Martes, Hulyo 23, 2024

July 23, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Natitipon bilang isang komunidad, humingi tayo sa Diyos Ama para sa ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, sa ngalan ng iyong Anak, basbasan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging isang tunay na pamilya, na may pananalig sa kalooban ng Ama at sa mga turo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y huwag magpasa ng mga batas na labag sa ating pananampalataya at moralidad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilya nawa’y maging tunay na magkakapatid sa turing sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa isa’t isa ayon sa kalooban ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa nawa’y pakitaan natin ng pagkalinga sa anumang paraan upang mapagaan ang kanilang dinadala at matulungan silang patuloy na magtiwala sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa kanilang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Mapagmahal na Ama, gawin mo kaming mga tapat na anak mo na masunurin sa iyong banal na kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 4, 2020 at 12:47 am

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ay paalala sa atin kung paano tayo’y tinatawag bilang Sambayanan ng Diyos. Nang sabihin ng isang tao na dumating ang ina at kapatid ni Hesus sa labas ng bahay, tila nga bang nagtaka ang Panginoon kung sino ang kanyang mga ina at kapatid. Ang mga kapatid na itinutukoy dito ay galing sa salitang Griyego na ‘aldephoi’ na nangangahulugang “kamag-anak” o kaya mga anak ng isa pang babaeng nangangalang Maria. At itinuro niya ang kanyang mga alagad at tagasunod bilang ina at kapatid. Hindi ninanais ni Hesus na magkumpara ng kahit sinong indibidwal, ni hindi niya tinatanggihan ang kanyang lahing dugo. Ang ginagawa niya ay palawakin ang Pamilya ng Diyos na kanyang Ama sa pakakasiguro na sinumang sumusunod at tumutupad sa kalooban ng Ama ay ang kanyang ina at mga kapatid. Ang ating Mahal na Birheng Maria ay isa sa mga mabubuting huwaran ng pagtatalima sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, kababaang-loob, at pagiging masunurin.

Ipinahayag ni Propetang Mikas sa Unang Pagbasa ang mga kadakilaan ng Panginoong Diyos katulad ng paglikas ng kanyang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Ang pagiging matapat ng Panginoon sa kanyang mga pangako ay ang kanyang katapatan na gabayan ang mga taong nananalig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos. Kaya bilang mga Kristiyano, nawa’y makilala natin kung gaanong matapat ang Panginoon sa ating mga buhay, at bilang pagpapasalamat at pagpupuri sa kanya, nawa’y patuloy tayong maging masunurin at matapat sa kanyang dakilang kalooban upang palagi tayong mabibilang sa kanyang Sambayanang umaasa sa kaluwalhatian ng langit. At ang pagsunod sa kanya ay may kasamang kaakibat ng tama at mabubuting gawain sa ibang tao.

Reply

flor July 21, 2020 at 11:57 pm

Patnubayan mo ang buong bansa, Panginoon, at
Magpakita ka sa amin ng mga kababalaghan tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan maghimala ka Panginoon sa bawat isa sa amin na nakakaranas ng pagsubok lalo na ang buong Mundo Panginoon.

Reply

Group of Believer Poblite July 23, 2024 at 6:32 am

MAGNILAY: Si Maria at ang mga kamag-anak ni Hesus na nasa labas ay kumakatawan sa lahat sa atin. Taga-labas tayo hangga’t hindi tayo tumutupad sa kalooban ng Diyos. Kahit mismong mga kadugo ni Hesus ay hindi ligtas sa kondisyong ito. Naging kapamilya lang silang tunay noong sandaling tumupad sila sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay Ina ng Manunubos hindi lang dahil siya ang nagsilang kay Hesus kundi siya mismo ay naging perpektong alagad at tagasunod ng sarili niyang anak.

MANALANGIN: Panginoon, tulungan mo kaming makapasok sa loob ng iyong pamilya sa pamamagitan ng pagtupad namin ng kalooban ng Diyos sa aming buhay.

GAWIN: Laging timbangin kung kalooban nga ng Diyos ang bawa’t desisyon at hakbangin mo sa buhay.

Reply

Malou Castaneda July 23, 2024 at 6:03 pm

PAGNINILAY
Ang ating “lumang” pag-iisip ay kailangan nating kumita ng sapat na mga puntos o merito upang ipagpalit para sa ating tiket sa langit.  Ang katotohanan ay wala tayong magagawa upang maging karapat-dapat sa kaloob ng kaligtasan at matalik na pagkakaisa sa Diyos. Ito ay dalisay na kaloob sa bahagi ng Diyos. Kapag nalaman na natin ang kagandahang-loob ng ating Diyos, dapat nating naisin na gawin ang hinihiling ng Diyos sa atin upang ipakita ang ating pagpapahalaga at pasasalamat sa Diyos para sa kagandahang- loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Habang lalo nating hinahangad na umangkop sa plano ng Diyos para sa ating buhay at sa buhay ng mga nakapaligid sa atin, mas mararanasan natin ang pagiging malapit ng Diyos sa atin. Kapag nakalimutan natin ang tungkol sa labis na bukas-palad at mapagmahal na kabaitan ng Diyos sa atin, nauuwi tayo sa pagtutuon ng pansin sa ating sarili at “nakakaligtaan natin ng pamantayan” (nagkakasala tayo). Ngunit, ang ating mapagmahal na Diyos ay handang kunin ang ating mga kasalanan at itapon ang mga ito sa kailaliman ng dagat kung saan hindi na sila ilabas muli.

Ang dahilan kung bakit si Maria ang pinakamalapit na tao kay Hesus ay hindi dahil mayroon Siya ng kanyang mga lahi, ngunit ganap at lubos niyang hinangad na gawin ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos.

Panginoong Hesus, nawa’y pagsikapan naming tularan ang ugali ng Inang Maria at madama namin na mapalad kung marinig namin ang mga salitang binibigkas para sa amin: “Sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama sa langit ay aking kapatid na lalaki at babae.” Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: