Podcast: Download (Duration: 7:24 — 9.2MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa pamamagitan ni Kristo at sambahin natin ang Amang nasa Langit sa ating pananampalataya, pag-ibig, at mahabaging awa.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng awa, basbasan Mo kami.
Ang mga Kristiyano saanman nawa’y hindi maging mga taong ang kilos ay legalismo at panlabas lamang kundi maging mga taong may puso na ginagawa ang nararapat bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansa sa mundo nawa’y matutong gumalang at tumulong sa isa’t isa at hindi maggamitan lamang kundi makipag-ugnayan ayon sa katarungan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ayon sa udyok ng habag ni Kristo, nawa’y hindi natin hatulan ang mga nagkakamali kundi bigyan pa sila ng bagong pagkakataon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y tumanggap ng tulong mula sa mga taong may kakayahan at pamamaraan na pagaanin ang kanilang pinapasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mamahinga sa kalipunan ng mga banal sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, huwag mo kaming hingan ng anumang sakripisyo maliban sa tunay na pagbabalik-loob, tapat na pananampalataya, at paglilingkod na may pagmamahal. Bigyan mo kami ng lakas at dumito ka sa amin ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Hulyo 18, 2024
Sabado, Hulyo 20, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.
Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan.
Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.
MAGNILAY: Nakakapagod kahit sabihin pang mabuti ang iyong pinagkakaabalahan. Tiyak ang pananamlay lalo’t iniisip mong nakasalalay sa iyo ang tagumpay ng iyong ginagawa. Kapag nagmamagaling kang hindi mo kailangan ang sinuman at kayang-kaya mong nag-iisa, humanda ka dahil isang araw magigising kang pagod na pero ang layo mo pa sa katuparan ng iyong ginagawa.
Magpahinga ka sa pagmamataas mo. Kailangan mo ang iba at lalo na kailangan mo ang Panginoon! Isuot mo ang pamatok ng pagpapakumbaba at kasama ang Panginoon at ang kapwa mo pasanin ang dalahin ng buhay nang mas maginhawa.
MANALANGIN: Mahal na Poong Hesus Nazareno, ang malaman at madamang kaagapay kita at kapwa ko sa aking buhay ay sapat nang kapahingahan sa nakapapagod kong pakikibaka sa buhay.
GAWIN: Pasanin mo ang dalahin ng iyong kapwa. Hayaan mo ring may ibang makipasan sa mga dalahin mo sa buhay lalo ang Panginoon.
PAGNINILAY
Nagsusumikap tayo upang makapasok sa kapahingahan ng Diyos. Ito ay upang alalahanin kung gaano natin lubhang kailangan ang awa ng Diyos habang nagpapasalamat na tinatanggap ito. Ang kawalan ng habag ay nagpapaalala sa atin ng mga salita ni Pope Francis:- ‘Kung ang ating puso ay sarado, kung ang ating puso ay gawa sa bato, kung gayon ang mga bato ay mapupunta sa ating mga kamay at, kung gayon, handa tayong ihagis ito sa isang tao. ‘. Nais ng Diyos na palayain tayo mula sa ating mga sakit, pagkabalisa, takot, at mga pasanin sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang walang pasubaling awa at pagmamahal. Ipinaaabot natin sa iba ang kaloob na awa at pagmamahal na bukas-palad na ibinahagi sa atin. Tinitingnan natin ang buhay gamit ang mata ni Hesus, nananalangin para sa higit na kakayahang maunawaan at patawarin ang mga pagkukulang ng iba – at ang ating sarili. Lagi nawa nating tandaan na tanggapin at isagawa ang Kanyang pagmamahal at awa.
Panginoong Hesus, turuan Mo kaming ipagdiwang ang Araw ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsamba at paglilingkod. Amen.
***