ni Haring Herodes Agripa I (Cf. Gawa 12:2). Bago pa man mangyari iyan, sinasabi na nagpunta siya sa Espanya upang ipagpatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo.

Kaya’t sa ating buhay, nawa’y tayo’y maging mga tunay na Kristiyano sa pagbibigay-saksi sa Panginoon nang buong lakas, kababang-loob, at paglilingkod sa ating kapwa at sa ibang tao.

Reply

Marz July 25, 2024 at 11:50 am

Mahal na Panginoon,gabayan at bigyan mo nawa kami ng buhay ng tunay na Kristiyano na nagbibigay-saksi sa Panginoon nang buong lakas, kababang-loob, at paglilingkod sa ating kapwa at sa ibang tao.
Amen.

Reply

Malou Castaneda July 25, 2024 at 3:41 pm

PAGNINILAY
Itinuro ni Hesus na ang tunay na kadakilaan ay dapat ipahayag sa pamamagitan ng isang malalim na pagpapakumbaba at isang kahandaang maglingkod. Ang paglilingkod ay ang daan tungo sa kadakilaan. Hindi ito tungkol sa sarili. Ito ay tungkol sa serbisyo. Sakripisyo, isang namamatay sa sarili. At si Hesus ang ating tunay na halimbawa. Hindi Siya naparito upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa atin! Nawa’y tularan natin ang Kanyang halimbawa sa ating tahanan, pinagtatrabahuhan, simbahan, at komunidad. Hindi na magrereklamo sa ating responsibilidad. Wala ng galit sa mga hindi nagpapasalamat. Wala ng pait kung hindi napapansin. Wala ng awa sa sarili. Wala ng pagtataguyod ng sarili.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magkaroon ng mapagkumbaba at mapagmalasakit na saloobin sa lahat. Amen
***

Reply

Celine loveko July 28, 2024 at 1:50 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: